Administrasyong Marcos, tuloy ang trabaho kahit Christmas holidays
- Published on December 6, 2022
- by @peoplesbalita
TULOY ang trabaho ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahit pa holiday season.
Katuwiran ni Pangulong Marcos, kailangan na mapabilis ang inisyatiba na naglalayong mapabuti pa ang buhay ng mga Filipino.
“Kahit sumampa na ang Christmas season at yung iba ay medyo vacation mode na, tayo ay patuloy pa rin ang lahat ng ating ginagawa para masigurong walang patid ang pagpaganda ng kalagayan ng ating mga kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang weekly vlog.
Ipinagmalaki ng Chief Executive ang Kadiwa stalls sa iba’t ibang bahagi ng bansa, para makapagbigay sa mga Filipino consumers ng mas abot-kaya sa bulsa , mura at may mataas na kalidad ng local products kabilang na ang bigas mula sa National Food Authority (NFA), na P25 per kilogram lamang.
Sa kasalukuyan, mayroong 400 Kadiwa stalls sa buong bansa kung saan 40 mula sa nasabing bilang ay matatagpuan sa Kalakhang Maynila.
“Marami pa tayong inaayos diyan para naman maging sustainable at permanent ang operations ng Kadiwa kahit tapos na ang Pasko,” ang wika ni Pangulong Marcos.
Sa ulat, ang Kadiwa stalls ay itinuturing na “brainchild” ng kanyang mga magulang na sina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dating Unang Ginang Imelda Marcos.
Bilang bahagi naman ng pagsisikap na matiyak ang food security, binanggit naman ni Pangulong Marcos ang naging byahe niya sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna, araw ng Martes kung saan napag-alaman niya ang tungkol sa pag-aaral at teknolohiya na kailangan ng bansa para sa sektor ng agrikultura.
“Marami tayong nakita na ‘yung mga ginagawa nilang pag-aaral, ‘yung kanilang mga eksperimento para pagandahin ang pagiging hanap-buhay ng ating mga magsasaka,” anito.
“Nakakatuwa dahil yung mga inaalala natin kung minsan na mga problema na hinaharap ng ating mga magsasaka ay talagang tinutugunan ng IRRI at may mga sagot din sila na magagamit natin,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Labis namang ikinatuwa ng Punong Ehekutibo ang pagkakataon na ma-recreate ang larawan ng kanyang ama nang bumisita ito sa IRRI headquarters noong Oktubre 26, 1966 kasama si US President Lyndon Johnson, IRRI Director General Robert Chandler and scientists.
Ipinagmalaki naman ni Pangulong Marcos ang hiniram niyang ideya mula sa kanyang ama, programa na magbibigay katiyakan sa lahat ng mga kabataang filipino para sa pagdiriwang ng Pasko, ito aniya ay ang “Balik Sigla, Balik Saya: Nationwide Gift-Giving Day” na idinaos sa Malacañan Palace Grounds, araw ng Linggo.
“Nung Pangulo yung ating ama, mayroon tayong ginagawa bawat Pasko na tinatawag na Maligayang Pasko. Yung buong Palasyo ay ginagawang children’s party, mayroong magician, may clown, mayroong mga laru-laro. Yung mga nakakapunta ay galing sa mga orphanage,” ani Pangulong Marcos.
“Ang aming iniisip kasi yung ibang mga bata kung hindi natin bigyan ng Pasko, eh walang Pasko. Kawawa naman. Eh kami nang gagawa ,” dagdag na pahayag nito.
Sa idinaos na gift-giving event na sabay-sabay na ginawa sa 40 lokasyon sa bansa, namigay si Pangulong Marcos ng pamasko sa 600 bata mula sa orphanages, shelters at communities.
Ipinangako rin ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagpapatupad ng mga programa at proyekto na naglalayong makapagbigay ng maayos na buhay sa lahat ng mga Filipino.
“‘Yan ang mga bagay na mula noon hanggang ngayon ay hindi magbabago at patuloy natin binibigyan ng halaga ang pag-aalaga at pagbibigay saya sa ating kabataan, ang mura at maasahang pagkain para sa lahat, at isang matibay at masaganang sistema ng agrikultura,” ayon sa Pangulo. (Daris Jose)
-
Ads September 13, 2024
-
Ads November 20, 2021
-
PDu30, kursunadang bumili ng vaccine kontra Covid-19 sa Russia at China
KURSUNADA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bumili ng vaccine kontra Covid-19 mula sa Russia at China. Subalit, kailangan lamang ani Pangulong Duterte na ang vaccine na magmumula sa Russia at China ay “equally good and effective” gaya ng ibang vaccine na inimbento ng ibang bansa. “We cannot be complacent. I said by […]