• March 29, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kapitbisig sa Pag-unlad MPC, naiuwi ang Cooperative Awards for Continuing Excellence sa GGK 2022

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa lahat ng natatanging mga kooperatiba sa lalawigan, naiuwi ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC mula sa bayan ng Pandi ang pinakamataas na parangal na Cooperative Awards for Continuing Excellence sa isinagawang Gawad Galing Kooperatiba 2022 sa pangunguna ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kahapon.

 

 

Sa kanilang patuloy na pakikilahok at suporta sa kanilang kapwa, nasunod ng Kapitbisig sa Pag-unlad MPC ang mga pamantayan ng isang mahusay na kooperatiba na naging dahilan upang makamit nila ang pinakamataas na parangal sa pagkilala na may premyong nagkakahalaga ng P65,000 at tropeo.

 

 

Tumanggap din ang nasabing kooperatiba ng Hall of Fame award para sa kanilang mga natatanging pagganap sa mga nakaraang taon.

 

 

Tumanggap din ng special awards ang iba pang mga natatanging kooperatiba kung saan sila ay nag-uwi ng premyong nagkakahalaga ng P15,000 at tropeo bawat isa kabilang na ang Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative sa ilalim ng Micro Scale Category; PAGUNOVA Transport and Multi-purpose Service Cooperative, Catholic Servants of Christ Community Multipurpose Cooperative, Marilao Municipal Employees Multi-Purpose Cooperative para sa Medium Scale Category; at Sta. Monica of Bustos Multipurpose Cooperative at Palayan sa Nayon Multipurpose Cooperative para sa Large Scale Category.

 

 

Sa ngalan ni Regional Director Cristina H. Villamil ng Cooperative Development Authority-Region III, binati ni Cooperative Development Specialist Jenalyn D. Ferrer ang lahat ng mga nominadong kooperatiba at awardees sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa pag-asenso ng lalawigan.

 

 

“Napakalaki po ng kontribusyon ng sektor ng kooperatiba sa pag-unlad ng ating bansa at sa Lalawigan ng Bulacan; at sa mga opisyales na isinusulong sa mga kooperatiba ang walang humpay na suporta sa ating sektor. Binabati ko kayo at sana ay ipagpatuloy niyo ang magandang kalidad ng pamamahala at operasyon ng inyong kooperatiba,” ani Ferrer.

 

 

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa mga kooperatiba bilang makabuluhang salik na naghatid ng mga parangal sa lalawigan kamakailan at hinimok ang mga Bulakenyo na magtatag ng mas maraming kooperatiba.

 

 

“Lubos kong pinapahalagahan ang inyong inisyatibo at pagsisikap na makapag-ambag ng magandang pagbabago sa ating bayan. Ang ating kolektibong pagkilos ang siyang maghahatid ng matamis na bunga ng kaunlaran sa hapag ng bawat isang pamilyang Bulakenyo. Sa inyong paglago bilang isang samahan ay nagiging daluyan kayo ng pagpapala sa ating mga kababayan sapagkat nakapagbibigay kayo ng maraming oportunidad at trabaho sa kanila,” anang gobernador.

 

 

Dumalo rin sa programa sina Bise Gobernador Alexis C. Castro at Bokal Allen Dale Baluyut, Tagapangulo ng Lupon ng Kooperatiba, upang ibahagi ang kanilang mga mensahe kasama ang mga miyembro ng Provincial Cooperative Development Council.

 

 

Bukod pa rito, 15 pang mga kooperatiba sa ilalim ng kategoryang Small Scale, Medium Scale, Large Scale at Billionaire Category ang tumanggap din ng cash incentive na nagkakahalaga ng P5,000 at tig-isang tropeo para sa ‘Natatanging Bayanihan ng Kooperatiba sa Panahon ng Pandemya – Ikalawang Yugto’ habang pito pang kooperatiba ang nakatanggap ng P10,000 kasama ang mga sertipiko bilang consolation prizes.

 

 

Nakatanggap din ng Golden Year Award ang St. Martin of Tours Credit and Development Cooperative mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa kanilang ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag noong 2020. (BISHOP JESUS “JEMBA” BASCO)

Other News
  • EDSA bus rides tuloy hanggang December

    NAGLABAS  ang Department of Budget and Management (DBM) ng P1.4 billion upang gamitin sa pinahabang libreng sakay sa EDSA Carousel hanggang December tamang-tama sa pagbubukas ng face-to-face na klase sa mga paraaralan     Inaprobahan ni Budget chief Amenah Pangandaman ang pag release ng pondo para sa programa ng Department of Transportation (DOTr) at Land […]

  • Umaasa ang Kamara na maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang resolusyon na mag-aamyenda sa restrictive economic provisions sa 1987 Constitution

    AYON kay House Deputy Majority Leader Janette Garin, posibleng maipasa ang Resolution of Both Houses No. 7 bago ang magbakasyon para sa Mahal na Araw sa Marso 22 maliban lang kung may magsusulong na ibalik ito sa debate.     Inaasahan na tatalakayin nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang […]

  • Publiko binalaan kontra Powerstar malware

    NAKAGAWIAN na ang device linking para sa mga gustong mapadali at mapabilis ang kanilang araw-araw na digital activities.     Gayunman, lumabas ang banta ng Powerstar Backdoor Malware na ine-exploit ang teknolohiyang ito. Mga PC (personal computer) operating system ang target ng malware na ito at ini-infect ang linked mobile phones at tables para ma-phish […]