
SA kanyang 2024 accomplisment report, isa-isang inilahad ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga naging tagumpay ng lungsod na layong pagbutihin pa ang kalidad ng buhay ng Malabuenos, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang ika-60-taong kaarawan na ginanap sa Malabon Sports Complex.
“Nakaahon na at magpapatuloy pa. Ang ating mga naging tagumpay noong nakaraang taon ay ating nakamit dahil sa ating pagkakaisa, pinagsama-samang lakas para makamit ang ating mithiin. Ito rin ay nagsisilbing inspirasyon sa atin upang mas pagbutihin ang ating mga ginagawa tungo sa patuloy na pag-unlad. Kaya sana po ay ipagpatuloy rin natin ang pagkakapit-bisig. Nagawa na natin noong nakaraang taon, mas kakayanin at gagalingan pa natin ngayong 2025”. pahayag ng alkalde.
“Kaya sana po ay ipagpatuloy din natin ang pagkakapit-bisig. Nagawa na natin noong nakaraang taon, mas kakayanin at gagalingan pa natin ngayong 2025,” dagdag niya.
Ibinahagi ni Mayor Jeannie ang patas na pamamahagi ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng Malabon Ahon Blue Card, pagkakaloob ng tulong sa pamilya ng namamatayan, pamamahagi ng programang pangkabuhayan, at pamimigay ng 20 bangka at 40 lambat sa mga mangingisda.
Namahagi rin ang alkalde ng scholarship sa mahigit 6,000 estudyante ng City of Malabon University, pati na ng kanilang allowance para sa kanilang pag-aaral, trabaho sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students (SPES), at pagsasagawa ng Mega Job Fair upang lumaki ang oportunidad ng mga kababayan na magkaroon ng trabaho,
Sa serbisyong pangkalusugan, naipagkaloob sa 22,000 Malabuenos ang P15.2 milyong tulong pinansiyal sa pamamagitan ng Malasakit Center, katuwang nila ang pambansang pamahalaan, pati na 200.000 piraso ng libreng gamot sa 11,000 benepisyaryo at 362 ang nabakunahan ng anti-rabies.
Bahagi pa rin ng talumpati ng unang babaeng alkalde ng lungsod ang pamamahagi ng 15,626 relief packs, hot meals, at pansamantalang matutuluyan sa 36,000 katao nang manalasa ang bagong Carina, pati na rin ang pagpapasinaya sa Command and Control Center na magpapalakas sa pagtugon nila sa kalamidad, at pagtatanim ng bakawan sa mga daluyan ng tubig, pagsasa-ayos ng pumping stations at floodgates upang mapigil ang pagbaha.
Inilahad din ni Mayor Jeannie ang pakikipag-partner sa Development Bank of the Philippines para sa implementasyon ng DBP Asenso Program na nagpasimula sa konstruksiyon ng iba’t ibang imprastraktura tulad ng Multi-Purpose Building at Malabon Sports and Convention Center sa Brgy. Tañong, pati na ang Mid-rise Housing Project sa Sisa Extension sa Barangay Tinajeros na magbibigay ng pabahay sa may 220 residente.
Sinabi pa ng alkalde na naitaguyod din niya ang turismo, kultura, kasaysayan at sining sa Malabon sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa na kasali ang pagtuklas ng talento ng mga residente. Nakamit din niya ang ikalawang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of Interior and Local Government at ang Gawad Kalasag Seal na kumikilala sa kahusayan ng LGUs sa pagtugon sa kalamidad.
Kinilala din si Mayor Jeannie bilang Most Influential Woman ng Foundation of Filipina Women Network para sa kanyang mga kontribusyon sa larangan ng negosyo at serbisyo publiko. (Richard Mesa)