Kapitbisig sa Pag-unlad MPC, naiuwi ang Cooperative Awards for Continuing Excellence sa GGK 2022
- Published on November 21, 2022
- by @peoplesbalita
LUNGSOD NG MALOLOS – Sa lahat ng natatanging mga kooperatiba sa lalawigan, naiuwi ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC mula sa bayan ng Pandi ang pinakamataas na parangal na Cooperative Awards for Continuing Excellence sa isinagawang Gawad Galing Kooperatiba 2022 sa pangunguna ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kahapon.
Sa kanilang patuloy na pakikilahok at suporta sa kanilang kapwa, nasunod ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC ang mga pamantayan ng isang mahusay na kooperatiba na naging dahilan upang makamit nila ang pinakamataas na parangal sa pagkilala na may premyong nagkakahalaga ng P65,000 at tropeo.
Tumanggap din ang nasabing kooperatiba ng Hall of Fame award para sa kanilang mga natatanging pagganap sa mga nakaraang taon.
Tumanggap rin ng special awards ang iba pang mga natatanging kooperatiba kung saan sila ay nag-uwi ng premyong nagkakahalaga ng P15,000 at tropeo bawat isa kabilang na ang Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative sa ilalim ng Micro Scale Category; PAGUNOVA Transport and Multi-purpose Service Cooperative, Catholic Servants of Christ Community Multipurpose Cooperative, Marilao Municipal Employees Multi-Purpose Cooperative para sa Medium Scale Category; at Sta. Monica of Bustos Multipurpose Cooperative at Palayan sa Nayon Multipurpose Cooperative para sa Large Scale Category.
Sa ngalan ni Regional Director Cristina H. Villamil ng Cooperative Development Authority-Region III, binati ni Cooperative Development Specialist Jenalyn D. Ferrer ang lahat ng mga nominadong kooperatiba at awardees sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa pag-asenso ng lalawigan.
“Napakalaki po ng kontribusyon ng sektor ng kooperatiba sa pag-unlad ng ating bansa at sa Lalawigan ng Bulacan; at sa mga opisyales na isinusulong sa mga kooperatiba ang walang humpay na suporta sa ating sektor. Binabati ko kayo at sana ay ipagpatuloy niyo ang magandang kalidad ng pamamahala at operasyon ng inyong kooperatiba,” ani Ferrer.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa mga kooperatiba bilang makabuluhang salik na naghatid ng mga parangal sa lalawigan kamakailan at hinimok ang mga Bulakenyo na magtatag ng mas maraming kooperatiba.
“Lubos kong pinapahalagahan ang inyong inisyatibo at pagsisikap na makapag-ambag ng magandang pagbabago sa ating bayan. Ang ating kolektibong pagkilos ang siyang maghahatid ng matamis na bunga ng kaunlaran sa hapag ng bawat isang pamilyang Bulakenyo. Sa inyong paglago bilang isang samahan ay nagiging daluyan kayo ng pagpapala sa ating mga kababayan sapagkat nakapagbibigay kayo ng maraming oportunidad at trabaho sa kanila,” anang gobernador.
Dumalo rin sa programa sina Bise Gobernador Alexis C. Castro at Bokal Allen Dale Baluyut, Tagapangulo ng Lupon ng Kooperatiba, upang ibahagi ang kanilang mga mensahe kasama ang mga miyembro ng Provincial Cooperative Development Council.
Bukod pa rito, 15 pang mga kooperatiba sa ilalim ng kategoryang Small Scale, Medium Scale, Large Scale at Billionaire Category ang tumanggap din ng cash incentive na nagkakahalaga ng P5,000 at tig-isang tropeo para sa ‘Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya – Ikalawang Yugto’ habang pito pang kooperatiba ang nakatanggap ng P10,000 kasama ang mga sertipiko bilang consolation prizes.
Nakatanggap din ng Golden Year Award ang St. Martin of Tours Credit and Development Cooperative mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa kanilang ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag noong 2020. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)
-
Navotas Youth Camp
INILUNSAD ng pamahalaang lungsod ang Navotas Youth Camp para sa mga kabataang Navoteño upang tamasahin ang kanilang bakasyon sa paaralan habang hinahasa ang kanilang mga kasanayan sa palakasan at sining, bilang bahagi ng 17th Navotas cityhood anniversary. Pinuri naman ni Mayor John Rey Tiangco ang mga kalahok sa pagsusumikap sa kanilang school break. Nasa 477 […]
-
Tattoo artist tinodas sa Navotas
Patay ang isang tattoo artist matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa harap ng kanyang bahay sa Navotas City, kamakalawa ng hapon. Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang biktima na si Ryusi Soriano alyas “Adjong”, 25 ng 19 Pat Buntan, Brgy. San Roque. […]
-
Administrasyong Marcos, prayoridad ang food security
GAGAWIN lahat ng incoming administration ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang makakaya nito at pagsisikap upang matiyak ang food security sa bansa. Ito’y matapos magbabala ang World Bank, World Trade Organization, United Nations Food and Agriculture Organization, at World Food Programme ng global food crisis na makaaapekto sa mahihirap at developing countries. […]