Sotto tuloy lang sa training sa US
- Published on March 25, 2021
- by @peoplesbalita
Tuloy lang sa pagpapalakas si Kai Sotto sa Amerika.
Walang masyadong ingay ang kampo ni Sotto upang makaiwas sa kaliwa’t kanang bashers.
Subalit hindi tumitigil ang 7-foot-3 cager sa pagsasanay upang lubos na maihanda ang kanyang sarili sa pangarap na makapasok sa NBA.
Sa katunayan, kasama ni Sotto sa training ang mahuhusay at beteranong coaches upang mas lalo pang mahasa ang skills nito.
Ilang larawan ang lumabas sa social media kung saan sumasailalim ito sa workout kasama ang beteranong trainer na si Stanley Remey.
“Potential is only potential if you work hard to make it a reality. Great work this weekend @kzsotto, the sky is truly the limit,” ayon sa post ni Remy.
Kilalang skills trainer si Remy dahil ilang NBA players na ang dumaan sa kamay nito kabilang na sina dating NBA MVP James Harden at Cleveland Cavaliers center Andre Drummond gayundin sina Hassan Whiteside, Trevor Ariza, Greg Monroe at Brandon Knight.
May larawan pang lumabas na kausap ni Sotto si Drummond matapos ang workout.
Nagdesisyon ang kampo ni Sotto na manatili sa Amerika sa halip na muling bumalik sa Pilipinas para samahan ang Gilas Pilipinas pool sa training camp nito sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Kasama si Sotto sa mga inimbitahan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para maglaro sa FIBA Asia Cup Qualifiers at FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Gaganapin ang Asia Cup Qualifiers sa Clark, Pampanga sa Hunyo habang sa Belgrade, Serbia naman idaraos ang Olympic qualifiers na magsisimula sa Hunyo 29.