CHR: ‘Wag magpakalat ng maling impormasyon
- Published on October 5, 2020
- by @peoplesbalita
NANAWAGAN ang Commission on Human Rights sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon.
Ginawa ng CHR ang pahayag makaraang lumabas ang sagot ng isang netizen laban sa umano’y mapanlinlang na post ng isang komedyante noong 2017.
Nabatid na kumalat sa social media ang isang post na nagtatampok sa pahayag ng komedyanteng si Beverly Salviejo laban sa CHR noong 2017 kaya’t kailangang magsalita ang ahensya sa pamamagitan ng Facebook para maitama ang mga alegasyon laban dito.
Kabilang sa mga claim ni Salviejo ang umano’y pananahimik ng ahensya sa Mendiola massacre na nangyari noong Enero 1987.
Nabatid na ang ahensya na binuo sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution ay opisyal na itinatag noong May 5, 1987 o apat na buwan makaraan ang naturang masaker.
Hindi umano maiiwasan ng CHR ang umanong krimen na naganap bago ito itinatag.
Hindi rin umano nagprotesta ang CHR nang pinaslang ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita na tinugon ng CHR na kinumpirma ng dating chairman nito na si Atty. Norberto D. Dela Cruz na nagkaroon ng human rights violations sa naturang pag-atake sa mga magsasaka.
Idinagdag pa nito na nag- imbestiga rin sila sa madugong dispersal ng magsasaka sa Kidapawan at inirekomenda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa insidente.
Simula umano nang sumagot ang CHR, binura na ni Salviejo ang kanyang post.
Dahil dito, hinikayat ng ahensya ang publiko na maging responsible at kilatising mabuti ang mga naglalabasan sa social media at iwasang magpakalat ng malisyoso at mapanlinlang na impormasyon.