Mga taga-MM na pupunta ng Tagaytay City kailangan pa ring kumuha ng travel pass-Malakanyang
- Published on September 21, 2020
- by @peoplesbalita
PINAALALAHANAN ng Malakanyang ang mga residente ng Metro Manila na kailangan pa rin nilang kumuha ng travel pass mula sa Philippine National Police kung pupunta ng Tagaytay City.
Ang Tagaytay City ang itinuturing na top tourist destination sa Cavite province.
Suportado ng Malakanyang ang pahayag ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, na iginiit na kailangan ang travel authority matapos ihayag ng Tagaytay City government na hindi na ito requirement.
Ang Metro Manila ay kasalukuyan ngayong nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) habang ang Cavite ay nasa ilalim naman ng modified general community quarantine (MGCQ).
“MGCQ to MGCQ travel, hindi kinakailangan ng travel pass but the local government unit may still impose it. GCQ to MGCQ, kinakailangan ng travel pass,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
“Mga taga-Metro Manila na nais pumunta ng Tagaytay, kinakailangan n’yo pong kumuha ng travel pass at bago kayo mabigyan ng travel pass ng PNP, kinakailangan mag-presinta po kayo ng medical certificate,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa ulat, unti-unti nang nagsisibalikan ang mga turista sa Tagaytay City matapos ianunsyo ng city government na tumatanggap silang muli ng mga bisita magmula nang isailalim ang lungsod sa modified general quarantine noong September 1.
Pinaalalahanan ng City Administrator na si Engineer Gregorio Monreal na kailangang sundin ng mga turista ang minimum health protocols gaya ng physical distancing at pagsusuot ng face mask.
“’Yung mga gustong pumunta sa Tagaytay ay hindi natin puwedeng mapigilan, welcome sila sa atin pero kailangan nilang sumunod sa minimum public health standard. Bagamat ang ating guidelines ay nasa quarantine protocols pa rin tayo, pero ‘yung mga gustong pumunta sa Tagaytay ay hindi natin mapipigilan,” ani. Engr. Monreal.
Aniya, mayroon pa ring mga checkpoints sa entry at exit points ng lungsod subalit hindi oobligahin ang mga bisita na magprisinta ng travel pass. Ang kailangan lang ay mag-fill-up ng health declaration form.
Naglabas ng memorandum si City Mayor Agnes Tolentino noong September 1 para sa guidelines na dapat sundin ng mga establisimyento, mga tanggapan, public transportation, religious groups at mga barangay.
Kailangan umanong sundin ang mga health standards at protocols upang maproteksyunan ang mga workers at turista.
Pinapayagan ang mga hotel na mag-operate ng hanggang 50% capacity nito. Kailangang kumuha ng certification at accreditation mula sa Department of Tourism ang mga hotel bago makapag-operate.
Ang mga pribadong sasakyan ay papayagang maglabas-masok sa Tagaytay kung sinusunod ng mga pasahero nito ang physical distancing.
Inaasahan na sa muling pagbubukas ng pinto ng Tagaytay para sa mga turista ay makababawi na ang city government at mga negosyanteng nawalan ng kita dahil sa pandemya. (Daris Jose)
-
Sa sobrang init: Mamalagi sa bahay – PAGASA
Dahil sa sobrang init ng panahon, hinikayat ng PAGASA ang publiko na mag-ingat at mamalagi lamang sa loob ng tahanan dahil aabutin ng 38 degrees Celsius ang heat index. Ayon kay weather forecaster Chris Perez, nitong nagdaang linggo ay nakaranas ang Metro Manila ng maximum temperature na 34.8 degrees Celsius pero aabutin ang […]
-
Mula sa nakatatakot na si Padre Salvi: JUANCHO, level-up ang pagiging kontrabida sa ‘Maging Sino Ka Man’
MULA sa nakatatakot na pagganap bilang si Padre Salvi sa ‘Maria Clara At Ibarra’, muling katatakutan si Juancho Triviño sa bagong role niya as Gilbert sa Kapuso special series na ‘Maging Sino Ka Man.’ Sey ni Juancho ay mag-level up pa ang inis ng mga tao sa bagong kontrabida character niya dahil gusto […]
-
Sibuyas, nangungunang smuggled product sa Pilipinas – PNP
INIHAYAG ng PNP na sa kabila ng iba’t-ibang mga pekeng produkto, ang pinakamaraming smuggled products na naitala sa Pilipinas ay produkto ng mga sibuyas. Iniulat ni Police Brigadier General Romeo Caramat Jr. na P137.6 milyong halaga ng sibuyas ang naipuslit sa bansa mula noong 2019. Aniya, mula Enero 2019 hanggang Abril […]