LTO, CARMONA CITY LGU lumagda sa interconnectivity agreement
- Published on December 19, 2024
- by @peoplesbalita
MALAPIT nang ma-access ng Lungsod ng Carmona, Cavite ang pangunahing impormasyon ng mga sasakyan na kinakailangan para sa epektibong pagpapatupad ng mga batas-trapiko, matapos lagdaan ang kasunduan sa interconnectivity kasama ang Land Transportation Office (LTO).
Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs) upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada sa pamamagitan ng maayos at epektibong pagpapatupad ng mga panuntunan sa trapiko.
Ayon kay Assec Mendoza, bahagi ng epektibo at maayos na pagpapatupad ng batas-trapiko ang pagbibigay-kakayahan sa mga motorista na sumunod sa mga panuntunan habang nasa kalsada, sa pamamagitan ng pagbibigay ng batayang impormasyon sa mga lokal na traffic enforcers para matukoy at mapanagot ang mga pasaway na motorista.
“Hindi kayang mag-isa ng LTO na ipatupad ang mga batas para sa kaligtasan sa kalsada, lalo na sa mga lugar sa labas ng Metro Manila. Kailangan namin ang LGU, at tulad ng Pamahalaang Lungsod ng Carmona, maganda ang nagiging papel nila sa pagtulong sa pambansang pamahalaan na gawing ligtas ang mga kalsada para sa lahat,” ani Assec Mendoza.
“At mas magagawa natin ang lahat nang mas maayos dahil sa kasunduang ito dahil maibibigay ng LTO ang kinakailangang impormasyon na makakatulong sa Carmona City sa pagpapatupad ng kanilang mga batas-trapiko,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Assec Mendoza na bahagi ng adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada, na sinusuportahan ng bagong programa ng LTO na “Stop Road Crash.”
Nagbigay si Assec Mendoza ng halimbawa kung paano makatutulong ang interconnectivity agreement sa pagpapatupad ng mga batas. Ayon sa kanya, ang mga motoristang nakatakas matapos lumabag sa batas-trapiko ay maaaring matukoy gamit ang plaka ng sasakyan.
Ganito rin, aniya, ang sistema para sa mga sasakyang nasisiraan sa kalsada at nagdudulot ng matinding trapiko. Kapag rehistrado ang mga sasakyan sa LTO, matitiyak ang roadworthiness nito dahil ang inspeksyon ng sasakyan ay isa sa mga pangunahing kinakailangan sa pagpaparehistro.
“Maaaring ipadala ng LGU ng Carmona City sa amin ang impormasyon, at bilang kapalit, maaaring maglabas ang LTO ng Show Cause Order laban sa mga nakarehistrong may-ari ng mga sasakyang lumabag sa batas-trapiko,” ani Assec Mendoza.
Samantala, pinuri ni Carmona City Mayor Dahlia A. Loyola si Assec Mendoza sa mabilis na pagtugon nito sa kanilang hiling para sa interconnectivity sa LTO. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng access ng kanilang mga traffic enforcer sa batayang impormasyon tungkol sa mga sasakyan.
“Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon, maari nating ma-update ang ating datos nang real time, mapahusay ang koordinasyon, at masiguro ang epektibong pagpapatupad ng mga batas-trapiko. Sino ang mag-aakalang sa simpleng tap lamang, maari nang makipag-ugnayan sa LTO para sa tuloy-tuloy na monitoring,” ani Mayor Loyola.
“Tunay nga, hindi lamang natin pinalalakas ang kaligtasan sa kalsada at ginagawang mas maginhawa ang mga transaksyon. Pinapausbong din natin ang kultura ng pananagutan, integridad, at disiplina,” dagdag pa niya.
Nilagdaan ang Memorandum of Agreement at Data Sharing Agreement para sa LTO-LGU Interconnectivity Project nina Assec Mendoza, Mayor Loyola, Atty. Noreen Bernadette San Luis-Lutey, Chairperson ng LTO-LGU Interconnectivity Project, at Region IV-A Regional Director Elmer J. Decena noong Lunes, Disyembre 16, sa Lungsod ng Carmona.
Dumalo rin sina Cavite 5th District Rep. Roy Loyola at Assistant Regional Director Atty. Dennis Barrion. (PAUL JOHN REYES)
-
Banggaan ng 2 sasakyan pandagat, tinugunan ng PCG
SINAKLOLOHAN ng Coast Guard Station (CGS) Central Palawan sa banggaan na kinasasangkutan ng hindi pa nakilalang sasakyang pandagat at MBCA Jerrylyn sa humigit-kumulang 12 nautical miles silangan sa Canigaran Beach, Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City, Palawan. Sa ulat, nasagip ng Coast Guard Search and Rescue (SAR) team ang dalawang pasahero ng MBCA Jerrylyn na […]
-
Miyembro ng sindikato ng gun running arestado sa buy-bust sa Pasay
HINDI na nakapalag ang isang sinasabing miyembro ng isang gun running syndicate nang arestuhin siya ng mga pulis sa parking lot ng Mall of Asia sa Pasay City. Kinilala ang suspek na si Wilson Kho Bolante, 39 anyos at residente ng Garden Villas sa Sta. Rosa City, Laguna. Sa ulat, naaresto si Bolante sa […]
-
DINGDONG at MARIAN, dedma at ayaw nang patulan ang isyung ‘nakabuntis’
DEDMA as in dedma ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera sa ginagawang isyu o paninira sa kanilang mag-asawa. Walang sinasagot si Marian sa mga netizens na nagtatanong tungkol sa pinakakalat na fake news tungkol sa mister niya at sa dati nitong co-star sa dating serye sa GMA-7. Obviously, ayaw patulan ng mga ito. […]