• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 14) Story by Geraldine Monzon

NAGULAT si Bernard nang tawagin siya ng matanda sa pangalan niya. Mula rito ay nalaman niyang ito ang ama ni Roden na dati niyang kaibigan at ka-officemate.

Humakbang muli si Bernard palapit sa matanda.

 

“What a small world, kumusta na po si Roden?”

 

“Ahm…maayos naman siya…”

 

“Good. Mabuti naman po at nakilala nyo ako.”

 

“U-Una nag-aalangan ako. Pero ikaw pala talaga si Bernard. Natatandaan mo ba noong dumadaan ako sa opisina nyo dati para magbenta ng tocino at kung anu-ano pa?”

 

“Ah oo nga po, natatandaan ko na!”

 

Nagdadalawang isip pa rin si tatang kung aaminin ba niya kay Bernard ang tungkol kay Angela o hindi. Batid niyang sa oras na malaman ito ni Bernard ay tiyak na hindi nito mapapatawad si Roden at pati siya. Isa pa, kilala niya ang kanyang anak na si Roden. Tiyak ring ikakagalit nito ng husto kapag umamin siya kay Bernard.

Subalit sa kabilang bahagi ng kanyang puso ay sinasabi nitong ito na ang tamang panahon upang gawin niya ang tama. Baka nga kaya muling pinagkrus ang landas nila ni Bernard ay upang magkaroon siya ng pagkakataon na ituwid ang pagkakamaling kanyang nagawa sa pagpapaubaya niya kay Angela sa kanyang anak na si Roden.

 

“Ahm, gusto ko pa ho sanang makipagkuwentuhan sa inyo, kaya lang kailangan ko na rin munang umuwi. Babalik na lang ako bukas after work.”

 

“S-Sige hijo…mag-iingat ka.”

 

Paalis na ulit si Bernard nang muli siyang tawagin ng matanda.

 

“Bernard!”

 

“Po?”

 

“Si Angela…”

 

Natigilan ang lalaki at napayuko.

 

“H-Hinahanap ko pa rin ho siya hanggang ngayon…sila ng anak kong si Bela…”

 

“S-Si Angela…” hindi mai-tuloy tuloy ng matanda ang nais sabihin.

 

Pero naisip niyang baka hindi na ulit siya magkaroon ng pagkakataon kung palalampasin pa niya ang ngayon.

 

“Bernard, may kailangan kang malaman.”

 

Napatunghay si Bernard at muling lumapit sa matanda.

 

“Ano hong kailangan kong malaman?”

 

Huminga muna ng malalim si tatang bago sumagot.

 

“Isinama siya ng anak ko…”

 

Nanlaki ang mga mata ni Bernard. Magkahalong tuwa at galit ang naramdaman niya. Tuwa na buhay talaga si Angela at galit na nasa piling ito ni Roden.

 

“Anong sinabi mo?”

 

“Makinig ka sa lahat ng sasabihin ko Bernard. Sasabihin ko sa’yo ang buong pangyayari mula sa simula kung paano napunta sa amin si Angela.” anang matanda na may bigat ang tinig.

 

Hindi mapigilan ni Bernard ang sarili. Pinitsarahan niya ang matanda.

 

“Siguraduhin mo lang na tama ang lahat ng sasabihin mo, dahil buhay namin ni Angela ang nakasalalay dito!” at saka niya ito pabalyang binitawan.

 

Sa pagitan ng kaba at pangamba ay sinimulan ni tatang ang pagtatapat kay Bernard.

 

“May dinalaw akong kaibigan noon sa Villa Luna nang maganap ang nakakatakot na trahedya. Sa gitna ng mala-delubyong pagbaha ay nakita ko si Angela na kumakawag sa tubig. Pilit kong inabot ang mga kamay niya at nang mahawakan ko siya sa braso ay doon na ako napanatag na nailigtas ko na siya. Subalit sigaw siya ng sigaw at tinatawag niya ang pangalang Bela…nagpalinga-linga ako sa paligid sa pagbabakasakali na makita ko ang Bela na tinatawag niya. Kaya lang wala na akong nakita. Malapit na ring bumigay ang sanga ng punong kinakapitan ko noon kaya nagpasya na akong hilahin na siya palayo sa malalim na bahaging iyon ng lugar. Papunta na kami noon sa evacuation nang madaanan kami ng kotse ni Roden. Isinakay na niya kami at hindi na pinabalik roon. Tuwang tuwa ang anak ko. Masayang masaya siya sa pagkakasagip ko kay Angela kung kaya’t binalaan niya akong walang dapat makaalam niyon kung hindi’y masisira ang relasyon namin bilang mag-ama. Inalagaan namin si Angela pero nanatili itong tulala at palaging isinisigaw ang pangalan ng inyong anak. Araw-araw pinipitpit ng konsensya ko ang puso ko pero nag-aalala naman ako para sa aking anak kung isosoli ko si Angela sa’yo. Hanggang isang araw na gusto ko nang gawin iyon,  naunahan naman ako ni Roden. Paggising ko’y wala na sila ni Angela. May kutob akong sa tiyahin niyang si Fe, na taga isla, doon niya dinala si Angela.”

 

Kumuyom ang mga palad ni Bernard. Walang sabi-sabing isinuntok niya iyon sa gilid na bahagi ng hinihigaang kama ng matanda.

 

“AAAHHH!” sa pagsigaw niya ibinuhos ang tinitimping galit.

 

Samantala.

Napansin ni madam Lucia na nakaayos si Cecilia.

 

“Aba Cecilia, mukhang gumaganda ka yata ngayon, mukha ka ng dalaga talaga!”

 

“Cecille po, at saka bakit mukha ba akong ano dati?”

 

“Mukha kang binata.”

 

“Hays, si lola talaga, sige na po lola babalik na ako ro’n at baka hinahanap na ako ni Lola Corazon.”

 

“Sige balik na. Pero Cecilia, maari bang iwanan mo ang puso mo rito?”

 

“Huh? Anong ibig mong sabihin lola?”

 

“Kilala kita apo, nang higit kaninuman. Ang pag-aayos mo ng iyong sarili ay tiyak na may dahilan. Natatakot lang ako na baka si Bernard ang dahilan na iyon.”

 

Natigilan ang dalaga. Hindi siya nakaimik.

 

“Cecilia, hindi siya, hindi siya ang nararapat para sa’yo.”

 

“Ano po bang pinagsasasabi mo lola, sige na po aalis na’ko.”

 

Habang daan pabalik sa Villa Luna ay iniisip ni Cecilia ang sinabi ng kanyang lola. Napangiti na lang siya sa isiping iyon.

 

Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Bernard. Nang makuha niya ang address ng isla mula kay tatang ay agad siyang naghanda sa pagtungo rito. Hindi na muna niya iyon sinabi kay Lola Corazon. Basta ang paalam niya rito ay meron lang siyang importanteng bagay na aasikasuhin.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Serena vs Venus sa Top Seed Open

    Nagbalik si Serena Williams sa paglalaro matapos mamahinga dahil sa COVID-19 outbreak at talunin si Bernarda Pera upang maikasa ang ikalawang laban kontra sa kanyang kapatid na si Venus sa Top Seed Open sa Lexington, Kentucky.   Haharapin ng top seed na si Serena si Venus matapos naman nitong talunin si dating world number one […]

  • Placement fee sa OFWs, pinatitigil

    PINATITIGIL  ng mga senador ang pangongolekta ng placement fee mula sa mga Filipino na nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa.     Ayon kay Senate Majority leader Joel Villanueva, dapat pairalin na sa lahat ng OFWs ang patakaran ng Japan na ‘no charging of placement fee’.     Paliwanag pa ni Villanueva, sa ilalim ng […]

  • De Jesus dagdag puwersa sa Gilas Pilipinas Women

    MAY isang  Filipina-American ang nakatakdang madagdag bilang reinforcement ng Philippine women’s basketball team o Gilas Pilipinas Women para sa ilang piling mga kompetisyon sa mga parating na buwan o taon.   Ang nagpahayag ng interes ay si Vanessa de Jesus, 18, incoming freshman sa pre-med course at kasapi ng women’s basketball team sa Duke University […]