Abiso ni PDu30 na baka maulit ang lockdown dahil sa bagong COVID variant, hindi dapat pang ipagtaka -Malakanyang
- Published on May 21, 2021
- by @peoplesbalita
BAHAGI na ng estratehiya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng lockdown ngayong panahon ng pandemya.
Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may posibilidad na muli itong ipatupad sa layuning mapigilan ang pagkalat ng mga bagong variant ng sakit.
Aniya, hindi naman nahinto ang implementasyon ng lockdown.
Sinabi ni Sec. Roque na kasama ang granular o localized lockdown sa mga istratehiya ng gobyerno na ang layunin ay pigilan ang paglaganap ng virus.
Aniya, nasa kapangyarihan na ng mga lokal na pamahalaan na may otoridad namang mai- implementa ang naturang paghigpit sa isang komunidad na kanilang nasasakupan.
Subalit, pagdating naman sa quarantine classification, malinaw na naman sa lahat ang formula tungkol dito na kung saan ay tinitingnan ang average daily attack rate, ang two-week attack rate at ang health care capacity.
“Well, unang-una hindi naman talaga tayo tumigil mag-lockdown. Hanggang ngayon po kasama sa ating istratehiya iyong granular or iyong localized lockdown. So kahit anong classification po naririyan po iyan ‘no, ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan na mag-resort to granular and localized lockdown,” ayon kay Sec. Roque.
“Pero pagdating naman sa quarantine classification, malinaw na malinaw na po iyan, alam na ng lahat ng ating mga kababayan iyan – tinitingnan po natin ang ADAR, iyong average daily attack rate, iyong daily attack rate at saka iyong two-week attack rate at saka iyong ating health care capacity ‘no. So, formula na po iyan, kasama rin iyong social at saka political implications ng lockdown,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)