DepEd, maingat na magtatakda ng school break
- Published on February 20, 2021
- by @peoplesbalita
SINABI ni Education Secretary Leonor Briones na maingat silang magtatakda ng school break lalo pa’t ang mga estudyante ay nagkaroon na ng anim na buwan na bakasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.
Sa Laging Handa briefing, tinukoy ni Sec. Briones ang epekto ng walang klase sa mga mag-aaral.
“Kung i-extend natin ang bakasyon, we had nearly six months kung saan ang mga bata hindi pumapasok. Ngayon, lumalabas na ang mga resulta, pag-aaral, opinion na kung ano ang epekto sa mga bata na hindi sila pumapasok,” ayon sa Kalihim.
“We are very careful in calibrating itong bakasyon kasi nakapagbakasyon na sila ng anim na buwan. Magdagdag naman tayo ng bakasyon,” dagdag na pahayag nito.
Maliban dito, sinabi ni Sec. Briones na kinukunsidera ng DepEd kung ang tagal ng summer vacation ay makatutulong sa implementasyon para sa academic ease.
“So ako nagsabi, makakatulong ba ‘yan sa academic ease? Kung ‘yan ay makakatulong…e gagawin namin,” ani Sec. Briones.
“Remember other countries opened in June, we opened in October. Kapag sabihin mong i-extend mo ‘yung vacation, we have to balance also the impact of another series of no classes and so on, when the children are asking for academic ease,” aniya pa rin.
Ang School Year 2020-2021 ay nagsimula noong Oktubre 5 sa pamamagitan ng blended learning, kung saan ang mga estudyante ay hindi kailangan na pumunta ng personal sa mga eskuwelahan para magpartisipa sa klase upang maiwasan ang posibleng paglipat ng virus.
Nito lamang nakaraang Lunes ay sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na kinukunsidera ng departamento ang pagpapaiksi sa two-month summer break ng mga estudyante at gawin itong dalawang linggo at i-extend ang school year.
Sinabi pa ni San Antonio na ang posibleng extension ng dalawang linggo ay naglalayong bigyan ng mas maraming oras ang mga estudyante na makumpleto ang kanilang mga school requirements sa gitna ng COVID-19 pandemic. (Daris Jose)