• September 24, 2023
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Trabaho sa BPO, naghihintay sa mga uuwing OFW

May naghihintay na oportunidad sa trabaho sa mga industriya ng business process outsourcing (BPO) para sa mga uuwing overseas Filipino worker, partikular sa mga mayroong karanasan sa information technology at healthcare, ayon sa Department of Labor and Employment.

 

Kasunod ito ng pagtutulungan ng DOLE at ng IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) upang umagapay sa produktibong reintegration ng mga OFW at mapunan ang demand para sa karagdagang manpower sa industriya ng BPO.

 

Nitong buwan, sinabi ni Secretary Silvestre Bello III na nakikita ng kagawaran ang pag-unlad sa industriya ng BPO dahil napipilitan ang ibang bansa na mag-outsource ng trabaho bunsod ng global recession, at malaking bilang rito ang mapupunta sa Pilipinas.

 

Sa isang virtual meeting nitong Huwebes, nagpasalamat si Assistant Secretary Dominique Tutay sa inisyatibo ng IBPAP at tiniyak ang suporta ng DOLE upang mabilis na magkaroon ng ugnayan ang mga employer at jobseeker.

 

Maglalaan ang kagawaran ng database ng mga umuwing OFW na interesado o kuwalipikado para sa mga bakanteng trabaho.

 

Samantala, ang mga aktibidad para sa career marketing, initial screening, at job matching ay isasagawa ng IBPAP mula Agosto hanggang Nobyembre.

 

Upang mapaigting ang hakbangin, sinabi ni Tutay na ang kagawaran ay itutuon ang kanilang pansin sa pagsasagawa ng mga virtual job caravan upang mas mapadali ang pag-uugnayan ng mga jobseeker at employer.

 

Sinabi naman ni National Reintegration Center for OFWs (NRCO) OIC-Director Roel Martin na ang ugnayan ay makatutulong sa attached agency ng DOLE sa pagbibigay ng  job facilitation services sa  mga umuwing OFW at kanilang mga pamilya.

 

Wika pa niya, ang ilan sa mga katuwang ng ahensya sa OFW reintegration ay ang SITEL; Department of Public Works and Highways at DMCI para sa mga proyekto sa Build Build Build; Mega Sardines; at Motolite. Sinabi rin niya na ang mga umuwing OFW ay nai-refer sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa retooling at paglinang ng kanilang mga kasanayan.

 

Ayon kay IBPAP Executive Director for Talent Development Frankie Antolin, sa kabila ng pandemya, marami pa ring bakanteng trabaho para sa IT-BPM dahil sakop nito ang mga sangay ng contact center; animation at game development; global shared services; financial, IT, at HR shared services; software at IT outsourcing; at health information management system.

 

Dinagdag pa niya na ang mga umuwing OFW ay mayroong mga kasanayan na lubos na makatutulong upang magampanan ang mga trabaho para sa industriya ng BPO. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Other News
  • 2022 polls: Magkaisa kasunod ng pag-withdraw ni Sen. Bong Go – Mayor Inday

    Matapos ang pag-atras ni Sen. “Bong” Go sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo sa 2022 national and local elections, nanawagan ng pagkakaisa ang vice presidential aspirant na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.     Una nang sinabi ng tagapagsalita ni Mayor Inday na si Liloan, Cebu Mayor Christine Frasco, na naniniwala ang alkalde na ito […]

  • UNQUALIFIED OPINION MULA SA COA, TINANGGAP NG QC LGU SA IKATLONG SUNUD-SUNOD NA PAGKAKATAON

    INANUNSYO ni Quezon City Mayor Joy Belmonte nitong Independence Day celebration na nakatanggap muli sa ikatlong sunud-sunod na pagkakataon ng “unqualified opinion” mula sa Commission on Audit ang pamahalaang lokal ng Quezon City para sa 2022 annual audit report matapos ang mahigpit na assessment.     Ang “unqualified opinion” ay ang pinakamataas na audit opinion […]

  • MAVY, parang inamin na may relasyon na sila ni KYLINE dahil sa kanyang pinost

    MAG-POST ba naman si Mavy Legaspi ng picture ng isang mukha ng babae na kalahating lips at highlight ang dimples nito.     Hindi man kita ang buong mukha, e, makikilala naman talaga na walang iba ito kung hindi si Kyline Alcantara.     At ang pa-caption ni Mavy, “her. her smile. her dimples. Yup, […]