PBBM, pinalagan ang ginawang pagbabanta ni VP Sara
- Published on November 26, 2024
- by @peoplesbalita
PINALAGAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nakababahalang mga pahayag na narinig ng sambayanang Filipino mula kay Vice-President Sara Duterte nitong mga nakaraang araw.
Sa naging mensahe ng Pangulo, sinabi nito na nakababahala ang mga pahayag na binitiwan ni VP Sara sabay sabing “Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinalalampas.”
Nandiyan aniya ang walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilang kilala opisyal ng gobyerno at personalidad.
“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan?,” ang tanong ng Pangulo.
Kaya nga, bilang isang demokratikong bansa, kailangan na itaguyod ang tuntunin ng batas.
“Ako, bilang pinuno ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang ating mga batas,” aniya pa rin.
Kaya hindi aniya tama ang pagpigil ng mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan.
Hindi na sana aniya pa rin hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lamang ang mga lehitimong katanungan sa Senado at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan.
Imbes na diretsahang sagot, nililihis pa sa kwentong chicheria,” diving pahayag ng Pangulo.
Dahil dito, hangad ng Pangulo na matuldukan na ang mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa lahat sa katotohanan.
Sinabi pa rin niya na sa loob ng 12 taon na kanyang panunungkulan sa magkaparehong kamara ng Kongreso. Batid aniya niya ang kapangyarihang iginawad sa kanila ng taumbayan at ng Konstitusyon.
“Dahil dito, iginagalang ko ang kanilang gawain bilang isang independenteng sangay ng ating Republika. Kahit ang buong executive branch, lahat ng mga ahensya, ay hindi nakakaligtas at parating sumasailalim sa kanilang masusing pagsusuri,” ang tinuran ng Pangulo.
Bilang isang bansa aniya ay maraming mga paghamon na dapat harapin at mga suliraning dapat bigyan ng lunas.
Sa kabila ng mga pambabatikos, nakatuon ang pansin ng Pangulo sa pamamahala. Ngunit tinitiyak aniya niya na hindi niya iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan aniyang manaig ang batas sa anumang situwasyon at sinuman ang tamaan.
Dahil dito, iginiit at tiniyak ng Pangulo na “Kaya hindi ko hahayaan magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika. Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino,”
“Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” ang panawagan ng Pangulo. (Daris Jose)
-
47 HEALTH PROTOCOL VIOLATORS SA NAVOTAS POSITIVE SA COVID
Nagpositibo sa COVID-19 ang 47 sa 209 health protocol violators na nadakip mula March 16-19, 2021 sa Navotas city. Nagpasa ang Navotas ng City Ordinance No. 2021-17 na nagpapataw ng mandatory RT-PCR swab test penalty sa mga lalabag sa safety protocols kabilang curfew, pagsuot ng face mask, at social distancing. “This […]
-
Speaker Romualdez ipinapanukala ang PH-US-India partnership sa pagtatayo ng digital public infrastructures
IPINANUKALA ni House Speaker Martin Romualdez ang posibleng partnership ng Pilipinas, United States (US), at India sa pagtatayo ng digital public infrastructure sa bansa. Ginawa ni Romualdez ang kanyang panukala matapos dumalo sa Digital Public Infrastructure lecture nuong Sabado (Philippine time) na ginanap sa International Monetary Fund (IMF) headquarters sa Washington D.C. kung […]
-
PBBM, hinikayat ang mga deboto ng Señor Sto. Niño na i-translate ang kanilang pananampalataya sa gawa, ipalaganap ang pag-asa, pagmamahal at saya
NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa milyon-milyong deboto ng Señor Sto. Niño sa pagdiriwang ng Sinulog Festival kasabay ng paghikayat sa mga ito na i-translate ang kanilang pananampalataya sa gawa at ipalaganap ang pag-asa, pagmamahal at saya sa iba. Sa naging mensahe ng Pangulo, umaasa ito na mananatiling nagkakaisa ang mga […]