Tumulong sa paglilinis sa eskuwelahan sa Bulacan… PBBM, pinangunahan ang ‘Brigada Eskwela 2025’
- Published on June 10, 2025
- by @peoplesbalita
“WELCOME back to school! Study hard, kids.”
Ito ang paalala at paghihikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos na kanyang isinulat sa bagong ikinabit na blackboard, nang bisitahin ng Chief Executive ang Barihan Elementary School sa Malolos City, kasabay ng pag-arangkada ng “Brigada Eskwela 2025.”
Sumama at sumali kasi ang Pangulo sa mga magulang, guro at volunteers sa ground, muling pinagtibay ang commitment ng administrasyon na palakasin ang public education hindi lamang sa pamamagitan ng polisiya, subalit sa pamamagitan ng personal at ‘visible support’ sa grassroots level.
Bago pa magsimula ang school year 2025–2026 sa June 16, in-inspeksyon ng Pangulo ang mga silid-aralan na sumasailalim sa ‘repairs—checking ceilings, mga bintana at pintuan upang matiyak na ang mga estudyante ay babalik sa ‘functional at secure learning spaces.’
Nirepaso rin ng Pangulo ang mga photo archives ng typhoon-related damage sa mga nakalipas na taon, binigyang diin ang pangangailangan para nagpapatuloy na investment sa disaster-resilient school infrastructure.
Maliban sa Barihan, binisita ni Pangulong Marcos ang Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan, kung saan in-inspeksyon ang pagkukumpuni sa mga silid-aralan at sinaksihan ang serye ng school readiness activities.
Kabilang dito ang mga proyekto na may kinalaman sa paghahalaman, pagpipinta at pag-aalwagi, naglalayon na gawing mahusay ang ‘physical environment’ ng eskuwelahan bago pa ang pagbubukas ng klase.
Inobserbahan din nito ang orientation session para sa 20 estudyante na gumagamit ng Khan Academy, isang online platform na nag-aalok ng libre, high -quality learning materials —binigyang diin ang lumalagong papel ng digital tools sa modern classroom.
Bilang suporta sa digital transformation ng public education, ipinresenta ni Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Rhoel Aguda ang bagong ikinabit na Starlink satellite internet service sa eskuwelahan, na inaasahan na makapagbibigay ng mas mabilis at mas maaasahan na connectivity para sa mga estudyante at mga guro.
Sa kabilang dako, pinangasiwaan din nina Pangulong Marcos at Education Secretary Juan Edgardo Angara ang orientation ng 200 bagong hired public school teachers, mahalagang sangkap ng paghahanda ng Department of Education para sa academic year.
Si Pangulong Marcos, sa maikling mensahe sa panahon ng orientation ng mga bagong guro, pinasalamatan niya ang mga ito para sa pagtanggap ng marangal na tungkulin bilang isang tagapagturo.
Muling tiniyak nito sa mga guro ang patuloy na suporta sa administrasyon.
“Hindi lamang sa financial support kundi pati na sa retraining at ito nga iyon nga binabawasan natin yung administrative duties, ‘yung mga ganyang klase, para makapagturo kayo ng mabuti,” ang sinabi nito.
Kasama ng Pangulo ang kanyang bunsong anak na si William Vincent, sa pagbisita sa mga eskuwelahan.
Ang Brigada Eskwela 2025 ay tatakbo mula June 9 hanggang 13 at sabay-sabay na isasagawa sa lahat ng rehiyon.
Samantala, sama-samang kikilos naman sa five-day campaign ang libo-libong volunteers upang tiyakin na ang mga public schools ay ganap na nakahanda para sa pagbabalik ng 27 milyong mag-aaral sa buong bansa.
Sa katunayan, sa Barihan Elementary School lamang, mahigit sa 300 bags na puno ng basic school supplies ay ipamamahagi sa unang araw ng klase, bahagi ito ng mas pinalawak na pagsisikap na pagaanin ang pasanin ng mga pamilya. (Daris Jose)