SWS: Pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom, tumaas sa 20% noong Abril
- Published on June 30, 2025
- by @peoplesbalita
BAHAGYANG tumaas sa 20% ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nakaranas ng involuntary hunger noong Abril, ayon sa Social Weather Station (SWS).
Ang survey ay isinagawa mula Abril 23-28, 2025 at ang resulta nito ay inilabas noong Sabado.
Inilarawan ng SWS ang involuntary hunger bilang pagkagutom na walang anumang kakainin ng minsan sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang pinakahuling hunger rate ay bahagyang mas mataas kumpara sa naitalang 19.1% sa survey na isinagawa noong Abril 11-15, 2025.
Sa naturang 20% na hunger rate, 16.4% ang nakaranas ng “moderate hunger” o nakaranas ng gutom ng minsan o ilang beses, at 3.6% ang nakaranas ng “severe hunger” o madalas at palaging nakakaranas ng gutom, sa nakalipas na tatlong buwan.
Pinakamaraming nagutom sa Mindanao na nasa 26.3% ng mga pamilya.
Sinundan ito ng Metro Manila na nasa 20.3%, Visayas 19.7%, at Balance Luzon 17%.
Sa nasabi ring survey, lumitaw na nasa 50% ng pamilyang Pinoy ang ikinukonsiderang mahirap ang kanilang sarili habang nasa 8% ang nagsabing sila ay nasa borderline ng mahirap at hindi mahirap.
Nasa 42% ang nagsabi na sila ay hindi mahirap.
Noong Disyembre 2024, iniulat ng SWS na nasa 63% o 17.4 milyong pamilyang Pinoy ang ikinukonsidera ang kanilang sarili na mahirap, na pinakamataas na rate sa loob ng 21 taon.