DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 11) Story by Geraldine Monzon
- Published on January 21, 2022
- by @peoplesbalita
NAPILITAN si Cecilia na puntahan si Bernard para humingi ng tulong dito sa trabaho. Sa pagbubukas ng pinto ay isang lasing na Bernard ang bumungad sa kanya.
“Angela?”
Hindi nakaimik si Cecilia nang tawagin siya nitong Angela. Nabigla pa siya nang yakapin siya nito ng mahigpit.
“Angela, salamat at nagbalik ka!”
Hindi agad nakakalas si Cecilia sa pagkakayakap ng lalaki. Naramdaman niya ang labis na pangungulila nito sa asawa. Damang dama niya ang kapighatiang nakadagan sa puso nito. Hindi niya maipaliwanag ang emosyong bumalot sa kanya sa mga sandaling iyon.
“S-Sir Bernard, hindi po ako si Angela, si Cecilia po ako.” anang dalaga habang bumibitaw sa yakap ni Bernard.
“BERNARD!” si Lola Corazon na nagulat sa tagpong kanyang nadatnan. Kalalabas lang niya mula sa kusina.
“Lola…” nanlalabo ang paningin sa kalasingang bumaling si Bernard sa matanda.
Agad namang nilapitan ni Lola Corazon ang apo. Pinaupo muna niya si Cecilia sa sofa bago inakay si Bernard patungo sa kuwarto nito. At saka niya binalikan ang dalaga.
“Ikaw si Cecilia hindi ba?”
“O-Opo.”
“Anong kailangan mo?”
“Magpapatulong lang po sana akong makahanap ng trabaho…”
“Bakit kay Bernard?”
“Ahm…binigyan niya po kasi ng calling card ang lola ko at sinabing handa raw siyang tumulong sa abot ng kanyang makakaya…ilang buwan na po akong naghahanap ng trabaho…pero…pero hanggang ngayon wala pa rin…kaya m-magbabakasakali sana akong baka may maibigay na trabaho sa akin si Sir Bernard…”
Tiningnan ni Lola Corazon ang dalaga mula ulo hanggang paa.
“Cecilia, ayaw kong husgahan ka. Pero gusto kong malaman mo na hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa ninyong panloloob dito noon na muntik ikapahamak ni Bernard at ng pamilya niya. Sana lang ay nagsasabi ka ng totoo na trabaho ang hanap mo at hindi masama ang intensyon gaya noon.”
“Ahm, sorry po sa nangyari. Hindi ko kayo masisisi sa iniisip nyo sa’kin. Aalis na lang po ako.”
Tumayo na ang dalaga at tumalikod nang tawagin siya ni Lola Corazon.
“Cecilia.”
Lumingon ang dalaga.
“Po?”
“Ano ba ang tinapos mo?”
“High school lang po.”
“Napakabigat ng pinagdaraanan ngayon ni Bernard. Hindi ako sigurado kung matutulungan ka niya na magkaroon ng trabaho. Pero kung gusto mo, kahit pansamantala ay kukuhanin na muna kita para makasama rito sa bahay. Marami pang kailangang ayusin at sa tingin ko ay kailangan ko talaga ng makakasama sa panahong ito.”
“S-Sige po…”
“Pero gusto ko ring ipaalala sa’yo na babantayan ko ang bawat kilos mo.”
Kahit papa’no naman ay nakadama ng awa si Lola Corazon sa dalaga sa kabila ng nagawa nitong pagkakamali noon.
Hindi alam ni Cecilia kung bakit pumayag siya sa kagustuhan ng matanda na maging kasambahay na muna roon pansamantala. Kunsabagay, pansamantala lang naman. Ang perang kikitain niya roon ay magagamit din niya sa paghahanap ng ibang trabaho. Pwede na rin ‘yon kaysa wala.
Umaga,
Unti-unting nagmulat ng mga mata si Angela. Wala pa ring ibang laman ang isip niya kundi si Bela.
“Bela…Bela…anak…”
Bumangon siya at nagpalinga-linga.
“Bela? Bela?”
Pumasok sa silid si Manang Fe nang marinig ang boses ni Angela.
“Hija, gising ka na pala. Halika na’t mag-almusal. Umalis lang saglit si Roden, ipamimili ka lang niya ng mga damit at gamit sa bayan, babalik din siya agad. Sabi ko nga ako na lang ang mamimili pero gusto niya na siya na lang.”
“Si Bela, nakita mo ba si Bela?”
Umiling ang matanda.
“H-Huwag kang mag-alala. Tutulungan kitang hanapin siya.”
Nagulat si Manang Fe nang biglang lumuhod sa kanya si Angela.
“Parang awa mo na, hanapin mo si Bela, hindi siya pwedeng mawala sa’kin, hindi pwedeng mawala sa akin ang anak ko!” umiiyak na pagmamakaawa ni Angela.
Natigilan si Manang Fe nang mapansin ang dugo sa hita ng babae.
“Diyos ko, dinudugo ka, buntis ka ba?”
Agad dinala ni Manang Fe sa kilala niyang hilot si Angela. Makalipas ang ilang oras na pag-estima nito kay Angela ay malungkot itong lumabas ng silid at ibinalita kay Manang Fe ang kondisyon ng babae.
“Wala na ang bata sa sinapupunan niya.”
“Kung gano’n, bukod sa hinahanap niyang anak, buntis pala siya?”
“Ganoon na nga. Sa tingin ko’y hindi niya alintana ang nasa sinapupunan niya na sa tantya ko’y nasa tatlong buwan, mas nakatuon ang isip niya sa anak niyang nawala. Dala marahil ng sobrang stress kaya nakunan siya. ”
Awang-awang napatingin si Manang Fe kay Angela na nanatiling nakahiga sa loob ng silid ng manghihilot.
Pagbalik ni Roden ay agad niyang sinabi ang nangyari.
Natigilan si Roden pero pagkuwa’y natuwa pa ito.
“Mabuti na rin ‘yon Manang Fe. Mas makakabuti kung walang magiging hadlang sa pagsasama namin.” nakangiting ani Roden.
“Aysus ginoo kang bata ka. Hindi mo ba naisip na kung nabuhay ang batang iyon ay baka iyon ang maging daan para makarecover si Angela sa pagkawala nung anak niyang si Bela?”
Saglit na napaisip si Roden.
“May punto ka Manang Fe. Pero anak pa rin iyon ni Bernard. Kaya mas mabuti nang nawala iyon.”
Sa loob loob ni Roden, tama si Manang Fe. Kung magkakaroon ng bagong anak si Angela ay makakalimutan nito si Bela. Pero ang magiging anak nito ay dapat na manggaling sa kanya at hindi kay Bernard.
“Tama, gagalawin ko na siya bago ako umalis ng isla. Kailangang makabuo kami ng bagong anak. Ang anak namin ang magiging daan para matutuhan niya rin akong tanggapin at mahalin.”
Gabi.
Habang nahihimbing si Angela ay nakamasid sa kanya si Roden. Tinabihan siya nito at hinaplos sa balikat.
“Angela…ayoko muna sanang gawin ‘to…pero naisip ko na magandang paraan ito para makaalis ka na sa bangungot ng buhay mo…ikaw, ako at ang magiging anak natin…tayong tatlo lamang…ipinapangako ko sa’yo na magiging mas masaya ka sa piling ko…ibibigay ko sa’yo ang pagmamahal na higit sa ibinigay sa’yo ni Bernard…”
Inumpisahan na ni Roden na hagurin ang makinis na braso ni Angela. Idinampi na rin niya ang mga labi sa buhok nito.
(ITUTULOY)
-
Plaka sa mga sasakyan, paubos na rin – LTO
MATAPOS na sumingaw ang problema sa kawalan ng plastic driver’s license ng mga motorista, inamin din kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na paubos na rin ang plaka ng mga sasakyan na maibibigay sa mga motorista. Ayon sa LTO, ubos na ang plaka para sa mga motorsiklo sa buwan ng Hunyo at ubos […]
-
PhilHealth, sasagutin ang Covid-19 testing costs–Nograles
SASAGUTIN ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang testing costs ng isang indibidwal na nais na magpagamot matapos na ma-infect ng coronavirus disease (Covid-19). Ito’y upang hindi na mag-alala ang publiko sa magiging gastos kapag nagpagamot dahil sa Covid-19. Kinumpirma ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na ang Covid-19 tests sa mga ospital ay […]
-
MEDICAL MARIJUANA – MALINAW SA MARAMI, MALABO SA IILAN.
MAGSASAMPUNG taon na ang adbokasiya para sa legal na paggamit ng medical marijuana dito sa Pilipinas ngunit marami pa rin ang hindi lubos na nakakaunawa sa benepisyo nito. Milyun-milyong pasyente bawat taon ang natutulungan nito sa maraming bansa, ngunit hindi pa rin malinaw para sa ilan sa Pilipinas ang isyu sa bagay na […]