PNP nagpaalala sa mga biyahero sa minimum health protocols
- Published on March 22, 2022
- by @peoplesbalita
PINAALALAHANAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocols kaugnay ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Ito’y kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista sa mga tourist spots ngayong summer season o panahon ng bakasyon.
Ayon kay Col. Jean Fajardo ng PNP-Public Information Officer, dapat panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask at palagiang magdala ng alcohol.
Sinabi ni Fajardo na asahan na ang presensya ng idedeploy na mga pulis sa mga beaches, mga kilalang destinasyon ng mga turista at mga simbahan sa panahon ng Semana Santa.
“I would like to remind our fellow Filipinos planning their trips to our beautiful tourist destinations here in the country to bring along the necessary protection against Covid-19,” ayon sa opisyal.
Una nang inianunsyo ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang pagdedeploy ng 17,000 personnels sa mga matatao at dinarayong lugar sa panahon ng bakasyon at Semana Santa.
Samantalang maglalagay rin ang PNP ng Help Desk at Police Assistance Posts sa mga lugar na pamosong destinasyon ng mga turista tulad ng Boracay Island sa Malay, Aklan.