• December 12, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 pulis-Maynila sinampahan ng kaso sa pananakit, pananakot at panunutok ng baril sa traffic enforcer ng Valenzuela

SINAMPAHAN ng kaso ng Valenzuela City Police ang dalawang tauhan ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District (MPD) dahil sa ginawa umanong pananakit, pananakot at panunutok ng baril sa isang traffic enforcer ng lungsod.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Mayor WES Gatchalian, kasong physical injury at grave threat ang isinampa nila nitong Martes sa Valenzuela City Prosecutor’s Office laban sa dalawang pulis na sina alyas “Camacho” at “Cabudoy” na kapuwa may ranggong Staff Sergeant.
Ayon kay Col. Cayaban, ang ikatlong pulis na nakilalang si alyas “James” at may ranggong Corporal ay nagsilbi aniyang testigo laban sa dalawa niyang kabaro.
Lumabas sa pagsisiyasat ni P/Capt. Robin Santos, hepe ng Polo Sub-Station 5, tinatahak ni Ronaldo David ng Valenzuela Traffic Management Office (TMO) ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Mabolo dakong alas-4:30 ng madaling araw noong Linggo, Hulyo 14, sakay ng kanyang motorsiklo nang makasabayan niya ang dalawang suspek na pulis na magka-angkas sa motorsiklo, kasunod ang kanilang kasama.
Napansin ng biktima na kapuwa walang suot na helmet at naka-tsinelas ang dalawa na paglabag sa ordinansa subalit bago pa niya masita ang mga ito, bumaba ang dalawang pulis pagdating sa Hernandez St. Brgy. Mabolo at kinompronta ang biktima.
Bumunot umano ng baril si alyas Camacho at hinataw sa sikmura ng biktima na kanyang ikinabagsak habang bumunot din ng baril si alyas Cabudoy sabay sabing “Gusto mo patayin na kita dito, eh,” bago sabay nang umalis ang mga ito.
Tinulungan naman ni alyas Cpl. James ang biktima na makatayo bago siya pinaalis saka humingi siya ng tulong kay Barangay Chairman Dhang Lee ng Brgy. Mabolo na siya namang nakipag-ugnayan kay P/Capt. Santos.
Sa ginawang follow-up operation ng Detective Management Unit (DMU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Capt. Michael Oxina, natunton sa pamamagitan ng pagsusuri sa kuha ng mga CCTV ang pinagparadahan ng motorsiklo ni Cpl. James sa Brgy. Lingunan na siyang kumilala sa dalawa niyang kabaro.
Paalala naman ni Mayor WES sa mga motorista at residente ng iba pang karatig-lungsod na sumunod at irespeto ang mga ordinansang ipinapatupad sa loob ng lungsod.
Aniya, walang kakatigan ang umiiral na batas sa lungsod at hindi palalampasin ang mga ganitong uri ng paglabag, lalo na’t kung sangkot ang kanyang mga mamamayang nasasakupan. (Richard Mesa)
Other News
  • Bulacan, ginunita ang ika-123 Anibersaryo ng Republikang Pilipino

    LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pagdiriwang ng isa sa mga pinaka kilalang kaganapan sa Lalawigan ng Bulacan, pinangunahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang isang payak na programa sa paggunita ng ika-123 Anibersaryo ng Araw ng Unang Republikang Pilipino na ginanap sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain dito kaninang umaga.     May temang “Unang Republikang […]

  • Ads December 11, 2021

  • Laban ni Casimero kay Akaho kasado na sa Dec. 3

    ISASAGAWA na sa Disyembre 3 ang paghaharap ni dating three- division champion John Riel Casimero at Japanese veteran boxer Ryo Akaho.     Ayon sa promoter ng dalawang boksingero, gagawin ito sa Paradise City sa Incheon South Korea.     Huling lumaban si Casimero noong Agosto 2021 ng talunin niya si Guillermo Rigondeaux sa pamamagitan […]