Mga magulang, bantay ng mga mag-aaral isasailalim sa training ng DepEd para sa flexible learning
- Published on June 3, 2020
- by @peoplesbalita
Target ng Department of Education na gawing “effective learning facilitators” ang mga magulang at mga bantay ng mga mag-aaral sa ilalim ng isinusulong na flexible learning sa darating na pasukan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Education Usec. Tonisito Umali na magbibigay sila ng training at orientation sa mga magulang at bantay na aasikaso sa pag-aaral ng mga kabataan sa kanikanilang bahay.
Iginiit ni Umali na malaking papel ang gagampanan ng mga magulang ngayong karamihan sa mga estudyante ay sa bahay na lamang mag-aaral.
Sa ngayon, hindi ipinapayo ng ang pagsasagawa ng physical classes para maiwasan na rin ang exposure ng mga estudyante, guro at iba pang school personnel sa posibilidad na mahawa sa COVID-19.
Samantala, aabot na sa 545,558 mag-aaral ang nakapag-enroll o nagpahayag na ng kanilang interest na lumipat ng paaralan, base sa datos na isinumite ng apat na rehiyon, ayon ka Umali.
Pero sakaling magdesisyon man ang mga magulang na huwag na muna papasukin ang kanilang mga anak sa darating na pasukan, sinabi ng EducationUsec at Spokesperson Nepomuceno Malaluan na igagalang nila ito.
Pero ayon naman kay Education Usec. Annalyn Sevilla, patuloy pa rin nilang ipapaliwanag sa mga maglang ang mga options at alternative delivery of learning. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)