SWS: 42% Pinoy ‘not poor’ tingin sa sarili
- Published on June 10, 2025
- by @peoplesbalita
NASA 42% ng pamilyang Pinoy ang nagsabi na sila ay hindi mahirap, na itinuturing na new record high.
Base sa resulta ng survey ng Social Weather Station na ginawa mula Abril 23-28, 2025, tumaas ng 10 puntos ang nagsabing sila ay “not poor” mula sa 32% noong April 11-15, 2025 survey.
Nalampasan din nito ang 36% noong Marso 2025.
Samantala nasa kalahati o 50% ng mga pamilyang Pinoy ang naniniwalang sila ay mahirap.
Mas mababa ito ng limang puntos kumpara sa Abril 11-15, 2025 survey.
Naitala ang pagbaba sa Metro Manila at Mindanao, habang walang pagbabago sa Mindanao at Balance Luzon. Pinakamataas ang self-rated poverty sa Visayas, 67% at pinakamababa sa Metro Manila, 33%.
Sa tinatayang 14.1 milyong self-rated poor families sa latest survey, 2.2 milyon ang ‘newly poor’, 2.3 milyon ‘usually poor’, at 9.5 milyon ‘always poor’.
Nasa 8% naman ang nagsabi na sila ay nasa borderline, sa pagitan ng mahirap at hindi mahirap, na itinuturing na record low, na nalampasan ang 11% noong Disyembre 2024.
Ang survey ay ginawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews at nilahukan ng 1,500 Pinoy adults sa buong bansa.