MARIING itinanggi ng kampo ng sikat na Filipino fashion designer na si Avel Bacudio ang mga paninira umano ng dati niyang matalik na kaibigan at vlogger na si Claire Contreras na kilala rin bilang Maharlika.
Sa katunayan, pareho nilang sinuportahan ang Uniteam ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
Kaya nagtataka rin si Avel kung bakit ginawa ito sa kanya ni Maharlika na kilala na ngayon bilang isang kritiko ng ad1qqministrasyong Marcos.
Kuwento ni Avel, “nagkakilala kami sa campain, dahil pareho kami ng sinusuportahan.
“Nagkaroon kami ng communication, tapos biglang nagbago, hindi ko alam.
Nagkukuwentuhan kami about buhay-buhay. So, doon nga lumabas yun, noong bata pa ako, ang hirap ng buhay, nawawalan ng pambayad sa kuryente, parang ganun.
“So, yun ang nilalabas niya ngayon. But that’s my story before, at siyempre iba na ngayon. Pero hindi ko talaga alam kung siya nanggagaling.”
Kabilang sa mga alegasyon na itinanggi ng kampo ni Bacudio ay ang sinasabing sinuhulan niya ng mamahaling relo si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos para makakuha ng proyekto ng gobyerno.
Itinanggi rin nila na si First Lady Liza Marcos ang dahilan kung bakit nakakuha ng Schengen at US visa ang kanilang pamilya.
Pinabulaanan din nila ang sinasabing tumanggap daw ng kickback ang fashion designer na taga-Bicol, mula sa Philippine Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa mini presscon na kanilang ipinatawag, itinanggi rin ng kampo ni Bacudio ang mga pasabog na pahayag ni Maharlika sa kanyang YouTube channel, na bumili kaagad si Bacudio ng milyun-milyon ang halaga ng ari-arian matapos manalo si Pangulong Marcos sa halalan.
“We categorically deny all of those allegations. And we will prove in the court of law that those are all false,” ayon kay Atty. Oliver Baclay, Jr., ang Lead Counsel ni Avel Bacudio.
Dahil dito, nagsampa si Bacudio ng $2-M cyberlibel case noong Enero 24 laban kay Maharlika sa US Central District sa Los Angeles at na-serve na ng summons simula noong isinampa ang kaso.
Ayon sa complainant, hindi siya magsasampa ng reklamo dahil ayaw niya ng gulo, ngunit marami ang naapektuhan ng mga batikos ng vlogger.
“Sabi nga niya BFF, siyempre nakakalungkot. So, sabi ng pamilya ko, sabi ng sister ko, ipagdasal na lang natin.
“Kaya lang ngayon, may mga tao na hindi dapat kasama dito, nadadamay na kasi sila. Yung first family nga nadadamay, eh client ko lang sila. Kaya medyo nakakahiya naman sa kanila,” ayon kay Avel.
Naninindigan siya na ang kanyang relasyon sa unang pamilya ay limitado lamang sa pananamit, at doon nagtatapos ang kanilang koneksyon.
Natanong namin kay Avel kung ano ang nakukuha niyang suporta sa showbiz friends and clients niya.
“That’s good question. Well, yun mga taong matagal ko ng kaibigan sa showbiz, kilala naman nila kung sino ako.
“So, they sending me a prayers. Nakakatuwa kasi, lahat halos sila, 95% sumusuporta sa akin, kasi eversince naman kilala na nila ako at wala akong itinatago.
“May mga negative din ng nagsisend sa akin, pero parang 1% lang sila ng 31 million. “
Ang kampo ni Bacudio ay humihingi ng $2-M bilang counter damages.
Hindi pa sumasagot si Maharlika tungkol sa isinampang kaso.
(ROHN ROMULO)