TEAM LEBRON, BINIGO ANG TEAM GIANNIS
- Published on February 18, 2020
- by @peoplesbalita
EMOSYUNAL ang kapaligiran bilang paggunita sa namayapang si Kobe Bryant, ngunit nang magsimula ang aksiyon, punong-puno ng tikas ang bawat galaw at bawat isa ang may matinding paghahangad na magtagumpay sa ginanap na makapigil-hiningang 69th NBA All-Star Game nitong Linggo (Lunes, Manila time).
Dati ay malamya ang depensa sa mga All-Star game at tila tinuturing lang na exhibition game lalo na kapag fourth quarter, na napupuno na ng highlights at nababawasan ang pagiging competitive ng mga manlalaro.
Sa bagong format ng nasabing laro, kung sino ang lamang ay magdaRagdag ang mga official ng 24 points bilang tribute kay Bryant, at ‘yon ang magiging target score sa fourth quarter, kapag naabot na ang nasabing score ay iyon ang mananalo.
124 points ang score ng koponan ni LeBron James, 133 naman ang kay Giannis Antetokounmpo, ibig sabihin ay 157 points ang kailangan maabot ng dalawang rival team para manalo sa event.
Dahil sa bagong format ay natuwa ang mga NBA player dahil tila NBA finals ang kanilang napapanood na lahat ay seryoso sa laro.
Ipinasok ni Anthony Davis ang game-winning free throw upang ilista ang 157-155 pagdomina ng Team LeBron sa Team Giannis sa ginanap na makapigil-hiningang labanan.
Dito na tila nag-iba ang tema ng laro, na sa isang punto pa nang tabla sa 152-all ang iskor ay napareklamo ang Team LeBron sa tawag ng referee.
Si Los Angeles Clippers star Kawhi Leonard, na itinanghal bilang kauna-unahang Kobe Bryant All-Star MVP awardee, ang siyang bumuhat sa Team LeBron na humakot ng 30 points.
Mistulang nag-init din ang kamay ni Leonard makaraang magpakawala ito ng walong three-pointers, na isa na lamang ang kulang upang mapantayan ang All-Star record ni Paul George noong 2016.
Habang si Giannis Antetokounmpo naman ang sinandalan ng kanyang koponan makaraang tumabo ng 25 points.
Ibinigay ni LeBron James, na tumipon ng 23 points, sa Team LeBron ang 156-153 abanse ngunit nagmintis ang pinukol na 3-pointer ni Chris Paul.
Natapyasan pa ng Team Giannis sa isa ang puntos na kailangan nilang habulin nang maipasok ni Joel Embiid ang dalawa nitong free throws, 156-155.
Kinailangan ng winning team na maabot ang 157 points makaraang irehistro ng Team Giannis ang 133-124 cumulative lead sa loob ng unang tatlong quarters.
Ang target na final score ay dinetermina sa pamamagitan ng pagdadagdag ng 24 points sa iskor ng koponan na lamang sa loob ng naturang yugto, bilang bahagi na rin ng tribute kay Bryant.
Maliban dito, kapansin-pansin din ang suot na kulay blue na jerseys ng Team LeBron na No. 2 ang nakalagay na numero, samantalang No. 24 naman sa Team Giannis.
Sinasabing pagpupugay din ito para kay Bryant, na isinuot ang No. 24, at sa anak nitong si Gianna, na ginamit ang No. 2, na kapwa nasawi sa pagbagsak ng sinakyan nilang helicopter sa Calabasas, California nitong Enero 26.
Samantala, ito rin ang kauna-unahang All-Star Game mula noong 2013 na hindi naglaro si Warriors guard Stephen Curry, na nagpapagaling pa mula sa injury nito sa daliri.
Maging si Nets forward Kevin Durant, na hinirang na 2019 All-Star Game MVP, ay hindi rin nakasama sa line-up dahil sumasailalim pa ito sa rehabilitation makaraang mapunit ang Achilles tendon.
Nakakuha rin ng kabuuang $400,000 ang Team LeBron, na ibibigay nila sa Chicago Scholars.
-
Umaasa ang Kamara na maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang resolusyon na mag-aamyenda sa restrictive economic provisions sa 1987 Constitution
AYON kay House Deputy Majority Leader Janette Garin, posibleng maipasa ang Resolution of Both Houses No. 7 bago ang magbakasyon para sa Mahal na Araw sa Marso 22 maliban lang kung may magsusulong na ibalik ito sa debate. Inaasahan na tatalakayin nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang […]
-
PBBM, nakikita ang mababang power rates sa Mindanao sa paglulunsad ng WESM
SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang paglulunsad ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa Mindanao ang magsisilbing hudyat para sa investments at economic activity sa rehiyon, partikular na sa manufacturing at iba pang energy-intensive industries. Ayon sa Pangulo, ang WESM sa kalaunan ay makalilikha ng hanapbuhay at oportunidad para sa mga […]
-
Japanese tennis star Naomi Osaka bigo sa 1st round ng Cincinnati Open
NABIGO sa first round ng Cincinnati Open si Japanese tennis star Naomi Osaka. Tinalo siya ni Zhang Shuai ng China sa score na 6-4, 7-5. Ito ang pangatlong torneo ni Osaka mula ng magtamo ng Achilles injury. Noong nakaraang linggo kasi ay umatras na ito sa opening round ng […]