LTO, inilunsad ang ‘STOP ROAD ACCIDENT!’ bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa road safety
- Published on December 7, 2024
- by @peoplesbalita
NAGLULUNSAD ang Land Transportation Office (LTO) ng mas pinaigting na kampanya para sa road safety, alinsunod sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabawasan ang insidente ng aksidente sa kalsada ng hindi bababa sa 35% pagsapit ng 2028.
Pinamagatang “STOP ROAD ACCIDENT!”, ipinaliwanag ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na ang adbokasiyang ito ay nakatuon sa malawakang pagbibigay ng impormasyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.
“Hindi dapat maging pang-statistics lang ang bawat aksidente sa kalsada, lalo na kung ito’y nauuwi sa pagkamatay o matinding pinsala sa mga motorista o sinumang gumagamit ng kalsada,” ani Assec Mendoza.
“Malaki ang epekto ng aksidente sa kalsada sa bawat pamilya ng biktima. Mas matindi ang dagok kung ang nasangkot ay ang breadwinner ng pamilya,” dagdag niya.
Batay sa datos mula sa World Health Organization, tinatayang 1.3 milyong tao ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada taun-taon, habang 20 hanggang 50 milyon naman ang nasusugatan, kabilang ang mga nagkakaroon ng permanenteng kapansanan.
Samantala, ibinunyag naman ng hiwalay na datos mula sa United Nations na humigit-kumulang 58% ng 1.3 milyong pagkamatay dulot ng aksidente sa kalsada sa buong mundo ay nagaganap sa Asia-Pacific Region.
Sa Pilipinas, ayon din sa datos ng UN, 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kalsada.
Ayon kay Assec Mendoza, inatasan ang lahat ng kawani ng LTO na gamitin ang social media upang mapalawak ang kampanya sa road safety, dahil isa ito sa pinakaepektibong paraan upang maabot ang maraming Pilipino.
“Makikipagtulungan din tayo sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, tulad ng MMDA sa Metro Manila at PNP sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” ani Assec Mendoza.
“Layunin nating bumuo ng mga polisiya at istratehiya para gawing ligtas ang lahat ng kalsada sa bansa para sa bawat gumagamit nito, lalo na sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-trapiko,” dagdag niya.
Ang kampanyang ito, ayon kay Assec Mendoza, ay alinsunod sa adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Noong nakaraang taon, inilahad ni Secretary Bautista ang ilang hakbang sa road safety sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan na iprinisenta sa Asia Pacific Road Safety Observatory 2023 Annual Meeting.
“Ang layunin nating mabawasan ng 35% ang mga namamatay sa aksidente sa kalsada pagsapit ng 2028, at 50% pagsapit ng 2033, ay inendorso ng United Nations General Assembly. Bahagi ito ng Philippine Road Safety Action Plan na aktibong nagsusulong ng kaligtasan sa kalsada,” ani Bautista.
Dagdag pa ni Assec Mendoza, ang “STOP ROAD ACCIDENT!” ay nangangailangan ng kooperasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng pampublikong imprastraktura para sa lahat ng gumagamit ng kalsada.
Binigyang-diin din niya na sinimulan na ng DOTr ang kampanya sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Public Transport Modernization Program (PTMP), EDSA Busway, EDSA Greenways, at Active Transport, na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa kaligtasan sa kalsada. (PAUL JOHN REYES)
-
Casimero muling kinantiyawan si Donaire
Hindi naman tinantanan ni Casimero na kantiyawan ang kapwa Pinoy boxer na si Nonito Donaire Jr. Sinabi nito na dapat mahiya si Donaire dahil ang nambugbog sa kaniya noon na si Guillermo Rigondeaux ay kaniyang tinalo. Kaniya sana ito ng papatulugin kung hindi lang panay takbo ito sa boxing ring. […]
-
Ads September 19, 2023
-
19 Pinoy athletes palaban sa Olympic Gold — Ramirez
Habang papalapit ang Tokyo Olympic Games ay lalong lumalakas ang paniniwala ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na makakamit ng bansa ang kauna-unahang Olympic gold medal. Ito ay sa kabila ng matinding kompetisyon na sasabakan ng 19 Pinoy athletes sa kani-kanilang events sa quadrennial event na magsisimula sa Hulyo 23. […]