• July 3, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Palitan natin ng serbisyo publiko ang kapangyarihan na ipinagkatiwala sa atin” -Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS- “Wala tayong kapangyarihan sa ating mga sarili, maliban sa tiwala na ipinagkaloob sa atin ng ating mga kababayan. Palitan natin ng serbisyo publiko ang kapangyarihan na ipinagkatiwala sa atin.”

 

 

Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa kanyang sarili at sa kanyang mga kapwa lingkod bayan sa panunumpa niya para sa kanyang ikalawang termino bilang ika-35 Gobernador ng Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na “Pasinaya at Pagtatalaga sa Tungkulin ng Lahat ng Bagong Halal na Opisyal sa Lalawigan ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kahapon.

 

 

Sinabi ni Fernando na hindi niya pinangarap o pinlano na maging dakilang anak ng lalawigan ngunit tinatanggap niya ito ng buong pagpapakumbaba.

 

 

“Sadyang mahiwaga ang kalooban ng Dakilang Lumikha. Tayo ay patuloy na namamangha sa gawa ng kanyang mga kamay. Paano nga bang ang isang ordinaryong tao na artista lamang kung turingan ay nabigyan ng karangalang manungkulan bilang ika-35 Gobernador sa mahigit na 400 taong kasaysayan ng dakilang Lalawigan ng Bulacan,” aniya.

 

 

Binalikan rin niya ang mga pangyayari sa nakalipas na tatlong taon at inalala ang mga pagsubok na kinailangan niyang malagpasan ilang buwan matapos niyang simulan ang kanyang unang termino.

 

 

“Ang nagdaang tatlong taon ay puno ng pagsubok at pighati. Hindi lamang para sa inyong lingkod kundi sa buong daigdig. Hindi madaling magsimula ang isang lider lalo na sa gitna ng pandemya, ang pinakamatinding krisis ng ating panahon,” anang gobernador.

 

 

Para sa hinaharap, sinabi niya na akma ang kanyang mga balakin para sa kinabukasan sa mga plano ni halal na Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. lalo na ang patungkol sa agrikultura, imprastraktura, at hanapbuhay.

 

 

Sa huli, nanawagan si Fernando sa kanyang mga kapwa opisyal ng gobyerno na magkaisa para sa lalong ikauunlad ng lalawigan at ng bansa.

 

 

“Mga kapwa lingkod bayan, gamitin natin ng mahusay ang pagkakataong ito. Ituon nawa natin ang lahat ng pagsisikap upang maitawid ang sambayanang minamahal mula sa kawalan patungo sa daloy ng oportunidad sa kabuhayan,” anang gobernador na nasa kanyang ikalawang termino.

 

 

Sa kabilang banda, pinuri ni dating Gobernador Roberto Pagdanganan ang mabilis na pagresponde ni Fernando laban sa pandemyang COVID-19.

 

 

“Tunay na inilapit ni Governor Daniel ang pamahalaan sa ating mga kababayan. Iyan ang maririnig mo kahit saan ka magpunta. Madaling lapitan at tunay na inilapit ang pamahalaan sa bayan. ‘Yan si Governor Daniel,” anang dating gobernador.

 

 

Samantala, kabilang sa iba pang lingkod bayan na nanumpa kahapon sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, mga Bokal, mga Kinatawan, mga Punong Bayan at Lungsod, mga Pangalawang Punong Bayan at Lungsod, at mga Konsehal. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Other News
  • Nag-celebrate ng first monthsary ang #PorDee: MICHELLE, kinakiligan ang pinost na twinning photoshoot nila ni ANNTONIA

    NATUWA ang fans ni Miss Universe PH 2023 Michelle Marquez Dee dahil nag-celebrate ito ng first monthsary ng #PorDee, ang tandem nila ni Miss Universe 2023 first runner-up Anntonia Porsild of Thailand.       Nag-share si Michelle sa X (formerly Twitter) ng twinning photoshoot nila ni Ann. May caption ito na: #PorDee1stMonthsary.     […]

  • Duterte sa PDEA: Bilang ng illegal drugs na nakapasok sa Pinas, ireport sa ICC

    PINAGSUMITE ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang law enforcement agencies ng report sa International Criminal Court (ICC) tungkol sa bilang ng tonelada ng ilegal na droga na nakapasok sa bansa.     Kabilang umano sa ilalagay sa report ang toneladang shabu na araw-araw ay dumadagsa sa Pilipinas, sa kabila […]

  • Sa pagbabalik-TV sa Kapatid network: RANDY, willing pa rin na samahan at idirek si WILLIE

    SA pamamagitan ng kanyang Instagram account ay inilabas ni Zanjoe Marudo ang ilan sa mga larawan na kuha nila ng kanyang asawa na ngang si Ria Atayde habang nagha-honeymoon sa Balesin Island.     Kasama ng dalawa ang buong Atayde family na itinaon na rin para sa Holy Week vacation ng buong pamilya ng beterana at […]