DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 18) Story by Geraldine Monzon
- Published on January 31, 2022
- by @peoplesbalita
SA PAGBISITA ni Cecilia kay Madam Lucia ay hindi niya inaasahan na mapapakialaman nito ang cellphone niyang inilapag lang niya sa ibabaw ng mesa.
“Lola, hindi ka dapat nakikialam ng gamit ko!” anas ng dalaga.
“Hindi ko naman intensyon na pakialaman ‘yan, para bang may nagtulak lang sa akin na gawin ‘yon, ang tawag do’n instinct dahil may makikita pala akong hindi kanais nais.”
“Nabobored lang ako ro’n kaya ko ginagawa ‘yan.”
“Umamin ka nga Cecilia, hindi bored ang tawag do’n, gusto mo si Bernard tama ba?”
Huminga ng malalim si Cecilia bago sumagot.
“Cecille lola…saka hindi po ako sigurado.”
“Pwes ako siguradong sigurado. Hindi gagawin ng isang tao lalo na ng isang babae na kuhanan ng maraming stolen shots ang isang tao kung hindi niya ito nagugustuhan.”
Napayuko ang dalaga.
“Ayoko naman eh…kaso bigla ko lang naramdaman…”
Lumapit si Madam Lucia sa apo at hinawakan ito sa balikat.
“Apo, huwag mo sanang sasayangin ang pag-ibig mo sa isang tao na may iba ng pag-ibig. Ayokong masaktan ka lang.”
Hindi na umimik si Cecilia.
Magkausap ang maglolang Bernard at Lola Corazon sa terrace.
“Kumusta ang kalagayan ni Angela, ano ang sabi ng tumitingin sa kanya?”
“Malaki raw ang improvement niya lola, pero ang payo, alisin ko si Angela sa bahay na ito kung saan naganap ang trahedyang nagbigay sa kanya ng trauma. Kahit pansamantala lang, hanggang sa gumaling siya nang tuluyan.”
“Anong plano mo, saan mo naman siya dadalhin?”
“Iniisip kong dalhin siya sa Hawaii, kay Aunty Bel.”
“Tama. Si Bel. Napakabait ng tiyahin mong ‘yon. Tiyak na tatanggapin niya kayo roon.”
Lingid sa maglola ay naririnig ni Cecilia ang kanilang usapan.
“Hindi…hindi maaari…ayoko…ayoko please Bernard, huwag kang lalayo…” ani Cecilia sa isip.
Dahil sa narinig ay hindi na mapakali ang dalaga. Sa silid na inookupa niya sa bahay na iyon ay paroo’t parito siya sa paglalakad. Nag-iisip kung paano niya mahahadlangan ang plano ni Bernard.
“Hindi ko siya pwedeng akitin, lalo na at hindi na siya nag-iinom mula nang bumalik si Ma’am Angela…mas lalong hindi ko pwedeng aminin sa kanya ang nararamdaman ko…paano ba?…mag-isip ka, mag-isip ka Cecille…tama…tama, si Bela, kailangang magkaroon sila ng balita kay Bela!…siya lamang ang makakapigil sa mga magulang niya para umalis!”
Kinabukasan.
Pinuntahan ni Cecilia ang lungga ng tropa niyang kinabibilangan ni Bert.
“Hoy Cecilia, saan naman kami kukuha ng actress para paganapin diyan sa script mo?”
“Bahala kayo. Kailangan ko lang ng isang tao na makakausap ni Sir Bernard tungkol sa anak niya. Yung magbibigay ng konting pag-asa sa kanila.”
“Ba’t mo ba kasi kailangang gawin ‘yon?”
“Gusto ko lang makatulong.”
“Makatulong? E sa gagawin mo, paaasahin mo lang sila sa wala. Gusto mo maghanap na rin ako ng gaganap na Bela?”
“Sira ka talaga. Uso na ang DNA ngayon kaya hindi na uubra yung style sa mga dating telenovela.”
“Okay, sabi mo eh. Lilinawin ko lang, kukuha ako ng tao na magsasabi sa kanilang buhay si Bela tama ba?”
“Tama.”
“Tapos, paano ang bayad?”
“Ako na ang bahala ro’n.”
“Baka naman, may makukulimbat pa tayo sa bahay na ‘yon?”
“Ako ang unang unang haharang sa inyo kapag bumalik pa kayo ro’n.”
Hindi na umimik si Bert.
Pagbalik ni Cecilia sa bahay nila Bernard ay nagulat siya nang madatnan doon si SPO2 Marcelo. Nilapitan niya si Lola Corazon na nagpapahid ng luha.
“Lola, bakit ho?”
“Cecilia, naghatid si SPO2 Marcelo ng balita rito na isang babae raw ang sasagip sana kay Bela, subalit nang makuha raw niya ito sa baha ay wala ng buhay…”
Nabigla si Cecilia. Paano na ang plano niya?
“P-Paano ho sila nakakasiguro na si Bela nga iyon?”
“Ang sabi nung babae na nakausap ng pulis, nasa apat na taon ang bata, maigsi ang buhok, nakasuot ng bestidang pangtulog, basta, halos tumutugma ang description sa apo ko. Hindi ko lang alam kung makakaya pang ipa-DNA ang labi nito dahil matagal na raw nila itong naipalibing.” ani Lola Corazon sa pagitan ng pagluha.
Hindi makapaniwala si Cecilia. Tila hinahadlangan ng langit ang plano niya. Ano pang maaari niyang gawin ngayon para mapigilan sa pag-alis sina Bernard?
Pinuntahan ng mag-asawa ang sinabing pinaglibingan kay Bela. Nagdala sila ng bulaklak at nagtirik ng kandila.
“Sweetheart…kung totoo man o hindi na si Bela ang laman ng puntod na ‘yan, hindi na natin siya gagambalain pa. Gaano man kasakit para sa ating dalawa, kailangan nating tanggapin ang kalooban ng Diyos.”
Tumingin si Angela kay Bernard.
“Buhay siya…buhay si Bela…buhay ang anak ko…” mahinang sabi nito sa asawa.
Tumango tango na lang ang lalaki at niyakap ang babae.
Dahil dito ay buo na ang desisyon ni Bernard sa paglayo nila ni Angela.
“Lola, babalik din po kami agad kapag umayos na ang lagay ni Angela. Kayo na muna po ang bahala rito.” Ani Bernard habang nag-iimpake ng mga dadalhin nilang mag-asawa.
“Bernard apo, hindi ba dapat ay tiniyak nyo muna na si Bela nga ang naroon sa libingang iyon?”
Saglit na natigilan si Bernard bago muling nagsalita.
“Pinalalakas ko lang ho ang loob ko lola. Pero ang totoo, hindi pa ako handang tanggapin na wala na nga si Bela. Nagbilin pa rin ako kay Marcelo na ipagpatuloy ang paghahanap at pag-iimbestiga.”
Nang gabing iyon bago ang flight ng mag-asawa.
Buo na rin ang desisyon ni Cecilia. Wala na siyang ibang maisip na paraan dahil wala na siyang oras kaya’t gagawin na niya ang isang bagay na ayaw sana niyang gawin.
(ITUTULOY)
-
TESDA, hinikayat ng DSWD na iprayoridad ang 4Ps senior HS graduates
HINIKAYAT ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na iprayoridad ang 4Ps senior high graduates para sa skills training opportunities para makatulong na makapagtayo ng mas maliwanag na kinabukasan. Sa katunayan, nagpulong ang mga opisyal ng DSWD sa pangunguna ni Gatchalian […]
-
Mahigit 100,000 katao sa US kasalukuyang na-admit sa hospital dahil sa Omicron variant
Pinalawak pa ng US Food and Drug Administration ang otorisasyon sa paggamit ng emergency para sa mga nagpapalakas ng bakuna sa COVID-19 ng Pfizer sa mga batang edad 12 hanggang 15-anyos. Sinabi ni Dr. Peter Hotez, dean ng National School of Tropical Medicine sa Baylor College of Medicine na ang mga bata ang […]
-
24-HOUR CURFEW SA MINORS, IPINATUPAD MULI SA NAVOTAS
DAHIL sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease, inihayag ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na ipatutupad muli ang 24 na oras na curfew para sa mga menor de edad. Ayon kay Mayor Toby Tiangco, noong July 17, iniulat ng COVIDKAYA na ang Navotas ay nakapagtala ng 105.06% 2-week growth rate ng COVID cases, […]