• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Yorme Isko idedeklara State of Health Emergency

BUNSOD ng mga gabundok ng basura na iniwan ni dating Manila Mayor Honey Lacuna sa iba’t ibang lugar sa Maynila, nakatakda namang ideklara  ni Manila Mayor Isko Moreno ang State of Health Emergency.

Sa kanyang unang araw ng pagbabalik sa city hall, sinabi ni Isko na bumungad sa kanya ang reklamo na patuloy ng paglala at pagdami ng mga basura na hindi nakokolekta kaya hihilingin niya sa City Council na ipasa ang state of emergency.

Lumilitaw na hindi nakolekta ang mga ba­sura dahil sa utang ng city hall sa pamumuno umano ni Lacuna na P561 milyon sa Leonel at  habang P950 milyon naman sa MetroWaste Solid Waste Management Corporation at Phil. Ecology Systems Corp.

Ayon may Isko, hindi biro ang panganib na posibleng idulot ng ba­sura sa pamumuhay, kapaligiran at kalusu­gan ng mga taga Maynila. Ani Isko, tulad ng kanyang pangako, haharapin nila ang problema sa Maynila partikular isyu ng basura.

Kasabay nito, pinakiusapan ni Isko ang Leonel na ubusin ang mga basurang nakatiwangwang ng libre upang maiwasan ang anumang problemang pangkalusugan.

Inatasan din ni Isko ang Department of Public Services (DPS), Department of Engineering and Public Works (DEPW), at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para sa mas mabilis na pag­lilinis ng mga kalye at kanal.