• December 27, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Del Monte Ave. to Fernando Poe, Jr. Avenue sa QC? Tama ba ‘to? Ano kaya ang sasabihin ni Da King tungkol dito?

BIHIRANG bihira na magpanukala ng batas si Senator Lito Lapid kaya naman kapag mayroon ay mapupuna kaagad. Isa dito ang panukalang palitan ang pangalan ng makasaysayang Del Monte Avenue sa pangalan ng hari ng pelikulang Pilipino, Fernando Poe Jr. Marahil kung hindi ka taga San Francisco Del Monte, Quezon City, ay wa epek sayo ito at ok lang siguro para sayo dahil sa dapat lang bigyan ng parangal ang nag-iisang alamat ng pelikulang Pinoy na si – Da King FPJ. Pero bakit pinapalagan ng mga taga QC ang panukala ni ‘Leon Guerrero’?

 

Sa House of Representatives isa sa mga nagsulong ng panukala sa pagpapalit ng pangalan ng Del Monte Avenue ay si Congresswoman BH Herrera ng Bagong Henerasyon Party-List na naging Konsehala ng QC. Sigurado tayo na maganda naman ang intensyon ng mga mambabatas na ito na magpangalan ng kalsada para kay FPJ sa panahon ng pandemya. FPJ is FPJ, ika nga. Pero bakit nga ba imbes matuwa ang mga taga Del Monte ay mas nais nilang manatili ang pangalang Del Monte Avenue. Maraming panuntunan ang Batas sa pagpapalit ng pangalan ng isang kalye. Hindi maaring palitan kung ang pangalan ay may kaugnayan sa Kasaysayan. At sabi nga ng Philippine Historical Commission kapag mahigit na sa 50 taon ang pangalan ng kalye ay makasaysayan na ito.

 

Ayon sa Pricipalia Hereditary Council of the Philippines at ng Simbahan ng San Francisco Del Monte ay malalim at maraming siglo (centuries) na ang umukit sa kasaysayan ng San Francisco Del Monte. At ang daan-daang libong naninirahan at nanirahan dito ay nakasanayang nang Del Monte Avenue ang pagkilala sa kalye. Bakit nga ba itong Del Monte pa ang napiling gawing FPJ Avenue? Dito kasi sa matatagpuan ang FPJ Production Studios at minsan ay naging residente si FPJ ng lugar na ito. So kung ito lang ang batayan hindi kaya mababaw ang dahilan ng mga nagpanukala nito at imbes mabigyan ng parangal si FPJ ay dinungisan lang ang pangalan ni DA KING? Ang pagtutol ay hindi dahil ipapangalan kay FPJ ang kalye kundi ang pagpalit sa makasaysayang pangalan ng DEL MONTE. Kung bibigyan natin ng parangal si FPJ ay tanging pagpapalit lamang ba ng Del Monte Avenue ang paraan? O ito lang ang kayang isipin ng mga nagpanukala nito?

 

Kung buhay kaya mismo si FPJ papayag siya sa panukalang ito na marami ang tumututol? At ano pa bang karangalan ang pwedeng ibigay sa tinaguriang “hari”! Nasa puso at isipan siya ng milyun- milyong Pilipino at hindi na siya mabubura sa kasaysayan. Ano ba ang maidadagdag pa ng pagpapangalan ng isang kalye sa kanyang kadakilaan? Wala na bang ibang paraan? Bakit hindi natin itanong sa DPWH sa kanilang Build, Build, Build program na sa dami ng bagong kalye na wala pang pangalan. Kalabisan bang ibigay kay FPJ ang isa sa mga bagong kalye? National figure si FPJ kaya kahit saan pwede maipangalan ang isang kalye para sa kanya!

 

Dun ba sa Diosdado Macapagal Avenue tumira ang dating pangulo? Si Epifanio delos Santos ba ay may bahay sa EDSA? Pwede rin na maghanap ng lugar sa kahabaan ng Del Monte upang maglagay ng FPJ Monumento at Museum. O kaya ay isang FPJ High School. Marami pang ibang paraan ng pagpaparangal kay Fernando Poe, Jr. Noong ako ay Konsehal ng QC, may mga sinulong din ang Konseho ng noon na pagpapalit ng pangalan ng mga kalye sa QC. Iba ay welcome sa mga residente kaya okay naman. Pero mayroon din na tinutulan ng mga residente kaya naghanap kami ng ibang paraan para hindi madungisan ang pangalan ng taong pinaparangalan at mabigyan pa rin ng pagpupugay. Tulad ni Justice Cecilia Muñoz Palma. Imbes na panukalang kalye sa New Manila ay nagkaroon ng CECILIA MUÑOZ PALMA HIGH SCHOOL.

 

May mga pangyayari na mismong pamilya na ang tumutol nang ipanukala na gawing Renato Constantino Avenue ang Panay Ave. Ang pamilya na mismo ang nagsabi na salamat pero huwag na lang. O kaya naman ang plano na palitan ang Bulacan street sa Javier Street o Commonwealth Avenue sa Felix Manalo Ave o kaya EDSA to Cory Aquino avenue. Lahat ng ito ay inurong ng may akda dahil imbes mabigyan ng parangal ang isang tao ay naging kontrobersyal lamang ang panukala. Sa ngayon ay umaapela ang mga taga San Franciso Del Monte sa QC Government at mga Senador na – SAVE DEL MONTE Ave.

 

Marahil ay maisasabatas nga yan at magiging FPJ Avenue. Nadagdagan ba ang kasikatan ni Da King? O magdudulot lang ito ng sama ng loob sa libu-libong taga doon at ang masakit pa dito ay kahit FPJ na yan ay tatawagin parin ng lahat na DEL MONTE Avenue. Sa buong buhay at mga pelikula ni FPJ siya ang bida at bayani ng naaapi. Dito kaya sa panukalang ito ngayong pandemya pa naman din ay ganun pa rin? May panahon pa para maiayos ito. (Atty. Ariel Enrile-Inton)

Other News
  • Magla-live na raw ang ‘Eat Bulaga’: TVJ, kino-contest pa rin na makuha ang title ng show

    PINAG-UUSAPAN lalo na nang magpaalam na nga ang TVJ na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa 43 years nilang noontime show na “Eat Bulaga” noong May 31.     Nasundan pa ito ng mass resignation naman ng halos lahat ng host at staff ng show.     Naiwan ang TAPE Incorporated […]

  • Nagugutom sumipa sa 10.4% sa nakalipas na 3 buwan — SWS

    LUMOBO  lalo ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong nagsasabing nakaranas sila ng kawalang pagkain. Ito’y sa kabila ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na susugpuin ng gobyerno ang kagutuman.     Ito ay matapos i-survey ng Social Weather Stations ang nasa 1,500 respondents mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao bago magtapos ang […]

  • PBBM, ipinangalan at muling ipinangalan ang PNP camps, real properties sa mga dating police officers

    IPINANGALAN  at muling ipinangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 8 Philippine National Police (PNP) camps at real properties sa mga dating police officers na nagbigay ng huwarang serbisyo sa bansa at sa mamamayan.     Nagpalabas si Pangulong Marcos ng Proclamation Nos. 429 at 430 para sa dahilang ito, ayon sa Presidential Communications Office […]