PATULOY na nakikipag-ugnayan ang Chinese Embassy sa Pilipinas sa Philippine enforcement agencies kaugnay sa kamakailan lamang na pag-aresto sa dalawang Chinese national na nahulihan ng baril sa isang subdivision sa Pasig City.
Pinabulaanan naman ni Chinese Ambassador Huang Xilian na naglagay ang China ng clandestine forces sa Pilipinas at ang mga suspek ay kabilang sa mga sleeper cells na dineploy sa bansa.
“The Chinese Embassy is working with the Philippine law enforcement authorities to investigate the said case to jointly combat transnational criminal activities,” ayon kay Huang.
Ani Huang, mariing kinondena ng Tsina ang paratang sa kanila na aniya’y malinaw na paninira sa “the performance of normal duties and exchanges of Chinese institutions and personnel.”
“We strongly oppose and condemn such baseless allegations and malicious spreading of disinformation,” diing pahayag ni Huang.
Sa kabilang dako, sinabi ni NBI-NCR Asst. Regional Director Atty. Joel Tovera na ang ang kanilang naging operasyon ay base sa sumbong ng kapitbahay dahil sa ginagawang pang-aabala sa kanila.
Lumabas aniya sa kanilang pag-iimbestiga na talagang may pinag-iingat na baril ang dalawang tsino.
Nakuha ng NBI sa mga suspek ang high-powered weapons kabilang na ang assault rifle, at isang 40-caliber gun. Nakuha rin mula sa mga ito ang iba’t ibang ammunition o mga bala.
Nakuha rin mula sa mga Chinese nationals ang mga patches na may nakaburdang mga salitang Sniper Team, Assault Team, Blasting Team, at Machine Gun Team, na itinuturing na accessories ng isang airsoft uniform.
“Medyo nagulat din kami dahil may mga Machine Gun Team, Sniper Team, Blasting Team at Assault Team and then may chinese character sa ‘taas. So, iyong mga kasamahan natin agents.. nag-google na sila doon sa area pa lang. At nakita natin na ito pala’y mga gamit o accessories ng mga airsoft enthusiast,” ayon kay Tovera.
Sinasabing pang-koleksyon lamang ang mga patches na may english translation.
Itinanggi naman ni NBI regional director Rommel Vallejo na ang ginawang pagtugon ng NBI-NCR sa sumbong ay bahagi ng destabilization plot.
Giit ni Huang na sumusunod ang China sa “principle of non-interference in the internal affairs of other countries.”
Aniya pa, dedikado ang China na plantsahin ang anumang hindi pagkakaintindihan sa pamamagitan ng dayalogo.
“The irresponsible words and deeds of the relevant Filipino individuals run counter to the consensus of our two heads of state that maritime differences should be put in a proper place and well managed through dialogue and consultation, thus creating disruption to the diplomatic efforts,” ayon kay Huang.
“It is hoped that the Philippine side will work in the same direction with China and follow through on the consensus between the two heads of state so as to jointly safeguard our bilateral relations and maintain peace and stability in the South China Sea,” dagdag na pahayag nito.
Hindi naman inaresto ang filipino caretaker at hardinero na kasama ng dalawang tsino sa bahay dahil wala naman silang alam sa mga nakumpiskang baril.
Inamin ng mga tsino na sa kanila ang mga armas.
Sinampahan na ng reklamo ang dalawag chinese nationals sa paglabag sa firearms law. (Daris Jose)