• July 11, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“BAWAL ang caroling sa Maynila.”

ITO ang ipinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ngayong araw kung saan hindi papayagan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang pangangaroling ngayong Kapaskuhan.

 

Ang naturang pahayag ni Domagoso ay alinsunod sa ipinapatupad na alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa pinapairal na health protocols upang hindi na kumalat pa ang impeksyon dulot ng COVID-19.

 

Matatandaan na bukod sa pangangaroling ay una nang iniutos ng Alkalde ang “No Christmas Party” sa mga tanggapan o opisina sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

 

Ayon kay Domagoso, wala umanong magaganap na Christmas party alinsunod na rin sa naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang Christmas parties dahil sa patuloy na banta ng corona virus disease.

 

Aniya, maituturing umano na “mass gathering” ang Christmas party kaya hangga’t maaari ay huwag munang magdaos ng mga ganitong pagtitipon para na rin sa kaligtasan ng mga dadalo.

 

Bukod aniya sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ay sakop na din sa “No Christmas party” ang mga nasa pribadong sektor.

 

Sa kabila ng pagbabawal sa pangangaroling at Christmas Party, papayagan naman ng lokal na pamahalaang lungsod ang Christmas Bazaar.

 

Ayon kay Domagoso, layon nito na matulungan ang mga negosyanteng Manilenyo at hindi residente ng lungsod na mai-promote ang kanilang mga ibinebentang produkto.

 

Aniya, sinisimulan na nil ani Bureau of Permits Dir. Levi Facundo ang mga lugar at panuntunan para sa gaganaping Christmas bazaars.

 

Maging ang Mall umano sa lungsod ay maaaring magdaos ng bazaar basta’t maipatutupad ang health protocols.

 

Iginiit naman ng Alkalde na dapat maging responsable ang lahat, mula sa mga organizer, mga negosyante at mga taong mamimili ngayong holiday season. (Gene Adsuara)