• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tuloy lang sa ensayo Pacquiao dedma sa demanda!

Ipinagkibit-balikat lang ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang demanda ng Paradigm Sports dahil nakasentro ang kanyang atensiyon sa pukpukang ensayo para sa kanyang August fight.

 

 

Tuloy lang sa training camp si Pacquiao kung saan nagpost pa ito sa kanyang social media accounts ng ginagawa nitong workout kasama si trainer Buboy Fernandez.

 

 

Sa katunayan, sumalang na si Pacquiao sa sparring sessions para paghandaan ang kanyang laban kay reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Fe­deration (IBF) welterweight champion Errol Spence Jr. sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa Las Vegas, Nevada.

 

 

“Sparring day! 55 days to go,” ani Pacquiao sa kanyang tweet.

 

 

Pumutok ang balita kamakalawa na nagsampa ng demanda ang Paradigm Sports dahil sa umano’y breach-of-contract na nagawa ni Pacquiao.

 

 

Nais ng Paradigm na pigilan ang Pacquiao-Spence fight.

 

 

Subalit iginiit ng kampo ni Pacquiao na walang legal na basehan ang para­tang ng Paradigm kaya’t tuluy na tuloy ang laban nito kay Spence.

 

 

Ayaw ni Pacquiao na maging distraksiyon ang isyu kaya’t mas minabuti nitong ituloy lamang ang training camp para sa big fight nito kay Spence.

 

 

“Maraming aksyon na magaganap sa taas ng ring so I have to make sure that our stamina is enough, na hindi tayo kapusin doon sa taas ng ring, ‘yung twelve rounds na yun,” ani Pacquiao.

 

 

Marami nang ginagawang adjustments si Pacquiao partikular na sa oras.

 

 

“Sa ngayon, ang training ko, naga-adjust na ako. Actually paggising ko kaninang mga 9 o’clock — 9 o’clock ng gabi ako gumising tapos nag-jogging ako. 9 o’clock, 6 0’clock sa US,” ani Pacquiao.

 

 

Kung hindi mababago ang plano, target ng Team Pacquiao na tumulak sa Amerika sa Hulyo 3 upang doon ipagpatuloy ang pagsasanay nito.