• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 19) Story by Geraldine Monzon

NAKAISIP na sana ng paraan si Cecilia upang hindi makaalis sina Bernard at Angela patungong ibang bansa, subalit pinlano pa lang niya ay hinadlangan na siya ng tadhana na magamit si Bela nang dumating si SPO2 Marcelo dala ang hindi magandang balita tungkol sa anak ng mag-asawa. Kaya ganoon na lang ang pagkadismaya ng dalaga.

 

Mabilis ang naging pagpapasya ni Bernard para sa paglayo nila ni Angela kaya naman agad ding nagpasya si Cecilia para mapigilan ito.

 

Gabi. Bago ang flight ng mag-asawa.

 

“Hello Cecilia, akala ko ba gusto mong tulungan ‘yung mag-asawa, ba’t ngayon nag-iba ang plano mo?” si Brent sa kabilang linya.

 

“Basta. Kapag nagawa nyo ito ng pulido, babayaran ko kayo ng patas.” Mahinang tugon ng dalaga.

 

“Okay fine!”

 

Kalaliman na ng gabi nang pagbuksan ni Cecilia ng gate at pinto ang tatlong tropa niya.

 

“Cecilia, sigurado ka ba?”

 

“Oo, basta siguraduhin nyo rin na hindi nyo sasaktan si Ma’am Angela. ilalayo nyo lang siya rito.”

 

“Opo madam. Safe siya ro’n sa probinsya namin, doon namin siya dadalhin.” ani Brent.

 

Hinayaan na ni Cecilia na makapasok ang mga ito sa loob ng bahay.

 

Mahimbing na natutulog ang mag-asawa sa kanilang silid habang maingat na nakapasok dito sina Brent gamit ang kanilang teknik sa pagbubukas ng naka-lock na pinto. Ang isa ay kumilos para takpan ng panyong may pampatulog ang babae upang siguradong hindi ito magigising  at saka nilagyan din ng tape ang bibig nito. Itinali ang mga kamay at paa at saka kinarga. Nakatutok naman ang baril ni Brent kay Bernard na tinapalan din nila ng panyong may pampatulog, para kung sakaling bigla itong magising ay hindi agad ito makakapalag.

Marahan silang humakbang palabas ng silid.

 

Naalimpungatan si Lola Corazon sa silid niya. Naisipan niyang bumangon.

 

Si Cecilia ay nakasilip lamang mula sa kuwarto niya habang tinatangay ng tatlo si Angela.

 

“S-Sorry Ma’am Angela…” sa isip niya.

 

Nagulat ang dalaga nang biglang magbukas ang pinto ng silid ni Lola Corazon at maabutan pa ang tatlo.

 

“HOY, SAAN NYO DADALHIN SI ANGELA?”

 

Nabigla rin ang tatlo. Upang mapigilan ang pasugod na matanda ay tinutukan ito ng baril ni Brent.

 

“Hanggang dyan ka lang tanda!”

 

Pero hindi natinag si Lola Corazon, nagpatuloy pa rin ito sa paglapit kaya’t napilitan si Brent na iputok dito ang baril.

 

“HUWAAAG!” sigaw ni Cecilia.

 

Agad Dinaluhan ng dalaga ang matanda. Napailing si Brent. Kaya’t sa halip na tangayin pa si Angela ay binitawan nila ito at sila na lamang ang tumakas.

 

Sa ospital na nagkamalay ang matanda. Nasa tabi niya si Bernard.

 

“Bernard…”

 

“Huwag ka na munang magsalita lola. Mabuti at naalis agad ang bala sa balikat mo. Hindi ko po alam kung bakit hindi gumana ang mga cctv na ipinakabit ko sa bahay natin. Pero huwag kang mag-alala lola, si SPO2 Marcelo na ang bahala sa mga pumasok sa bahay natin. Isa pang naguguluhan ako, ay kung bakit si Angela ang pakay nila?”

 

Sinulyapan ni Lola Corazon ng tingin si Angela na nakaupo lang sa upuan sa loob ng silid na iyon.

 

“Iniisip ko, baka may kinalaman si Roden sa nangyari. Siya lang ang pwedeng magtangka ng masama sa asawa ko. Kailangan na talaga naming makaalis, pero bago kami lumayo, sisiguraduhin ko munang nasa likod na ng rehas ang hayup na Roden na ‘yon!”

 

“Sayang at nanlalabo pa ang paningin ko nung gabing iyon, hindi ko matandaan ang mukha ng mga ulupong na ‘yon para makatulong sana sa imbestigasyon.”

 

“Hayaan nyo na lola. Pag-alis namin ni Angela, sasabihin ko kay Mang Delfin na ihatid ka na muna ulit  sa bahay mo. Doon ka na muna dahil mas safe ka ro’n. “

 

“Papaano si Cecilia?”

 

“Pauuwiin ko na muna siya sa kanila. Ibibilin ko na lang kay Marcelo na baka pwedeng mahanapan siya ng ibang trabaho.”

 

“Pwede ko naman siyang kunin na kasama ko sa bahay.”

 

“Huwag na muna lola. Pinaiimbestigahan ko rin siya.”

 

“Ano? Pero bakit?”

 

“Ang mga cctv ay hindi gumana lahat kaya’t malayang nakapasok sa bahay natin ang mga ulupong na ‘yon na para bang sadyang may nagpatuloy sa kanila. Alam kong may alam si Cecille sa mga ganoong bagay. Kaya hindi ako makampante. Parang kinukutuban ako na hindi ko mawari. Kaya para mapalagay ang loob ko sa pag-alis namin, ilalayo ko na lang kayo sa mga tao na pinagdududahan ko. pero huwag kang mag-alala lola, may inirerekomenda sa aking nurse si Marcelo. Kaibigan ng asawa niya. Gusto kong siya ang mag-alaga sa’yo habang wala pa kami ni Angela.”

 

“Sige Bernard, ikaw ang bahala. Pero ang totoo hindi ko naman talaga kailangan ang mag-aalaga, napakalakas ko pa.”

 

“Mas mabuti na rin po iyon na may kasama rin kayo.”

 

Nang makauwi na si Lola Corazon ay inasikaso na agad ni Bernard ang naudlot nilang pag-alis ni Angela. Sa kanilang silid. Nilapitan ni Bernard ang asawa at ginagap ang kamay nito.

 

“Sweetheart, don’t worry, inayos ko na ulit ang flight natin. Wala ng makakahadlang pa sa mga plano ko para sa’yo. Para sa ating pamilya. Huwag kang mag-alala sweetheart, hindi pa rin natin susukuan si Bela. Hindi kailanman.”

 

Tumango tango si Angela at saka yumakap sa asawa.

 

Gabi. Habang nagkakape si Bernard sa hardin ay lumapit si Cecilia.

 

“S-Sir Bernard…”

 

“Cecille bakit?”

 

“Totoo po bang aalis pa rin kayo ni Ma’am Angela?”

 

“Oo, bakit?”

 

“At ako…babalik na ako sa amin…”

 

“Oo Cecille. Huwag kang mag-alala, tutulungan ka ni Marcelo na makahanap ng bago mong trabaho. Iiwanan na rin kita ng pera na magagamit nyo ng lola mo habang wala ka pang mapapasukan.”

 

Nabigla si Bernard at muntik nang maibuga ang hinigop na kape nang biglang lumuhod sa harapan niya ang dalaga.

 

“Sir Bernard, huwag kang umalis, pakiusap, huwag kang umalis!”

 

“Anong sinasabi mo?”

 

Hinawakan ni Cecilia ang kamay ng lalaki. Kasabay ng pagpatak ng mga luha niya ang pagsisiwalat ng kanyang damdamin.

 

“Mahal kita Sir Bernard. Mahal po kita. Huwag mo po akong iwan!”

 

Sa bukana ng hardin ay bumungad si Angela.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • THOMAS DOHERTY, THE MYSTERIOUS LORD OF THE MANOR IN “THE INVITATION”

    SCOTTISH actor Thomas Doherty (HBO Max’s Gossip Girl reboot) stars as Walter, the lord of the manor holding court over the wedding events in Columbia Pictures’ terrifying horror-thriller The Invitation. [Watch the film’s trailer at https://youtu.be/cHF2a2XZxUk] In the film, after the death of her mother and having no other known relatives, Evie (Nathalie Emmanuel) takes a DNA test…and discovers […]

  • Gilas Pilipinas nakaabang sa IATF approval

    MINAMADALI na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang mga requirements upang mabilis na makuha ang go signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa pagbabalik-ensayo ng Gilas Pilipinas.   Gahol na sa oras ang Gilas Pilipinas dahil halos isang buwan na lamang ang nalalabi bago ang FIBA Asia Cup Qualifiers na idaraos sa Nobyembre. […]

  • 7 patay, 120 nasagip sa pagkasunog na barko malapit sa Quezon

    NASAWI ang pito kataong lulan ng barkong MV Mercraft 2 malapit sa Baluti Island, Barangay Cawayan sa Real, Quezon ngayong Lunes.     Bandang 6:30 a.m. nang magpadala ng distress call ang naturang sasakyang pandagat mula Pilollo patungong Real, Quezon nang magkaroon ng sunog. Sinasabing nagmula ito sa engine room.     Aabot sa 134 […]