Balitaan sa Tinapayan
- Published on February 3, 2023
- by @peoplesbalita
HINIMOK ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang mga tricycle driver na naghahanap-buhay sa pamamasada sa Maynila na ayusin na ang kanilang mga dokumento para sa pagkuha ng prangkisa ng ipinapasada nilang sasakyan.
Sa kanyang pagdalo Biyernes ng umaga sa relaunching ng “Balitaan sa Tinapayan” na ginanap sa Tinapayan Festival Bakeshoppe sa kanto ng Dapitan at Don Quijote Streets, Sampaloc, sinabi ni Vice Mayor Yul Servo na hihilingin niya kay Mayor Honey Lacuna-Pangan na bigyan pa ng palugit ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) para ayusin ang kanilang dokumento upang makakuha ng prangkisa, pati na rin maging ang kanilang lisensiya sa pagmamaneho.
Aminado ang bise alkalde na maraming pasaway na tricycle driver sa lansangan na hindi sumusunod sa batas trapiko para lamang mapabilis ang paghahatid nila ng pasahero.
“Kasi kapag ako nag-iikot ng Maynila, napupuna ko yung mga tricycle natin minsan walang plaka, red ang traffic light, go pa rin sa kanila, no left turn, kakaliwa pa rin at karamihan sa kanila, mga wala pang lisensiya,” pahayag ng alkalde.
Dahil dito’y nanawagan si Mayor Yul Servo sa mga tricycle driver na ayusn na ang mga kinakailangang dokumento dahil ito naman ang kanilang pinagkakakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.
“Kapag pinagkakakitaan mo, dapat pangalagaan mo at me lisensiya ka. Kaso yung ibang kababayan natin ayaw ng dumaan sa tama at mahabang proseso, minsan shino-short cut, mas gustong pumatol sa bogus license, lalu na ngayon, bago ka mabigyan ng lisensiya mag-aaral ka muna,” sabi pa ng bise alkalde.
“Kaya mga kababayan, mga batang Maynila, huwag ng kayong pasaway. Kung kailangan ninyong kumuha ng lisensiya, kumuha na kayo, kung kailangan ninyong magpa-rehistro ng inyong tricycle, iparehistro nyo para hindi kayo nagagambala kasi isang araw lang na hindi kayo makapagtrabaho, ang laking perhuwisyo na sa inyo yun,” panawagan pa niya.
Gayunman nilinaw ng bise alkalde na may ilang mga tricycle drivers na napagtatapos pa nila ng pag-aaral ang kanilang mga anak na kalaunan ay nagiging matagumpay na doktor o arkitekto habang ang iba naman ay minamana lang ng kanilang mga anak ang kanilang trabaho.
“Yung mga kababayan natin na nasa ganoong sitwasyon, dapat i-improve din natin ang pamilya natin para sa atin ding mga anak. Kasi meron naman tayong libreng eskuwelahan, meron tayong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) meron tayong Universidad De Manila (UDM), me 100-plus tayong paaralan para sa elementarya at high school,” dugtong pa ng bise alkalde.
Nauna rito’y dumaan muna sa inilunsad na bagong news forum si Mayor Honey Lacuna-Pangan upang dumalo sa pagbabasbas at pangunahan ang ribbon cutting ceremony bago umalis patungo sa kanyang naunang pinangakuang kaganapan. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)
Other News
-
Ads October 1, 2021
-
Miami Heat nakuha ang Game 1 sa pagsisimula ng NBA semifinals vs Phildelphia Sixers
NAKUHA ng Miami Heat ang unang panalo sa Game 1 matapos na itumba ang Philadelphia Sixers sa score na 106-92 sa simula ng Eastern Conference semifinal series. Nanguna sa diskarte ng Miami si Tyler Herro na kumamada ng 25 points at si Bam Adebayo na nagtala ng 24 points at 12 rebounds. […]
-
Carlos Yulo nagkamit ng gold medal sa Japan tournament
Nagkamit ng gold medal si Filipino gymnast Carlos Yulo sa 2021 All-Japan Senior and Masters Gymnastics Championship sa Yamagata. Sinabi ng kaniyang coach na si Munehiro Kugemiya na nakakuha rin ito ng bronze medal sa vault event. Dagdag pa nito na nagtala ng 15.30 points si Yulo sa floor exercise at […]