IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa puwersa ng gobyerno na panatilihin ang ‘strategic presence’ sa West Philippine Sea kasunod ng pagbabalik ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) mula Escoda Shoal.
Sinabi ito ni National Maritime Council (NMC) spokesman Alexander Lopez matapos na tapusin ng BRP Teresa Magbanua ang matagumpay nitong five-month mission sa pinagtatalunang katubigan.
Sa isang panayam ng Malacañang reporters, araw ng Lunes, Setyembre 16, sinabi ni Lopez na nakatakdang mag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng bagong vessel para i- monitor ang lugar kasunod ng direktiba mula sa Pangulo.
“Ang directive ni Pangulo ay i-maintain natin yung ating presence. Kapag sinabing presence, strategic presence iyon, ‘di lang physical presence,” aniya pa rin.
“I just want to clear that kapag sinabi natin presence, magpapadala lang ng isang barko,” dagdag na wika nito.
Ang paliwanag ni Lopez, sapat na ang isang barko para i-monitor hindi lamang ang Escoda Shoal kundi maging ang buong West Philippine Sea, makadaragdag ito ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy (PN), at PCG.
“Actually, ang isang barko kaya ma-monitor iyon kasi may radar iyon,” aniya pa rin.
“May additional help or assets from others such as the PN and even the Coast Guard. Like, for example, nagpapalipad tayo ng eroplano, nagpapalipad din ng eroplano yung AFP… nagpapadala din ng barko,” dagdag na wika ni Lopez.
Gayunman, tumanggi naman si Lopez na pangalanan ang barko na papalit sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
“Hindi ko muna pwede sabihin ngayon until such time that nakapag-take station yung pinadala ng Coast Guard,” lahad ng Pangulo.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Lopez sa publiko na ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua mula sa Escoda Shoal ay hindi nangangahulugan na isinusuko na ng Pilipinas ang karapatan nito sa pinagtatalunang katubigan.
“Mali yung ganoon pananaw. Wala tayong gini-give up,” aniya pa rin sabay sabing “Kahit umalis yung Teresa Magbanua doon, it did not diminish our presence there dahil may ibang paraan para i-monitor, i-cover yung area.”
Matapos ang limang buwang deployment, lumisan na ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), ang flagship vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) lulan ang 60 crew nito na gutom at uhaw na uhaw na nagbalik sa Puerto Princesa City, Palawan.
Batay sa report, apat sa mga crew ay dehydrated na habang isa naman ay may sugat sa hita at ang kanilang mga kasamahan ay nanghihina na rin sa gutom saka sa matinding uhaw matapos naman ang paghaharang ng China Coast Guard sa resupply mission.
Sinasabing ang mga ito ay naubusan na ng malinis na maiinom na tubig at dalawang linggo ng lugaw ang pinagtitiyagaang kainin.
Ayon kay maritime analyst Ray Powell, Director ng Sealight, isang Maritime Transparency Initiative ng Gordian Knot Center for National Security Innovation sa Stanford University sa Estados Unidos, dakong ala-1:00 ng hapon noong Sabado nang lisanin na ng BRP Teresa Magbanua ang Escoda (Sabina Shoal).
Kaagad namang nilinaw ng PCG na ‘humanitarian’ at hindi politikal, ang dahilan kung bakit nagpasya silang i-pullout na ang barko sa pinag-aagawang teritoryo. (Daris Jose)