2nd autopsy sa labi ni Christine, mahalaga – DOJ
- Published on January 12, 2021
- by @peoplesbalita
Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na malaki ang pakinabang sa ikalawang awtopsiya na isinagawa ng mga forensic experts ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labi ng flight attendant na si Christine Dacera para mabatid kung ano ang totoong dahilan ng kaniyang pagkamatay bago tuluyang ilibing kahapon.
Ito ay sa kabila ng opinyon ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun na huli na para mabatid kung nagkaroon nga ng sexual abuse kay Dacera sa pagsasagawa muli ng awtopsiya.
Sinabi ni Fortun na ang “critical time frame” sa naturang eksaminasyon ay sa loob ng 72 oras. Maaaring nawala na aniya ang importanteng mga ebidensya sa katawan na nalinisan na o kaya naman ay kontaminado na.
Gayunman, iginiit pa rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na posible na makakuha pa ng dagdag na ebidensya sa ikalawang awtopsiya. Partikular na hinahanap umano ng grupo ng NBI ay ang bakas ng alkohol o kaya naman ay droga sa labi ni Dacera.
Binigyan ni Guevarra ng 10 araw ang NBI para magsumite ng kanilang ulat ukol sa isinagawang ikalawang awtopsiya.