• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 27) Story by Geraldine Monzon

NAG-ALALA si Andrea sa kabilang linya nang tila nabitawan ni Janine ang cellphone.

 

“Janine? Hello Janine?”

 

Wala ng sagot mula sa kaibigan.

 

“JANINE!” sigaw ni Andrea.

 

Nanginginig ang mga kamay ni Andrea na hindi mabitawan ang kanyang cellphone hangga’t hindi sumasagot si Janine.

 

Sa ospital na nagkamalay si Janine. Nasa tabi niya si Angela. Nakatayo naman sa likod ni Angela si Bernard.

 

“Anak, mabuti at nagising ka na…” si Angela.

 

“Mom…dad…”

 

“Tinawagan agad ni Lola Corazon si Mang Delfin. Mabuti na lang at nadala ka agad dito sa ospital. Kumusta ang pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong ni Bernard.

 

“Ayos lang po dad…”

 

Napansin ni Angela ang mga luha sa mata ng dalaga.

 

“Bakit ka umiiyak?”

 

“Naiiyak lang po ako kasi…kasi hindi nyo po ako pinababayaan…naiiyak ako kasi, nakatagpo ako ng mga bagong magulang…”

 

Hinawakan ni Angela ang kamay ni Janine.

 

“Isa lang ang hihilingin namin sa’yo Janine…tibayan mo ang loob mo…magpagaling ka, magpalakas ka, nandito lang kami lagi sa tabi mo. Pag  magaling ka na, pwede tayong mamasyal sa ibang bansa, kahit saan mo gusto.”

 

“T-Talaga po?”

 

“Oo Janine. Magiging isang masayang pamilya tayo. Itutuloy pa rin natin yung bonding natin sa paghahalaman. Yung bonding natin sa iba’t-ibang mga recipes sa restaurant, ang dami mo kasing pinapaturo sa’kin. At ang pinakapaborito kong ginagawa natin, yung nagkakape tayo sa hardin habang minamasdan ang mga bituin sa langit kung saan naroon si Bela.”

 

Ginagap ni Janine ang kamay ni Angela. Pati ang kay Bernard.

 

“Mom…dad…mahal ko kayong dalawa…nang higit sa iniisip nyo…”

 

Hindi na rin napigilan ni Angela ang pagpatak ng mga luha sa tinuran ng bago nilang anak. Pinahid niya ang mga butil ng luha bago niyakap ang dalaga.

 

“Mahal ka rin namin anak, mahal na mahal…”

 

Nakiyakap na rin sa kanila si Bernard.

 

Samantala.

Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Regine. Agad siyang nag-impake upang makapagrenta sa pinakamalapit na apartment malapit sa bahay nina Bernard. Naiinip na kasi siyang maisagawa ang sariling plano.

 

“I’m coming Bernard! Soon we will be family. Me, Janine and you…” ani Regine habang nag-aabang ng taxi na maghahatid sa kanya sa sakayan ng bus.

 

Pero mukhang inalat na siya papunta pa lamang doon nang biglang masiraan ang bus na sinasakyan niya.

 

“Haist…bakit ba’ko natapat sa malas na bus! Last trip pa naman!”

 

Walang nagawa si Regine kundi ang magcheck in muna sa natanaw niyang malapit na hotel. Ayaw kasi niyang maghintay ng matagal sa ilang na lugar na ‘yon. Lalo pa at madalang na rin ang dumadaang mga sasakyan at taxi. Pinili kasi niyang magbyahe sana ng gabi para walang traffic. Hindi talaga siya sanay magcommute dahil buong buhay niya ay may kotse sila. Kamakailan lang naibenta ang huling kotse na pag-aari nila nung wala na siyang pagpipilian.

 

Hindi makatulog si Regine. Sinubukan niyang i-dial ang numero ni Janine subalit busy ito. Naisipan niyang uminom na lang ng wine na bitbit niya. Gusto niyang ma-relax ang isip kaya hinayaan niya ang sarili hanggang sa makatulugan niya ito. Dahil doon ay hindi siya magising gising sa alarm kahit ilang ulit na itong tumutunog.

 

Umaga.

Pilit nagpauwi si Janine. Ayaw niyang manatili sa ospital ng matagal sa ganoong kalagayan. Habang nasa trabaho pareho sina Angela at Bernard ay dinala niya si Lola Corazon sa hardin, tulak tulak ang wheelchair nito.

 

“Janine apo, sigurado ka bang kaya mo na?”

 

“Lola naman, hindi naman po ako mahinang nilalang eh, ako ‘to si Janine, ang maganda, mabait, masipag at malakas na tagapag-alaga nyo!”

 

“Sang-ayon ako sa sinabi mo.”

 

Nang maipuwesto ang matanda paharap sa naggagandahang mga bulaklak ay pasalampak na naupo si Janine sa bandang paanan nito.

 

“O, teka, bakit nariyan ka sa paanan ko?”

 

“Ayos lang po ako rito lola, komportable po akong maupo sa malambot na mga damo.”

 

“Ganyan din ako noong kabataan ko. Mahilig akong sumalampak sa mga damuhan. Siyanga pala, akala ko ba’y titira sa malapit dito ang iyong ina?”

 

“Opo. Hindi ko nasagot ang tawag niya kagabi kasi kausap ko si Andrea. Pero nagcall back po ako sa kanya, kaya lang siguro tulog na siya kaya hindi na rin niya nasagot.”

 

“Kumusta naman ang relasyon nyo bilang mag-ina?”

 

“Mabait naman si mama eh, kaya lang siguro gawa ng mga stress niya kaya kung minsan hindi na niya namamalayan na nagiging dragon na siya, minsan dinosaur, Graawwl!” natatawang sabi ni Janine kahit halatang nanghihina ang boses nito.

 

Nakitawa na lang si Lola Corazon.

 

“Nami-miss ko na rin si mama…” seryosong sabi ng dalaga.

 

Saglit na katahimikan.

 

“Janine apo, salamat at dumating ka sa buhay namin. Nakita ko kung paano naging masaya sina Bernard at Angela noong tinanggap mo sila bilang mga magulang mo.”

 

“Mas nagpapasalamat po ako dahil sa pagtitiwala , pagmamahal at pagyakap nyo sa akin bilang bahagi ng pamilyang ito.”

 

Pumitas ng dalawang pulang gumamela si Janine at inilagay sa teynga ng matanda habang ang isa ay inilagay naman sa kanyang teynga.

 

“Aba apo, siguradong mas pinaganda tayo ng bulaklak sa ating teynga!”

 

“Opo lola. Ang magagandang bulaklak ang palaging magpapaalala sa atin na maganda ang mundo… Ay, teka lang po, tatawagan ko lang saglit si Andrea!”

 

Hinayaan ni Lola Corazon na makausap ni Janine ang kaibigan habang nakasalampak ulit ng upo ang dalaga sa tabi niya.

 

“Aba, ang aga ng tawag mo ha, ipinagluluto ko pa lang ng almusal si Sir Jeff, teka nag-almusal ka na ba?”

 

“Oo, tapos na, nandito kami ni Lola Corazon ngayon sa garden niya. Nagkukuwentuhan, naalala lang kita kasi bukas Sunday na, magkikita na tayo kaya hindi na ako mapalagay, sobrang excited kong makita ka!”

 

“Parehas tayo, kagabi nga hindi na ako makatulog kakaisip sa’yo eh, sa nag-iisa kong kaibigan!”

 

“O sige, ngayong araw sabay tayong ngumiti ng pinakamagandang ngiti at huwag mong tatanggalin ang mga ngiting ‘yan hanggang sa pagkikita natin bukas!”

 

“Hala, paano naman kapag pinagalitan ako ni Sir Jeff mamaya, nakangiti pa rin ako?”

 

“Oo, malay mo makuha mo siya sa maganda mong ngiti. Basta huwag mong aalisin ang ngiti sa labi mo kahit anong mangyari!”

 

“O sige na nga, sabi mo eh, ikaw din ha!”

 

Natutuwa si Lola Corazon na pakinggan ang usapan ng magkaibigan. Naka-loud speaker kasi ito at naalala niya ang matalik niyang kaibigan noon na nauna ng mamaalam sa kanya sa mundo.

 

Maya-maya ay isinandal ni Janine ang ulo niya sa hita ni Lola Corazon.

 

“Lola Corazon…pakisabi po kina Mommy Angela at Daddy Bernard na palagi rin silang ngumiti tulad ni Andrea…at ikaw din po ha…”

 

“Oo naman apo. Gusto ko rin na laging nakikita ang matamis na ngiti sa mga labi mo.”

 

Hindi alam ni Lola Corazon kung gaano katagal nang nakasandal si Janine sa hita niya. Hinahaplos haplos niya ang buhok nito. Hanggang sa mamalayan niya ang pagtulo ng luha sa sariling mga mata. Alam na niya…ramdam na niya…ipinagpatuloy lang niya ang paghaplos sa buhok ng dalaga habang hawak niya ang isang kamay nito na nakadantay sa kanya.

 

“Janine…apo…mami-miss ko ang pag-aalaga mo sa akin…sige apo, magpahinga ka na…” anang matanda sa pagitan ng pagpatak ng mga luha habang nakatitig sa magagandang bulaklak na nasa harapan nila.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Dating pangulong Duterte, dumalo sa pagdinig ng Kamara

    DUMALO sa ika-11 pagdinig ng Quadcom committee si dating pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa imbestigasyon sa naganap na extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs ng dating administrasyon.   Nakatabi pa nito sa pagdinig si dating senadora Leila de Lima na dumalo rin sa hearing ng komite.   Bago nagsimula ang hearing, pinaalalahan […]

  • PBBM sa kanyang political allies : Teamwork key to a prosperous PH

    BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga political leaders para makamit ang mas masagana at progresibong Pilipinas.   “Hindi pangkaraniwan ang pagtitipon ngayon dahil ito ay pagkakataon para ipakita natin ang kahalagahan ng pagsasama-sama at ng pagkakaisa. Para sa kaunlaran… Para sa pagbabago… Para […]

  • PNP nakahanda sa pagpapatupad ng ‘granular lockdown’ sa NCR

    Tiniyak ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na handa ang PNP sa pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila kung ito ang ipag-utos ng IATF pagtatapos ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Setyembre 7.     Ang granular lockdown ay pagsasara ng bahagi ng barangay, na may mataas na kaso ng COVID 19.   […]