Voter’s registration sa mga mall, aarangkada sa Disyembre
- Published on November 11, 2022
- by @peoplesbalita
MAGPAPATULOY muli ang pagsasagawa ng voters registration sa limang piling shopping malls sa National Capital Region (NCR) sa darating na Disyembre 17.
Ito ay makaraang aprubahan ng Commission on Election (Comelec) en banc noong Oktubre 26 ang operational plan ng ‘Register Anywhere Project’ (RAP) ng komisyon.
Subalit, tutukuyin pa sa mga susunod na araw ang limang malls na pagdarausan nito.
Nakaiskedyul na isagawa ito tuwing Sabado at Linggo mula Disyembre 17 hanggang Enero 29, 2023 (maliban sa Disyembre 24, 25, 31 at Enero 1, 2023).
Sa pilot period ng programa, lahat ng kuwalipikadong residente sa Pilipinas ay maaaring magtungo sa napiling malls para magsumite ng kanilang application form, mga requirements at magpa-biometrics upang makapagparehistro na botante.
Sa unang panuntunan, tanging mga lokal na residente kung saan naroroon ang mall lamang ang pinapayagan na magparehistro sa RAP sites.
Unang nagsagawa ng demonstrasyon ng RAP ang Comelec nitong Nobyembre 4 sa Robinsons Place sa Ermita sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at Commissioner Rey Bulay. Dito itotono ang sistema bago ilunsad sa publiko.
“The COMELEC looks forward to officially kick-off the series of public demonstrations and simulations which will be open to the general public, the media and all other electoral stakeholders,” ayon sa komisyon.