• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 23) Story by Geraldine Monzon

NAHIHIYA man ay pinapasok pa rin ni Janine sina Angela at Bernard kahit pa lasing na nakahindara ang ina sa sofa.

Ganoon na lang ang gulat ng mag-asawa nang mapagsino ang mama ni Janine. Nagkatinginan sila at hindi agad nakaimik.

 

“R-Regine?” si Bernard na hindi makapaniwala.

 

Si Regine ang babaeng huling minahal ni Bernard bago si Angela. Halatang stress ito na nagreflect sa hitsura. Di hamak na mas malaki ang ganda ngayon ni Angela.

Sa isang iglap ay nanariwa sa isipan ni Angela ang mga pagseselos niya noon kay Regine. Alam kasi niya kung gaano ito naging espesyal kay Bernard. Muntik pa nitong pakasalan noon si Regine kung hindi nila isinagawa ni Lola Corazon ang panlilinlang kay Bernard.

 

Tila nahimasmasan naman si Regine nang makita si Bernard.

 

“Bernard?”

 

Marahan itong tumayo at humarap sa dalawa. Habang si Janine ay naguguluhan.

 

“Ma, kilala nyo po sila?”

 

“Bernard is my ex boyfriend and a good friend after we broke up.”

 

Nag-aalalang napatingin si Janine kay Angela.

 

“So, tama pala ang nabalitaan ko, you and your maid …”

 

“Stop it Regine. Angela is my loving wife now, that’s why I’m so proud of being her man.”

 

“Fine. Maupo kayo. Kayo pala ang ipinagmamalaking  mga amo ng nag-iisa kong anak na si Janine.”

 

Naupo sina Angela at Bernard sa sofa.

 

“Ah, Ma’am Angela, Sir Bernard, ikukuha ko muna po kayo ng maiinom.”

 

“Janine, walang laman ang ref. Bumili ka na lang sa labas.” utos ni Regine.

 

Matapos lumabas ni Janine ay naupo rin si Regine sa kaharap na sofa nina Bernard.

 

“So, what exactly brings you here?”

 

“Ahm, napalapit na kasi sa amin si Janine. May sadya talaga kami rito sa Baguio kaya naisipan na naming daanan siya.” Ani Angela.

 

“Gano’n ba. Hindi naman kasi mahirap mahalin ang anak ko. Maganda, edukada at mabait. “

 

“Regine, ang sabi ni Janine namatay daw ang papa niya. Condolence. Kumusta ka naman ngayon?” singit ni Bernard.

 

“As you can see, eto, umiinom, sinusubukang kalimutan ang mga problema. Mula nung mamatay ang papa ko, unti-unti nang nalugi ang kumpanya namin. After naman naming manirahan sa ibang bansa ng asawa ko, doon na siya nagsimulang magkasakit. Kaya nung bumalik kami rito sa Pinas, lubog na rin kami sa utang. Pilit bumabangon, kaya lang, wala eh, bumigay din ang lukoluko. At ako, parang gusto ko na ring sumuko.”

 

“Sumuko? Pero nandyan pa naman si Janine diba?” si Angela.

 

“Yeah right. Pero ewan ko ba sa batang ‘yan, mas gusto pa magnurse nurse kaysa tulungan ako sa negosyo.”

 

“Regine, tulad ng sinabi ni Angela kanina, napalapit na sa amin si Janine. Kaya willing kaming tulungan kayo sa abot ng aming makakaya.” Ani Bernard.

 

Dahil sa sinabi ni Bernard ay nagkaroon ng idea si Regine. Pero sinarili na lang muna niya ito. Maya-maya pa ay dumating na si Janine dala ang burgers at drinks para sa mga bisita.

 

Habang daan pauwi ay walang imik si Angela. Napansin iyon ni Bernard.

 

“Sweetheart, anong iniisip mo?” nag-aalalang tanong ni Bernard.

 

“Iniisip ko kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, si Regine pa ang naging magulang ni Janine…”

 

“Yun lang ba talaga?”

 

Tumingin si Angela kay Bernard.

 

“Sa tingin mo ba magseselos pa ko sa kanya?”

 

Nagkibit balikat si Bernard na parang hindi sigurado.

 

“Of course not sweetheart. Ilang beses ko nang napatunayan kung gaano mo ako kamahal. Hindi ko na dapat pagdudahan ‘yon. Sa halip, habambuhay kong pagkakatiwalaan ang pag-ibig nating dalawa.” ani Angela na ang mga mata ay hindi inaalis sa pagkakatitig sa asawa.

 

“That’s good. Ikaw at ako lang hanggang sa huli sweetheart.” sabay masuyong pisil ni Bernard sa kamay ni Angela.

 

Kinabukasan.

Habang nag-aalmusal ang mag-ina ay kinausap mabuti ni Regine si Janine.

 

“Janine, bumalik ka na sa kanila.”

 

“Ma?”

 

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?”

 

“Pero bakit po ma? Ang sabi nyo po samahan ko muna kayo rito…”

 

“Bumalik ka na sa kanila and do everything para mas lalo  ka pang mapalapit sa kanila. Diba nabanggit mo sa akin dati sa phone na nawawala yung anak ng mga amo mo? Then this is your chance to be part of them. I know Bernard very well. Hindi ka niya pababayaan. Be smart para sa kinabukasan mo.”

 

Napayuko si Janine sa sinabi ng ina.

 

Nang gabing iyon ay tinawagan ni Janine si Andrea.

 

“Gusto ko lang ng kausap. Si mama kasi, gusto niyang bumalik ako kina Ma’am Angela at Sir Bernard. Para raw sa kinabukasan ko.”

 

“Anong inaalala mo, e babalik ka naman talaga sa kanila diba?” tanong ni Andrea sa kabilang linya.

 

“Ang inaalala ko…baka gawin din niya sa kanila yung ginawa niya sa nauna kong pinagsilbihan…inutangan tapos hindi na binayaran…ang isa pang mas inaalala ko ay…ex boyfriend ni mama si Sir Bernard…hindi ko alam kung anong iniisip ngayon ni Ma’am Angela…”

 

“Bakit hindi ka na lang maghanap ng ibang mapapasukan bilang nurse?”

 

“May isa pa kasi akong inaalala eh…si Lola Corazon, umaasa siya na babalik ako…”

 

“Yun naman pala eh. Bumalik ka na lang at gawin ang trabaho mo. Tapos makisama kang mabuti kina Ma’am Angela at Sir Bernard. Baka naman mahiyang mangutang ang mama mo kay Sir Bernard kasi ex niya ‘yon.”

 

“Sana nga gano’n…pero duda talaga ko sa motibo ni mama. Sana hindi siya maging dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa. Kasi ako ang unang-unang mahihiya. Napakabuti nila sa akin. Lalo na si Ma’am Angela.”

 

“Hays, huwag na munang isipin yung problema na hindi pa naman dumarating. Smile ka muna diyan, hayaan mo tutulungan kitang magpray!”

 

“O sige na nga, eto na, naka-smile na’ko. Ikaw, naka-smile ka ba d’yan?”

 

“Oo, ang cute nga ng smile ko eh!”

 

“Talaga ba?”

 

Nang biglang may marinig si Janine sa background ng phone ni Andrea.

 

“ANDREA! ASAN NA ‘YUNG PINAPA-PLANTSA KO SA’YO?” pasigaw na boses ng isang lalaki.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Pagpatay ‘di polisiya sa ‘war on drugs’ campaign ng PNP – Eleazar

    Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na wala sa kanilang polisiya na patayin ang mga mahuhuling drug suspek sa mga ikinakasang anti-illegal drug operation.     Reaksyon ito ng PNP sa pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na nagpapatuloy pa rin umano ang mga patayan sa war on drugs, apat na taon […]

  • Four-day work week sa mga empleyado ng SC, ipatutupad na simula April 4

    IPAPATUPAD na simula sa April 4 ang four-day work week para sa mga emplyeado ng Korte Surprema, kung saan ay pisikal na magtatrabaho ang mga ito sa kanilang opisina sa loob ng apat na araw habang nasa work from home set up naman ang mga ito sa loob ng isang araw.     Alinsunod sa […]

  • “SUSUKA pero hindi SUSUKO”

    HINDI inalintana ng mga youth volunteers ni presidential candidate Manila Mayor Francisco “ISKO” Domagoso na lulan ng “Bus ni Isko” ang bagyo at sama ng panahon matapos nilang suungin ito patungo ng Dapitan , Zamboanga del Norte noong nakaraang araw ng Martes ng buong tapang.     Ayon Kay Ces Bayan , ng grupong Ama […]