• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 42) Story by Geraldine Monzon

NAG-ALALA si Bela nang malaman na nasa ospital si Jeff kaya nagpilit itong sumama kay Manang Sonya. Nagpaalam siya sa kanyang mga magulang at sa kanyang Mama Cecilia.

Inihatid sila ni Mang Delfin gamit ang kotse ni Bernard patungo sa ospital.

 

Nagmamadali sina Bela at Manang Sonya pagpasok sa ospital. Sa information area agad sila nagpunta. Hinayaan ni Bela na si Manang Sonya ang umalam ng nangyari sa binata at kung saan ang room nito.

 

Nakakunot ang noo ni Manang Sonya nang balikan si Bela sa lobby.

 

“Andrea Bela…”

 

“Bakit po manang, ano pong nangyari kay Sir Jeff, saan daw po ang room?”

 

“Nasa taas daw, tara samahan na kita.”

 

“Po?”

 

Sa elevator.

 

“Andrea Bela, pagpasensyahan mo na sana si Sir Jeff. Sa tingin ko ay nahuhulog na ang loob niya sa’yo. Pero ang payo ko lang, ingatan mo ang puso mo. Huwag kang masyadong magpatangay sa bugso ng iyong damdamin. May mga lalaking sadyang mapanlinlang makuha lang ang gusto. Hindi ko sinasabing si Sir Jeff iyon. Pero siguro naman ay may idea ka na kung anong klaseng lalaki siya. Hiling ko lang na sana, pag-ibig ang makapagpabago sa kanya at sana ikaw na ang pag-ibig na ‘yon.”

 

“Manang Sonya…” nahihiyang ani Bela.

 

Paglabas nila ng elevator ay tinanong ni Manang Sonya sa nakasalubong nilang janitor ang daan patungo sa rooftop.

 

“Ah hayun po sa kanan, yung makitid na hagdanan.”

 

“Sige hijo, salamat.”

 

“Manang Sonya, ano pong gagawin natin sa rooftop?” nagtatakang tanong ni Bela sa matanda.

 

“Puntahan mo na lang siya ro’n. Hihintayin kita rito.”

 

Naguguluhan man ay sumunod na lang si Bela. Pag-akyat sa rooftop ay nakita niyang nakaupo  at nagkakape sa table for two na naroon si Jeff.

 

“Sir Jeff?”

 

“Uy, anong ginagawa mo rito?” natatawang tanong ng binata na hindi tuminag sa pagkakaupo.

 

“Ang sabi mo kay Manang Sonya nasa ospital ka…nasa ospital at nagkakape dito sa rooftop?”

 

Tumayo si Jeff.

 

“Ano naman ang masama ro’n? Sabi ko kay Manang Sonya puntahan niya ko rito sa ospital. Hindi ko naman sinabing nadisgrasya ko or may masamang nangyari sa akin, malay ko bang sasama ka pa!” nangingiting ani Jeff. “Kaibigan ng dad ko ang may-ari nitong ospital kaya okay lang na magkape ako rito sa rooftop, ano, kape ka rin ba or milktea?”

 

“Hindi mo ba alam na nag-alala si Manang Sonya nung papuntahin mo siya rito sa ospital?”

 

“At ikaw tama ba? Hindi ko na kasalanan kung mahina ang pick up nyo.”

 

Humakbang si Bela palapit kay Jeff.

 

“Pasensya na kung kasalanan pa pala namin na nag-alala kami sa’yo.”

 

Dinampot ng dalaga ang kapeng nakapatong sa mesa.

 

“Hmmm, mukhang masarap itong kape mo ah?”

 

“Masarap talaga ‘yan, mamahalin ‘yan eh, hindi kasinglasa ng 3in1 mo.”

 

“Ah oo naman, mukhang mas masarap talaga ‘to, masarap ibuhos sa’yo!” sabay buhos ni Bela ng kape sa dibdib ng binata.

 

Nagulat si Jeff at hindi agad nakagalaw sa naging aksyon ng dalaga. Mabuti na lang at hindi na masyadong mainit ang kape na tumapon sa damit niya.

 

“Sarap diba? Sarap sa pakiramdam yung naiisahan mo ang kapwa mo?”

 

“ANDREA!” galit at kunot ang noo ni Jeff.

 

“Pasalamat ka Sir Jeff hindi ko sa mukha mo ibinuhos ang kape, namnamin mo ang sarap niyan ha!” sabay talikod ng dalaga.

 

Mabilis naman siyang nahabol ng binata at nahawakan sa braso.

 

“Akala mo ba ganoon mo ko kadaling matatalikuran? Itong ilagay mo sa kukote mo, walang ibang lalaking magmamahal sa’yo ng tulad sa pagmamahal ko kaya sa ayaw mo at sa gusto, akin ka na, akin ka lang!”

 

“Pinagsasasabi mo?” Binawi ni Bela ang braso niya. “Alam mo mahina rin ang pick up mo eh, sana alam mo na hindi kita gusto!”  nagmamadali nang humakbang ang dalaga palayo sa binata pababa sa rooftop.

 

Naiwan namang nangingiti si Jeff.

 

“Pakipot of the year!” anas nito.

 

Habang abala ang lahat sa selebrasyon ay abala rin si Regine sa kanyang plano. Lumapit siya kay Angela dala ang isang baso ng wine.

 

“Angela, my dear friend, here’s your wine!”

 

“Ahm, sorry Regine, pero hindi ako umiinom…”

 

“I know. Pero kahit ngayon lang, hihiyain mo pa ba’ko?”

 

“Pero…”

 

“At least one or two shots, pwede na ‘yon, naalala ko ang nakaraan, I never knew na between us, ikaw ang pipiliin ni Bernard. Na isang katulad mo pala ang nais niyang pakasalan. Well, past is past, but we have to celebrate what we’ve got right now, me, my friendship with you and Bernard, and you, your family, right?” sabay abot ulit ni Regine ng wine kay Angela.

 

Napilitan si Angela na tanggapin iyon. Hindi naman siguro masama kung pagbibigyan niya ito.

 

“Cheers para sa ating friendship and para sa iyong complete family!” maluwang ang pagkakangiting ani Regine.

 

Ininom ni Angela ang wine na nasa kanyang baso. Habang patuloy sa pakikipagkuwentuhan sa kanya si Regine. Ang isang basong wine ay naging dalawa, naging tatlo hanggang sa masundan pa ito nang masundan.

 

Nilapitan naman ni Cecilia si Bernard.

 

“Sir Bernard…”

 

“Cecille…”

 

“Alam ko po na hindi ito ang tamang lugar para humingi ng tawad sa mga nangyari dati. Pero sasamantalahin ko na rin na makausap ka nang hindi naririnig ni Ma’am Angela. Sana po kalimutan na lang natin ang lahat alang-alang kay Andrea…Bela…”

 

“Matagal ko nang kinalimutan ‘yon Cecille. Wala kang dapat alalahanin”

 

May sasabihin pa sana si Cecilia ngunit…

 

“Excuse me, pupuntahan ko lang si Angela.”

 

Nag-alala si Bernard nang makitang umiinom ng wine ang asawa kasama si Regine. Palapit na siya rito nang maharang siya ng mga lalaking bisita na mga kaopisina niya.

 

“Bernard, come and join us in our table, kanina ka pa namin gustong maka-kwentuhan eh!”

 

Nahiya si Bernard sa mga ito kaya pinagbigyan niya muna.

 

Maya-maya pa ay unti-unti nang nakakaramdam ng pagkahilo si Angela. Gayundin si Bernard na hindi maiwasan ang pag-inom dahil sa mga kasamahan.

 

Hanggang sa isa-isa nang magpaalam ang mga bisita. Si Mang Delfin ang naghatid kay Cecilia pauwi. Habang si Bela ay sinamahan ang Lola Corazon niya sa silid nito.

 

Kinabukasan. Nagmulat ng mga mata si Angela na sa kama ni Bela siya nakahiga. Ito ang silid na sinadya nilang ipinagawa sa bahay ni Lola Corazon para kay Bela.

 

Unti-unti ring nagmulat ng mga mata niya si Bernard. Napatingin siya sa kanyang katabi at ganoon na lang ang gulat niya nang makita si Regine at hindi si Angela. Pareho silang naked nito.

Nabigla siya nang bumukas ang pinto ng kuwarto.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Pagtarget sa 179 RSC, NKTI renovation pinuri ni Bong Go

    PINURI ni Senador Christopher “Bong” Go ang hangarin ng gobyerno na mamuhunan sa pangangalagang pangkalusugan tulad ng binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kinabibilangan ng pagtatayo ng 179 Regional Specialty Centers at pagsasaayos ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Annex building sa Quezon City sa 2028.     Si Go ang pangunahing isponsor at […]

  • Hero’s welcome para kay Diaz

    Maituturing si national weightlifter Hidilyn Diaz na isang buhay na bayani matapos ibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold medal sa kanyang tagumpay sa women’s 55-kilogram division ng Tokyo Games.     Dahil sa kanyang kabayanihan ay ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa 30-anyos na si Diaz ang Gold Medal of Valor sa nakatakda […]

  • Lim, iba pa 5 magti-training sa Turkey mula Peb. 23-Mayo 15

    LALABAS ang national karate team ng Philippines Sports Commission (PSC)-Olympic training bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna sa paglipad sa Istanbul, Turkey sa Pebrero 22 upang doon ipagpatuloy ang kampo para sa Olympic Qualifying Tournament (OFT) sa Paris, France sa Hulyo 11-13.     Napag-alaman ng pahayagang ito kahapon kay Karate Pilipinas […]