• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 17) Story by Geraldine Monzon

SA WAKAS ay nakuha na rin ni Bernard si Angela mula sa kamay ni Roden. Abot hanggang langit ang pasasalamat niya sa pagbabalik ni Angela sa kanyang buhay. Umaasa siyang hindi na ito muling mawawala pa sa kanya.

 

Habang si Cecilia ay umaasa sa pag-ibig na umuusbong sa puso niya para kay Bernard. Matiyaga niyang hinintay ang pagbabalik ni Bernard. Hanggang sa makatulugan na niya ito.

 

Umaga.

Habang nagluluto ng agahan si Lola Corazon ay nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto. Bumungad doon ang mag-asawang Bernard at Angela. Agad na sumilay ang luha sa mga mata ng matanda. Patakbo nitong nilapitan si Angela.

 

“ANGELA!”

 

Nang yakapin ni Lola Corazon ang babae ay unti-unti rin itong yumakap sa kanya. Ikinatuwa iyon ni Bernard. Ibig sabihin ay malaki ang pag-asa na makarecover at makabalik sa dati si Angela.

 

Agad ding kumalas si Angela mula sa yakap ng mga matanda. Ang paningin ay luminga sa paligid ng bahay.

 

“B-Bela…” naglandas sa mga mata ang luha ni Angela patungo sa kanyang pisngi nang makita ang imahe ng anak sa bawat sulok ng kanilang bahay.

 

Napansin naman iyon ni Bernard kaya’t niyakap nito ang asawa.

 

“Sweetheart, it’s okay. Makakasama rin natin si Bela, soon. Babalik din siya sa bahay na’to…” ani Bernard na bumigat ang damdamin sa nakitang reaksyon ni Angela.

 

“Bernard, paano mo nahanap si Angela, s-si Bela?” naguguluhan pang tanong ni Lola Corazon.

 

“Matatagpuan ko rin si Bela. Ikukuwento ko po sa inyo lahat lola. Pero gusto ko muna sanang makakain kami at makapagpahinga.”

 

“Tamang tama, halina kayo at ihahanda ko na ang almusal!”

 

Tinawag ni Lola Corazon si Cecilia na nagdidilig ng mga halaman sa hardin.

 

“Cecilia, pumarine ka at mag-aalmusal. Narito na si Angela, nagbalik na siya!” tuwang ibinalita ng matanda sa dalaga.

 

Parang malakas na tambol naman ang dating niyon sa teynga ni Cecilia. Natigilan siya at nabitawan ang hawak na hose.

 

“S-Si Ma’am Angela?”

 

Nilukuban agad siya ng matinding kalungkutan sa hindi inaasahang pagbabalik ni Angela sa tahanang iyon. Hindi pa man sila nagkakamabutihan ni Bernard ay magwawakas na ba agad ang pag-iilusyon niya?

 

Marahan ang mga hakbang na tinungo ni Cecilia ang mesa kung saan nag-aagahan ang pamilya.

 

“Cecilia, sumalo ka na sa amin.” aya ni Bernard.

 

Tumango ang dalaga bago nagsalita.

 

“W-Welcome back po Ma’am Angela…”

 

Nakatingin lang sa kanya si Angela.

 

“Pasensya ka na kung hindi ka niya masagot. Kailangan ko pa siyang ipagamot. But I’m sure, she will be okay, very soon. Ang mahalaga, buhay siya at narito na ulit sa piling ko.” sabay halik ni Bernard sa noo ng asawa.

 

Parang kinurot naman ang puso ni Cecilia sa tagpong iyon.

 

Matapos kumain ay inaya ni Bernard si Lola Corazon sa hardin at doon niya ikunuwento kung paano niya nabawi si Angela mula kay Roden. Sinabi na rin niya rito ang pagkawala ng baby nila ni Angela. Labis itong ikinalungkot ng matanda.

 

“Gayunpaman, masaya ako na nakabalik si Angela sa atin. Pero hindi pa rin maaalis ang bigat sa dibdib ko hangga’t hindi natin nakikita si Bela.” ani Lola Corazon.

 

“Ganoon din naman ako lola. Pero sa pagkatagpo ko kay Angela, lumaki ang pag-asa ko na matatagpuan din natin ang anak ko.”

 

“Tama. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Ano naman ang plano mo kay Roden?”

 

“Sa ngayon, hindi na muna ako magdedemanda. Iniisip ko kasi ang ama niya at yung matandang babae na nag-alaga kay Angela sa isla. Kaya pag-iisipan ko munang mabuti. Pero sisiguraduhin ko na ni anino niya ay hindi na ulit makakalapit sa asawa ko.”

 

“Hayaan mo na lang na ang Diyos ang magparusa sa kanya, sa kanyang nagawa. Magfocus ka na lang muna sa asawa mo at sa paghahanap kay Bela.”

 

“Pakikinggan ko po kayo lola. Sana mag-stay pa kayo rito. Gusto ko po kasing ikaw na mismo ang mag-alaga kay Angela habang nasa trabaho ako. Paalagaan ko rin siya sa kaibigan kong psychologist hanggang sa bumalik na siya sa dati.”

 

“Oo naman Bernard. Paminsan minsan ay sisilipin ko lang ang sarili kong bahay. Narito naman si Cecilia. Sa tingin ko’y nagbago na talaga siya.”

 

“Sana nga po. Mainam din na may katuwang kayo.”

 

Urong sulong si Cecilia kung lalapitan ba niya si Angela na nakaupo sa sofa o hindi. Pero sa huli’y nagpasya rin siyang lapitan ito.

 

“Ma’am Angela…kumusta po kayo?”

 

Marahan ang paglipat ng tingin ni Angela mula sa pagtitig sa flowervase patungo sa mukha ni Cecilia.

Nagulat na lang ang dalaga nang bigla siyang hawakan ni Angela sa balikat at…

 

“Si Bela, nakita mo ba siya? Nakita mo ba ang anak ko?”

 

Umiling si Cecilia.

 

“Tulungan mo ako, parang awa mo na, hanapin natin si Bela!” umiiyak na sabi ni Angela.

 

“O-opo, opo ma’am!” natarantang sagot ni Cecilia.

 

Kasunod noon ay ang muling paghihisterical ng babae kaya’t agad silang nilapitan nina Bernard at Lola Corazon.

 

“Sweetheart, calm down, hahanapin natin si Bela at makikita natin siya!”

 

Pilit pinakalma ni Bernard si Angela. Inakay na niya ito patungo sa kanilang silid.

 

Sa pagdaan ng mga araw, nahihirapan man ay patuloy na inuunawa ni Bernard ang kalagayan ng asawa kasabay ng pagpapagamot niya rito, habang hindi naman maunawaan ni Cecilia kung bakit tila lumalalim pa yata ang nararamdaman niya kay Bernard gayong malinaw na malinaw naman kung gaano nito kamahal si Angela.

 

“Cecilia, okay ka lang ba?” tanong ni Madam Lucia sa apo nang umuwi ito para dalawin siya.

 

“Ayos lang po ako lola, ba’t nyo po naitanong?”

 

Ipinakita ni Madam Lucia sa apo ang cellphone nito at kung ano ang nakita niya rito.

 

“Puro stolen shot ni Bernard, aba’y stalker ka ba niya?”

 

Nabigla si Cecilia. Hindi niya akalain na pakikialaman ng lola niya ang cellphone niya.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Pinag-usapan ang pag-like at pag- comment sa IG post… DIEGO, pabirong sinabihan ni BARBIE ng ‘ako pala ang sinayang mo’

    SAAN kaya nanggagaling ang grabeng hatred ng baguhan at bata pang director na si Darryl Yap?      Na mukhang sa dami rin ng mga nababasa naming galit na sa kanya at nagsasabing dapat daw, i-cancel na ito, tila magiging malaking risk sa mga producer na kukuha sa kanya bilang director kung susuportahan ba ng […]

  • Speaker Romualdez ipinapanukala ang PH-US-India partnership sa pagtatayo ng digital public infrastructures

    IPINANUKALA ni House Speaker Martin Romualdez ang posibleng partnership ng Pilipinas, United States (US), at India sa pagtatayo ng digital public infrastructure sa bansa.     Ginawa ni Romualdez ang kanyang panukala matapos dumalo sa Digital Public Infrastructure lecture nuong Sabado (Philippine time) na ginanap sa International Monetary Fund (IMF) headquarters sa Washington D.C. kung […]

  • Crossovers swak sa finals

    Walang preno ang Chery Tiggo nang saga­saan nito ang Choco Mucho sa pamamagitan ng 25-16, 26-24, 25-23 demolisyon para umabante sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.     Nagsilbing driver si outside hitter Dindin Santiago-Manabat na siyang nasandalan ng Crossovers sa mga […]