Aklat hinggil sa eleksiyon sa Filipinas, inilunsad sa Araw ni Balmaseda 2020
- Published on February 14, 2020
- by @peoplesbalita
INILUNSAD ang aklat na Prosesong Elektoral (1846-1898): Ang Kaso ng Halalang Lokal sa Lalawigan ng Tayabas ni Dr. Gilbert E. Macarandang noong 28 Enero 2020, bilang paggunita sa ika-135 na kaarawan ni Julian Cruz Balmaseda.
Unang kinilala ang pananaliksik na ito nang parangalan ito bilang pinakamahusay na disertasyon sa agham pampulitika noong Gawad Julian Cruz Balmaseda 2016.
Pangunahing tinalakay dito ang politikal na impluwensiya, ugnayan at tunggalian ng Estado, Simbahan, at prinsipalya sa prosesong elektoral – sa pagpili ng gobernadorsilyo. Sa kabuan, ang kanyang disertasyon ay pag-aaral sa kasaysayan at kultura ng pagpili ng pinuno sa mga bayan ng Lalawigan ng Tayabas mula 1846 hanggang 1898.
Nagtapos si Dr. Gilbert E. Macarandang ng doktorado sa Araling Filipinas (Philippine Studies) sa Pamantasang De La Salle-Manila. Sa kasalukuyan siyang nagtuturo ng kasaysayan sa Pamantasang De La Salle-Dasmariñas.
Pinagpupugayan ng KWF si Balmaseda bilang nangungunang makata, kritiko, at iskolar ng wika at kulturang Filipino. Naglingkod din siya bilang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa kilala bilang KWF ngayon.
Ang paglalathala at pagsusulat ng mga saliksik na nagtatampok sa paggamit ng wikang Filipino ay repleksiyon ng mataas na pagkilala hindi lang kay Julian Cruz Balmaseda kundi sa wikang Filipino bilang wika ng karunungan.
Maaaring makabili ng kopya ng librong ito sa Komisyon sa Wikang Filipino, 2/P Gusaling Watson, Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)