MECQ sa NCR ‘di ipinapayo ng OCTA na luwagan
- Published on April 26, 2021
- by @peoplesbalita
Binalaan ng mga eksperto mula sa OCTA Research Group ang pamahalaan sa pagluwag pa lalo ng COVID-19 restrictions sa National Capital Region (NCR) kahit pa bahagyang bumagal na ang pagkalat ng sakit.
Sinabi ni OCTA Research fellow Fr. Nicanor Austriaco na dapat tumagal muna ng ilang linggo na mababa sa 1 ang reproduction number.
Nabatid na kapag nasa 1 o mas mataas pa ang reproduction number ay nangangahulugan lamang na mayroong sustained transmission ng virus.
Sa ngayon, nasa 0.99 ang reproduction number sa NCR.
Iginiit ni Austriatico na sa ngayon unstable pa ang sitwasyon sa NCR dahil hindi lahat ng mga local government units ay bumababa ang reproduction number.
Dahil dito, mayroon aniyang posibilidad na ilan sa mga LGUs sa NCR ay magkaroon ng outbreak, na maari ring mag-spill over sa mga karatig na mga lugar.
Hindi aniya nangangahulugan na bumaba na ang reproduction number ay magiging okay na ang sitwasyon dahil kailangan muna na ma-sustain ito pati na rin ang pagluwag ng mga ospital, na sa ngayon ay punuan pa rin. (Daris Jose)