Gilas Pilipinas nakaabang sa IATF approval
- Published on October 17, 2020
- by @peoplesbalita
MINAMADALI na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang mga requirements upang mabilis na makuha ang go signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik-ensayo ng Gilas Pilipinas.
Gahol na sa oras ang Gilas Pilipinas dahil halos isang buwan na lamang ang nalalabi bago ang FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Nobyembre.
Maliban sa ensayo, problemado rin si SBP program director Tab Baldwin sa pagbuo ng malakas na koponan para sa importanteng mga laro sa qualifiers — laban sa powerhouse South Korea at perennial SEA Games title contender Thailand.
Kaya naman gumagawa na ng paraan ang SBP para maikasa na agad ang ensayo ng Gilas Pilipinas dahil kapos na kapos na sa oras para mabuo ang chemistry ng koponan.
“Players are ready to play, but are we allowed to play as a team? That is the question that we are waiting for an answer up to this point,” ani special assistant to SBP president Ryan Gregorio sa programang Sports Page.
Isinantabi na ng SBP ang pagkuha ng mga PBA players na malabo dahil nasa Clark bubble ang lahat ng aktibong players para sa PBA Season 45 Philip- pine Cup.
Masuwerte ang Gilas Pilipinas dahil nariyan sina Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi, Mike Nieto at Matt Nieto na available para maglaro sa koponan.
Posibleng madagdagan pa ito sa oras na maayos ni dating Barangay Ginebra slotman Greg Slaughter ang pakikipag-usap nito sa Gin Kings.
Wala pang linaw kung makalalaro si dating UAAP Finals MVP Thirdy Ravena dahil may kontrata ito sa San-en NeoPhoenix sa Japanese B.League.