• June 21, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NCR hospitals nasa ‘danger zone’ na

Inamin ng Department of Health (DOH) na nasa 70-percent na ng isolation at ward beds para sa COVID-19 patients ng mga ospital sa National Capital Region (NCR) ang okupado na ng confirmed cases.

 

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 73.7-percent ng isolation beds sa Metro Manila ang may COVID-19 patients na naka-admit. Sa ward beds namang nakalaan sa nasabing mga pasyente, 77.4-percent ang okupado.

 

“This means that the health system is not yet overwhelmed ngunit isa itong trigger point upang mag-signal na kailangan may karampatang kilos na upang makapaghanda tayo kung tumataas man ang demand,” ani Vergeire.

 

Ang higit sa 70-percent na utilization rate ay katumbas na raw ng level na “danger zone.”

 

“‘Safe zone’ kung nasa 0 to 30 percent pa lang ng COVID-19-dedicated facilities ang nagagamit. ‘Warning zone’ naman kung nasa 30-70 percent na ang nagagamit at ‘danger zone’ kung 70 to 100 percent na ang nagagamit,” dagdag na paliwanag ng opisyal.

 

Sa ngayon may 61-percent na ring utilization rate sa ICU beds at 36.3-percent sa mechanical ventilators ng COVID-19 allocated facilities ng rehiyon.

 

Mula sa 107,508 beds ng 1,312 hospitals sa bansa, 14-percent o 14,945 daw ang nakalaan para sa COVID-19 patients.

 

Binubuo ito ng 20-percent mula sa public hospitals, at 9-percent galing naman sa private hospitals.

 

Kahapon, pumalo na sa 57,545 ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa Pilipinas at lalo pa itong tumataas bawat araw. (Daris Jose)