‘Biggest attendance pero dapat dumami pa’
- Published on March 22, 2022
- by @peoplesbalita
DINUMOG ng mga tagasuporta ni presidential candidate at Bise Presidente Leni Robredo, Linggo, ang Lungsod ng Pasig sa pinakamalaki nilang rally — gayunpaman, hinihikayat ng ikalawang pangulo na lalo pang abutin ang mas marami sa susunod na mga pagtitipon.
Aabot sa 80,000 hanggang 137,000 ang dumalo sa PasigLaban rally noong Linggo, Marso 20 mula sa sari-saring official at unofficial estimates.
“Imbitahin po natin ang mga wala pa dito. Kahit napakarami na natin ngayong gabi, marami pa din ang hindi natin kasama. Gusto po natin sa kanilang sabihin, welcome na welcome po kayo dito,” ani Robredo habang kinakausap ang laksa-laksang supporters sa kahabaan ng Emerald Avenue .
“Sana makita nila, masaya dito. Punong-puno ng pag-asa dito. Wala po akong duda, nakakahatak ng pag-asa ang pag-asa; at tiyak na tiyak ko, may pag-asa sa puso ng bawat Pilipino.”
Hinikayat niya ang lahat na doblehin ang pagsisikap na maabot ang mas nakararami sa nalalabing 50 araw ng kampanyang elektoral, lalo na’t nasimula raw sila sa halos wala.
Dagdag pa niya, kung kakayanin ay kumatok-katok na sa mga bahay-bahay ang kanyang mga tagasuporta, kausapin ang mga kasabay sa jeepney, Grab, tambayan, palengke atp. para ibahagi ang mensahe ng pag-asa, pagkakaisa, at pagmamahal sa gitna ng “fake news” at pagkakawatak-watak.
‘Kampanyang masa ang magtutulak ng plataporma’
“Walang Pilipinong mapagkakaitan ng kalinga, dahil lang salat sila sa pera. Pagdating sa mga eskuwela, iaatas ko: Kung ligtas na, dapat magbukas na. Sa long-term horizon, ang edukasyon, bubuhusan natin ng pondo; itatama po natin ang lahat na mali, at titiyakin na walang batang maiiwan,” dagdag pa niya.
“Ipaglalaban ko po ang hanapbuhay para sa lahat. May sasahod na maayos sa bawat pamilya; ayuda para sa mga nawalan ng trabaho; trabahong magmumula sa gobyerno mismo.”
Tututukan din daw niya sa problema ng mass transport system sa Metro Manila, kasabay ng pag-aangat ng antas ng kalusugan, edukasyon, trabaho, pabahay at mukha ng pulitika.
Pag-asa raw sa ngayon ang puso ng kanilang “People’s Campaign,” ito habang nananatili si Robredo ikalawang pwesto sa pinakabagong Pulse Asia survey na ikinasa nitong Pebrero.
Matatandaang nangunguna pa rin ang karibal ni Robredo na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nasabing survey, na siyang anak ng kanilang binabatikos na diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. (Daris Jose)
-
Grade 8 student, timbog sa baril sa Malabon
ISANG Grade 8 na estudyante ang arestado matapos mabisto ng security guard ang dalang baril sa loob ng kanyang bag habang pumasok sa kanilang paaralan sa Malabon City. Papasok na sa gate ng kanilang paaralan sa Arellano University Jose Rizal Campus sa may Gov. Pascual St. Brgy. Baritan ang 15-anyos na estudyante alas-11 ng […]
-
Olympic flames nakarating na sa Beijing, China para sa 2022 Winter Games
Nakarating na sa China ang Olympic flame na gagamitin para sa Beijing 2022 Winter Games. Magiging kauna-unahang host kasi ang Beijing ng Summer at Winter Games kung saan matapos ang welcome ceremony ay kanilang idi-display sa publiko ang nasabing Olympic flame. Nasa 2,900 na atleta mula sa 85 National Olympic Committee […]
-
Martinez naagaw ang IBF crown ni Ancajas
NAAGAW kay Jerwin Ancajas ang kanyang IBF junior bantamweight championship title, na mula noong 2016 pa niyang hawak. Ito ay matapos na talunin si Ancajas ni Fernando Martinez ng Argentina sa kanilang umaatikabong bakbakan sa Las Vegas araw ng Linggo. Binigyan ng mga hurado ang laban ng 117-111, 118-110, 118-110 na […]