TULOY-TULOY ang paghahatid ng serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa kabila ng zero subsidy na matatanggap nito mula sa 2025 national budget.
“Sisiguruhin natin na tuloy-tuloy at mas lalawig pa ang mga benepisyo ng lahat ng Pilipino sa ilalim ng PhilHealth,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa isinagawang paglagda sa P6.326 trillion 2025 national budget.
Binigyang din ng Pangulo na mananatiling committed ang administrasyon na iprayoridad ang social services sa 2025 budget, kabilang na ang sektor sa edukasyon, pangalusugan, economic services, imprastraktura at agrikulutura.
Inulit naman ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin ang sentimyento ni Pangulong Marcos sa isang press conference, Siniguro na gagawin ng Office of the President (OP) ang lahat ng remedy para mapanatili ang serbisyo ng PhilHealth.
“Sinabi ng ating Pangulo kanina na walang mababawas na benepisyo kundi magdagdagan pa. At, pinaliwanag ni Secretary Ralph Recto ngayon, na ang PhilHealth ay maraming resources na maaari niyang gamitin sa pagpapalago ng benepisyo para sa mga kababayan natin,” ang sinabi ni Bersamin.
“‘Wag kayong mag-aalala, ang inyong Executive Branch ay maingat … mabusisi sa paggamit ng ating resources,” aniya pa rin.
Tinukoy ni Bersamin ang pahayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto na nagbibigay-diin sa matatag na ‘financial standing’ ng PhilHealth.
Sinabi ni Recto na P280 billion na reserve funds, isang P150 billion surplus, at mahigit P400 billion sa investments.
Winika pa ng Kalihim na ang corporate operating budget ng PhilHealth ay sapat. Maaaring i-monitor ng pamahalaan ang fiscal performance nito sa mga darating na taon.
“They have adequate resources. Now, having said that, we in the Department of Finance, next year, tutukan namin ang PhilHealth. We will make sure that we spend that budget better,” aniya pa rin nang hilingin na ipaliwanag ang budget ng PhilHealth.
Tinuran ng Kalihim na partikular na pagtutuunan nila ng pansin ang ‘benefit package’ para sa ‘top 10 illnesses.’
At hinggil naman sa tanong kung pananatilihin ng Pangulo ang zero-budget allocation, ang paliwanag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ay hindi naman gumawa ng kahit na anumang malaking pagbabago ang gobyerno sa enrolled bill.
“Pag wala na po sa enrolled bill, wala po. Hindi [na] po siya [pwede]. Hindi po natin puwedeng dagdagan,” ayon sa Kalihim.
Nauna rito, pinirmahan ng Pangulo ang P6.326 trillion 2025 national budget mula sa inisyal na panukalang P6.352 trillion.
Bineto (veto) ng Pangulo ang P194 bilyong halaga ng proyekto na aniya’y “inconsistent with the administration’s priority programs.”
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na direkta niyang bineto ang mga probisyon na hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga tao.
“Conditional implementation on certain items was also pursued to ensure public funds are utilized according to authorized purposes,” ang dagdag na pahayag ng Pangulo. ( Daris Jose)