Medical mission sa Batangas, pinangunahan ni Fernando
- Published on March 6, 2020
- by @peoplesbalita
LUNGSOD NG MALOLOS – Mahigit 200 delegado sa pangununa ni Gob. Daniel R. Fernando ang bumiyahe ng mahigit apat na oras upang marating ang Brgy. Talaibon, Ibaan, Batangas at nagsagawa ng medical mission na tinawag na “Tulong ng Bulacan Para sa Nasalanta ng Bulkang Taal Medical Mission” kahapon.
Sa pakikipagtulungan ng Damayang Filipino Movement, Inc., mahigit 1,000 mga Batangueño na mga evacuee mula sa Brgy. Alas-as at Brgy. Pulang Bato, San Nicolas, Batangas ang nakinabang sa medical mission halos dalawang buwan matapos sumabog ang Bulkang Taal.
Ayon kay Rowena J. Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office, may kabuuang 1,000 supot ng groceries at 110 kahon ng mga gamot at bitamina para sa mga matatanda at bata ang naipamahagi sa mga indibidwal na pumunta sa medical mission.
Sinabi naman ni Fernando na ang medical mission ay paraan ng lalawigan upang maibalik sa mga Batangueño ang kabutihang loob sapagkat hindi sila nag-atubiling tumulong sa Bulacan nang ito ay tamaan ng kalamidad.
“Noong nakaranas po ng matinding kalamidad ang Bulacan, nariyan po ang Batangas para magbigay ng tulong at suporta sa amin. Bilang pagtanaw ng utang na loob, sila naman po ang ating tulungan sa ikalawang pagkakataon at hindi kami magsasawang tulungan kayo,” ani Fernando.
Samantala, sinabi naman ni Batangas Provincial Health Officer II Rosvilinda Ozaeta na lubos ang kanilang kagalakan dahil sa mga ipinamahaging groceries at mga gamot lalo pa’t karamihan sa kanilang komunidad ay wala pa ring trabaho dahil sa pagsabog ng bulkan.
“Ito pong mga handog ninyo ang sinasabi nating mga basic needs ng mga kasamahan ko dito, lalo na po’t karamihan ay mga wala pang trabaho kaya lubos po kaming nagpapasalamat para dito” ani Ozaeta.
Gayundin, inihalintulad ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa mga sinag ng araw sa pambansang watawat.
“Ang simbolo ng mga sinag sa watawat, naroroon ang Batangas at Bulacan; at ngayong araw ipinakikita natin na tayo ay magkasama sa pagbibigay ng liwanag at init ng pagmamahal sa ating mga kababayan. Kaya’t kami po ay lubos na nagpapasalamat sa panahon na inyong inilaan para sa amin,” ani Hermilando.
Dagdag pa rito, ipinahayag ni Rosila Dawit, 64 taong gulang na evacuee mula sa Brgy. Alas-as, San Nicolas ang kanyang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan.
“Sobra po kaming natutuwa dahil dinayo niyo po kami dito kahit malayo. Karamihan po dito ay may mga ubo’t sipon. Dahil po sa inyo, matutugunan po ‘yung mga pangangailangan namin lalo sa mga gamot at vitamins,” ani Dawi.
Bukod sa medical mission, nagsagawa din ng libreng gupit ng buhok ang Damayang Filipino Movement Inc. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)
-
Peso naitala ang bagong all-time low vs US dollar – BSP
NASA ikatlong araw na trading day na sunud-sunod na sumadsad sa pinakamababang halaga ang piso laban sa dolyar. Sinasabing nalugi sa 22.9 centavos ang piso mula noong Biyernes laban sa dolyar. Ang paghina lalo ng piso ay kasunod umano ng mga pahayag ng mga opisyal ng Federal Reserve sa Amerika na […]
-
Cardinal Tagle, binigyan ni Pope Francis ng dagdag posisyon sa Vatican
Itinalaga ni Pope Francis si Luis Antonio Cardinal Tagle bilang miyembro ng Congregation for the Oriental Churches. Ayon Vatican, dahil sa bagong trabaho ni Tagle ay patuloy na ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa Oriental Catholic Churches para tulungan ang mga ito sa proteksyon ng kanilang karapatan at pagmantine sa pagkakaroon ng isang Catholic Church. […]
-
Pinalakas pa ng Navotas City Hospital (NCH) ang kapasidad nitong magbigay ng libreng dialysis treatment
PARA mapalakas pa ang serbisyo sa mga nangangailangang pasyente, pinalakas pa ng Navotas City Hospital (NCH) ang kapasidad nitong magbigay ng libreng dialysis treatment, kasunod ng pagbabasbas ng walong bagong hemodialysis machine sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at ang mga konsehal ng lungsod. (Richard Mesa)