Top 8 MWP sa Caloocan, timbog
- Published on February 6, 2024
- by @peoplesbalita
ISANG lalaki na nakatala bilang top 8 most wanted person ang nasakote ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusadong si alyas “Rudy” na kabilang sa mga most wanted persons sa lungsod.
Alinsunod sa inilatag na agenda ni Chief PNP na “Aggressive & Honest Law Enforcement Operations”, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng WSS sa pangunguna ni PMSg Mark Andrew Bartolome, kasama ang mga tauhan ng Police Sub-Station 10 sa pangunguna ni P/Maj. Valmark Funelas ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-11:30 ng gabi sa San Vicente Ferrer Brgy., 178.
Ani Col. Lacuesta, ang akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Caloocan City Family Court, Branch 1, Judge Barbara Aleli Hernandez Briones noong November 21, 2023, para sa paglabag sa Lascivious Conduct under Sec. 5 (b) of R.A 7610.
Pansamantalang ipiniit ang akusado sa IDMS-WSS sa Caloocan police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)