50th MMFF, paghahandaan na ng MMDA: VILMA at CEDRICK, aabangan kung magwawagi uli sa ‘Manila International Film Festival’
- Published on January 11, 2024
- by @peoplesbalita
KINUMPIRMA ni MMDA chairman Atty. Romando Artes na noong ika-7 ng Enero, ang opisyal na pagtatapos sana ng 49th Metro Manila Film Festival, ang 10 pelikulang pinalabas ay sama-samang nakapagtala ng P1.069 bilyon, na kinabog ang dating record na hawak noong 2018 edisyon ng taunang pagdiriwang.
Ang 44th MMFF ay nakapagtala ng collective box office na P1.061 bilyon sa halos 1,200 na mga sinehan, samantalang ang 2023 na edisyon ay napanood lamang sa 800 na mga sinehan dahil ang iba ay nananatiling sarado pa rin dahil sa COVID-19 pandemic.
At dahil extended nga ang record-breaking MMFF hanggang January 14, inaasahan nilang baka umabot pa sa P1.2 billion ang kabuuang kita ng filmfest.
Kaya masasabi talaga na malaking tagumpay ng 2023 MMFF, dahil sa kalidad ng mga pelikulang napili ng mga hurado. Kahit na 10 ito kumpara sa dating 8, talagang magaganda ang mga pelikula, maayos ang pagkakagawa, kaya patuloy na tinatangkilik ng mga manonood.
Pagkatapos nito, ay isa pang malaking project ang bibigyan ng MMDA, ito ay ang Manila International Film Festival, na gaganapin sa Los Angeles mula Enero 29 hanggang Pebrero 2; lahat ng 10 MMFF 2023 na pelikula ay nakatakdang ipalabas doon.
Magkakaroon din ito ng sariling awards night na gaganapin sa ika-7 ng Pebrero. Kaya inaasahan ang pag-attend ng mga artista, director at iba bahagi ng 10 filmfest entries. Kaya kaabang-abang kung sinu-sino ang magwawagi lalo na sa Best Actor at Best Actress category.
Muli kayang makasungkit ng award sina Vilma Santos at Cedrick Juan?
Sa tanong kung magkakaroon ng 2nd Summer MMFF sa buwan ng Abril, isinantabi na muna ito ng MMDA dahil magiging abala sila sa paghahanda sa 50th Metro Manila Film Festival.
Dahil dito, umaasa si Artes na ang mga production company ay magpapatuloy sa pagbibigay ng mga de-kalidad na pelikula sa buong taon, lalo na sa nalalapit na 50th MMFF.
Pahayag pa ni Artes sa magiging host city ng ‘Parade of the Stars’ para sa ginintuang selebrasyon, “gusto naming ibalik sa Manila, kung saan nagsimula itong film festival, gusto naming maging nostalgic.
“‘Yung walking down the memories, that’s why meron tayong ‘Sine 50’, para ipakita ‘yung mga nakaraang pelikula.
“Ganun din yun sa parade ay gagawin sa Maynila, at ‘yung awards night, nag-usap na kami ni Mayor Honey Lacuna na gagawin sa Metropolitan Theater.
“Na kung saan doon ginanap ang awards night ng unang MMFF.”
Nagpaplano rin pala ang MMDA ng coffee table book bago ang 50th MMFF, sa pakikipag-ugnayan sa FDCP, ay nagpaplano ng nationwide screening ng mga nangungunang MMFF films mula sa huling 50 taon para sa mga tiket na nagkakahalaga ng P50, ito nga yun ‘Sine 50’.
“Para ipakita sa ating mga kababayan noong araw pa ay nakakapag-produce tayo ng dekalidad ng pelikula,” dagdag pa ni Artes.
Ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Tirso Cruz III ay humingi ng tulong sa MMDA bilang kapalit ng Summer MMFF, ay isagawa ang kanilang flagship project na ‘Pista ng Pelikulang Pilipino’, na ika-7 taon ngayong 2024.
Sa 2023 MMFF ay napanalunan ng “Firefly” ang 1st Best Picture habang ang historical drama na “GomBurZa” ay nanalo ng pinakamaraming parangal na may pitong kabilang ang 2nd Best Picture, Best Director para kay Pepe Diokno, at Best Actor para kay Cedrick Juan.
Samantalang ang “Rewind” nina Dingdong Dantes at Marian Rivera pa rin ang top-grosser ng 2023 MMFF. Ito rin ang first movie na naka-abot sa 600 million mark at pangatlo na sa highest-grossing Philippine films.
Nangunguna pa rin sa listahan ang “Hello Love, Goodbye” (2019) with P881 million, kasunod ang 2018 film na “The Hows of Us” na may kinitang P810 million.
(ROHN ROMULO)
-
Health experts inirekomenda ang 2nd booster shots para sa mga medical workers at mga matatanda
INIREKOMENDA ngayon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang pagbabakuna sa second booster shot para sa mga health care workers na nasa A1 category at at senior citizens na nasa A2 category. Ayon kay National Vaccination Operations Center (NVOC) chief at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, hinihintay na lamang daw sa ngayon ng HTAC […]
-
Miyembro ng “Andaya Criminal Group”, tiklo sa baril at granada sa Caloocan
ISANG miyembro umano ng “Andaya Criminal Group” na sangkot sa pagbebenta ng baril sa Northern Part ng Metro Manila ang arestado sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City. Kinilala ang naarestong suspek bilang si Jun Lemana alyas “Bay”, 39, vendor ng 43 Ovalleaf Maligaya street, Parkland Brgy., 177 ng lungsod. […]
-
Remittance fee discount, libreng financial seminar para sa mga OFWs, pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara
INAPRUBAHAN na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang dalawang panukalang batas na nagsusulong na maglaan ng karagdagang benepisyo sa mga overseas Filipino workers (OFWs). Sa HB 10959, na inihain ni Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., layon nitong mabigyan ang mga ofws ng 50% discount sa fees o charges na ipinapataw sa remittances […]