Magkikita na lang sila sa korte: CRISTY, nagbigay na ng pahayag sa kasong isinampa ni BEA
- Published on May 4, 2024
- by @peoplesbalita
KAHAPON nang tanghali, ika-3 ng Mayo, sinagot na ni Nanay Cristy Fermin sa kanyang programang “Cristy Ferminute” kasama si Romel Chika sa 92.3 Radyo 5 TRUE FM, ang isinampang reklamo sa kanila ni Bea Alonzo na cyber libel.
Wala pa raw siyang natatanggap na subpoena kaya hindi niya alam kung ano ang nilalaman ng demanda.
“Alam ko po may mga hinihintay kayo na tugon ngayong araw na ito dahil kahapon po ay nagsampa si Bea Alonzo ng libelo laban sa inyong lingkod, kay Ogie Diaz at sa iba pa naming mga kasama,” panimula niya.
“Wala pa po akong detalyadong maibibigay sa inyo dahil wala pa po kaming hawak na impormasyon. Hindi pa po namin alam kung anu-ano ba ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay kung bakit siya nagdemanda ng kasong libelo.”
Pagpapaliwanag pa niya tungkol sa kaso, “Ang libelo po, cyber libel o cyber bullying na tinatawag nila ay kakambal ng aming propesyon. Ito po ay parang dila at ngipin na magkasama. ‘Di po maaring paghiwalayin.”
“Pero napakalayo pa po ng tatakbuhin ng kasong ito, magpapalitan pa po kami ng aming mga sinumpaang salaysay at ang prosekusyon na po ang magde-desisyon kung sino ba ang nasa tama at kung sino naman ang nasa panig ng mali.”
Dagdag pa ni Nay Cristy, “Hindi po natin ito mapupuwersa para sa atin ang manghusga kung sino sa panig naming ni Bea Alonzo ang nagkasala, nasa husgado na po ‘yan.
“Hindi lang po naming matatanggap ni Ogie Diaz ‘yung kanyang kampo sa pagsasabi na ang aming daw pong vlogs ay ginagawa para lamang magkaroon ng mataas na views at pagkakitaan si Bea Alonzo.
“Ang programa po ni Ogie Diaz, ang kanyang vlog ang ‘Showbiz Now Na’ at maging ito pong ‘Cristy Ferminute’ ay dinisensyo hindi lamang po para kay Bea Alonzo. Ito po ay para ibalita ang lahat ng kuwento positibo man o hindi tungkol sa mga personalidad na tinatawag po nating public figures.
“At bilang pampublikong pigura po sila ay kami naman po ang nagtatawid ng mga balita tungkol sa kanila hindi po naming maaaring puhunanin si Bea Alonzo lamang para kumita ang aming mga vlogs, mali po iyon.
“Lahat ng mga kuwento ay ilalatag po namin at depende na lamang po ‘yan sa pagtanggap ng mga personalidad na aming tinatalakay.”
Dagdag paliwanag pa niya, “Kayo po ay public figures kayo po ay nabubuhay sa loob ng aquarium sabi ko nga at gasgas na ang linya kong ito, kayo po ay mga isda sa loob ng aquarium ang publiko po ay nakatanaw sa inyo bawa’t galaw ninyo, bawat ikot n’yo, marami pong nakatanaw, wala kayong maaring ligtasan.
“Kaya public figure kayo huwag masyadong balat sibuyas, pero ‘yung karapatan mo Bea Alonzo para magsampa ng kaso laban sa amin ni Ogie Diaz at sa iba pa naming mga kasama ‘yan ay hindi naming hinaharangan.
“Pero kung ito ang naging dahilan para busalan ninyo ang aming bibig, opinion at malaya naming pamamahayag ay nagkakamali kayo!”
Panghuli pang pahayag ni Nay Cristy, “Gumawa ka ng maganda Bea Alonzo patuloy kitang papalakpakan, patuloy kitang pupurihin pero kapag ika’y nagkakamali at sablay ang iyong ginagawa sa mata ng publiko at sa aming panlasa, ikaw ay aming papaalalahanan at tatapikin!
“Sabi nga, kayo ang nagdemanda, ikaw Bea ang nagsampa ng kasong libelo laban sa akin, kay Ogie Diaz at sa aming mga kasama, ano ang ating sinasabi, we will see you in court.”
Humingi naman ng paumanhin si Nay Cristy dahil hindi siya nakasagot sa lahat ng mga tumatawag at nagpadala ng positibong mensahe tungkol sa demanda. Inilaan daw niya ang araw na yun para kaarawan ng pumanaw na ina at dinalaw ang puntod nito.
“Kaya maraming salamat sa inyong lahat, sa mga nagtitiwala, nagpapakita ng pagmamahal at suporta. Pakitanggap po ang aking mula sa pusong pagmamahal. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat,” huling pahayag pa ni Nay Cristy.
(ROHN ROMULO)
-
Ads December 8, 2022
-
PAF, nag-deploy ng 2 helicopter units para tumulong sa relief operations sa Bicol region
NAG- deploy na ang Philippine Air Force (PAF) ng 2 helicopter units para tumulong sa relief operations sa Bicol region na nananatiling isolated dahil sa malawak na pagbahang iniwan ng nagdaang bagyong Kristine. Sa situation briefing sa Palasyo Malacañang ngayong Biyernes, iniulat ni Defense Secretary Gilbert Teodoro kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na […]
-
2 construction workers, bebot timbog sa Valenzuela buy bust
TATLONG hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang 41-anyos na bebot ang nasakote sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng umaga. Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destutra Jr na alas-10:30 ng umaga nang magsagawa […]