• July 27, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kamara umaasa na sasang-ayon si Pangulong Duterte sa panukala para sa Coconut Trust Fund

Umaasa ang kamara na malalagdaan ni Pangulong Duterte ang panukalang magtatatag sa Coconut Levy Trust Fund upang maging batas.

 

Ayon kay Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, ang mga usapin sa unang panukala sa coconut levy na inayawan ni Pangulong Duterte noong nakalipas na taon, ay natugunan na sa ilalim ng bagong panukala, na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara nitong linggo.

 

“Maingat naming binalangkas ang bagong bersyon ng panukalang ito, kaya’t naniniwala kami na natugunan na ang mga nakaraang usapin,” ani Enverga, na siyang namuno sa Komite ng Agrikultura at Pagkain sa Kamara, na nauna nang nag-endorso para sa pag-apruba ng House Bill 8136 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act.

 

Idinagdag ni Enverga na “Tiniyak namin na may limitasyon ng 99 na taon. Pangalawa, hinggil sa malawak na kapangyarihang iginawad sa Philippine Coconut Authority (PCA), tinugunan natin ito sa pamamagitan ng malinaw na paglalarawan sa implementasyon ng kapangyarihan ng bagong tatag na Board ng PCA.”

 

“Binuo rin natin ang Trust Fund Management Committee, na kinabibilangan ng DBM (Department of Budget and Management) at DOJ (Department of Justice),” aniya.

 

Ipinahayag din ni Enverga ang kanyang pasasalamat kay Speaker Velasco nang gawin niyang prayoridad ang House Bill 8136 at tiniyak na maipapasa ng Kamara ang panukala bago magbakasyon para sa pagdiriwang ng Pasko.

 

Pinuri rin niya si Velasco sa paghahanap ng paraan para makipag-ugnayan sa ehekutibo para makarating sa lamesa ng Pangulo ang panukala para sa kanyang lagda.

 

Nauna nang pinuri ni Velasco ang mga kapwa mambabatas sa pagpasa ng panukala. Umaasa rin siya na maisasabatas ang panukala na tutulong upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka ng niyog at ng kanilang mga pamilya.

 

Inaasahang ang HB 8136 ay pakikinabangan ng may 3.5-milyong magsasaka ng niyog mula sa 68 lalawigan na napagkukunan ng produkto ng niyog, na nagmamay-ari ng hindi lalagpas sa limang ektarya ng sakahan. Layon ng panukala na palakihin ang kita ng mga magsasaka ng niyog, iahon sila sa kahirapan at isulong ang pantay na karapatan sa lipunan, at rehabilitasyon at modernisasyon ng industriya para sa kaunlaran ng mga sakahan.

 

Sa pamamagitan ng panukalang ito, sinabi ni Enverga na mapapasigla ng pamahalaan ang sektor ng sakahan ng niyog, upang lalo pa silang mahikayat na mamuhunan sa industriya.

 

“Nais nating makita sa hinaharap ang ating mga magsasaka ng niyog, na kumita ng mas malaki kumpara sa pagko-copra lang ang kanilang inaasahan,” giit ni Enverga.

 

“Maaari na silang mag-level up sa production. Yung value ng kanilang kinikita, mas tataas,” dagdag pa niya. (ARA ROMERO)

Other News
  • PBBM hinikayat ang mga kabataang lider na makialam sa pamamahala

    BINIGYANG-DIIN ang kahalagahan ng mga kabataang Filipino sa national development, hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. araw ng Miyerkules, ang nakababatang henerasyon na makialam sa pamamahala at pampulitikang diskurso kasabay ng pangako ng Chief Executive ng kumpletong suporta mula sa national government.     “Kung mayroon kayong nakikitang mas magandang pamamaraan, sabihin ninyo. Isigaw […]

  • Kelot kalaboso sa pambabastos at tangkang panunuhol sa pulis at biktima

    ISINELDA ang isang kelot matapos tangkain suhulan ang mga pulis at biktima nang maaresto sa entrapment operation dahil sa pambabastos sa 19-anyos na senior high school student sa Navotas City, kamakalawa ng madaling araw.     Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 11312 of the Safe Spaces Act at attempted corruption of public official ang […]

  • Ads November 27, 2021